"Gaga ka, ang lamig ng kamay mo," natatawang pinisil ni Harley ang kamay ni Frankie. "Chill ka lang kasi. Masyado kang kabado parang hindi ka nag-practice ng ilang taon 'pag nakita mo na si Reid sa personal!"
Ngumuso si Frankie at umiling. "Iba naman kasi 'yon!" singhal niya. "Ang praktisado ko, 'yong mga meet and greet, 'yong nakapila tapos magpapapirma, hindi 'yong ganitong one on one! Hoy, baka magmukha akong tanga?"
"Hindi 'yan!" Hinaplos ni Harley ang buhok niya. "Basta 'pag SOS na, tawagan mo lang ako. Nakabukas naman 'yong tracker mo, right? Monitor ko na lang ikaw, okay?"
Tumango si Frankie at naupo sa bench na nasa gilid ng kalsada malapit sa apartment nila ni Harley. Ramdam din niya ang panlalamig ng kamay niya at panay na rin ang patunog niya niyon dahil sa kaba. Nag-message na rin kasi si Reid na on the way na ito kaya sinamahan siya ni Harley na maghintay sa labas.
Simula nang makilala niya si Reid bilang artista mahigit limang taon na ang nakalilipas, hindi na siya nakausad. Unang beses niya itong nagustuhan sa isang interview na pinanonood niya habang gumagawa ng assignment niya. At halos anim na taon na rin, pero si Reid pa rin ang crush niya.
"Ano'ng kotse niya?" tanong ni Harley na nakatingin sa mga dumaraang sasakyan.
Kinuha ni Frankie ang phone niya at binasa ang message ni Reid. "Range rover na black daw," aniya. "Artista things."
Natawa si Harley at humarap sa daanan na para bang naghihintay. Naupo naman si Frankie sa bench at naghintay. Iniisip pa rin niya kung tama ba ang suot niya. T-shirt na puti at pinarisan lang ng jacket na may hoodie, simpleng jeans, at puting tennis shoes.
Reid Aragon
hi.. nasa stoplight na akoNapatayo si Frankie nang makita ang notification galing kay Reid. Tanaw nila ni Harley ang stoplight na sinasabi ni Reid at ang kabang naramdaman niya ay mas tumindi pa. Halos parang tatagos na ang tibok ng puso niya dahil doon.
Nang umandar ang mga sasakyan, kinagat niya ang ibabang labi at hinawakan si Harley sa braso para sabihing paparating na si Reid. Panay naman ang paalala nitong mag-message kapag kailangan o kailangang magpasundo.
Huminto ang kulay itim na sasakyan sa harapan nila at nanatili si Frankie sa likuran ni Harley. Bumukas ang bintana at nakangiting kumaway si Reid sa kanila. Suot nito ang hood sa ulo tulad niya.
"Good evening," bati ni Reid at bahagyang tumango.
"Good evening din." Nagulat si Frankie dahil seryoso ang boses ni Harley. "Gusto ko lang ipaalala sa 'yo na may tracker ako ni Kik—" tumigil ito, "ni Frankie. Kapag may ginawa kang masama, masisira ang career mo. Naiintindihan mo ba 'ko? Wala akong pakialam kung artista ka, sisirain kita."
Mahinang natawa si Reid habang nakatingin sa kaibigan ni Frankie. Bahagya siyang tumango. "Iuuwi ko siyang safe. Kung gusto mo, puwede kang sumama," pag-aya niya.
"Ayoko nga." Tumalikod si Harley at humarap kay Frankie. "Sige na. Baka mahuli pa kayo ng MMDA," anito at natawa. "Tawagan mo kaagad ako kung may problema, okay? Susunduin kita. Ikalma ang sarili, Kieke, okay?" Pumwesto na sa likuran si Harley.
Tumango si Frankie at sinalubong ang tingin ni Reid at unang beses niya itong nakita nang sobrang malapitan. Binuksan niya ang sasakyan at nagpaalam na muna kay Harley bago sumakay sa kotse ni Reid.
Hindi niya inalisan ng tingin si Harley na panay ang paalala kay Reid tungkol sa pag-alis nila at siguruhing walang mangyayaring masama. Naririnig niya ang boses ng dalawa, pero mas lamang ang static sa tainga niya dahil sa kaba. Halos dinig niya ang tibok ng puso niya.
Umaandar na, nakasarado na ang bintana, pero nanatili siyang nakatingin doon. Hindi niya magawang humarap kay Reid. Panlalaking pabango ang amoy ng sasakyan nito, malamig ang hanging nanggagaling sa aircon, at mabagal lang din ang pagmamaneho.