Hindi alam ni Frankie kung ano ang nangyayari dahil pagkatapos niyang pumayag na umalis sandali, tumawag siya para sana itanong kung ano ang nangyayari, pero walang sinabi.
Kahit habang nagmamaneho, seryoso itong nakatingin sa daan. Hindi niya alam kung saan sila pupunta at ayaw na rin muna niyang magtanong dahil mukhang mainit pa ang ulo nito.
"Nagugutom ako," ngumiti si Frankie.
Patagilid na tumingin sa kaniya si Reid at ngumiti. Hindi nagsalita, pero pinagsaklop ang kamay nila, at hinalikad ang likod bago muling hinarap ang daanan. Dumiretso sila sa isang convenience store at tulad nang nakasanayan, si Frankie lang ang bumababa.
Habang kumukuha siya ng pagkain, nakabukas ang tawag kay Reid dahil tinatanong niya kung ano ang gusto nito. Paghinto niya sa freezer, nakita niya ang picture ni Reid sa isa sa mga advertisement na ikinangiti niya.
Kung sa ibang pagkakataon, kung hindi sila, malamang ay nagpapa-selfie pa siya sa picture na iyon. Malamang na nakangiti siya at nakatitig kasi ang gwapo, at malamang na ikinakahiya siya ni Lee o ni Harley dahil sa kalokohan niya.
Sa kasalukuyang sitwasyon, puwede na siyang manghingi ng picture anytime na gusto niya. May kasama pa ngang kiss.
Kumuha siya ng chips, ice cream, softdrink, cup noodles, at tinapay na puwede nilang kainin. Kumuha na rin siya ng chocolate tutal libre naman. Hindi siya masyadong gumagastos nitong mga nakaraan dahil nag-iipon siya ng puwedeng iregalo kay Reid.
Pagsakay sa kotse, tahimik pa rin si Reid na tipid lang na ngumiti. Pinakiramdaman pa niya si Reid at alam niya na tungkol sa trabaho ang pinagdaraanan ni Reid lalo na at galing ito sa network bago siya sinundo.
Imbes na mag-overthink, ibinalik niya ang tingin sa daanan. Nasa city pa rin naman sila. Kahit madaling araw na, marami pa ring tao sa paligid. Siguro ay mga night shift. Wala pa rin siyang idea kung saan sila pupunta hanggang sa huminto sila sa isang condo.
Inabot sila ng dalawang oras sa daan dahil paikot-ikot lang naman.
"Saan tayo?" Tinanggal ni Frankie ang suot niyang seatbelt.
Naunang bumaba si Reid at sumunod siya. Hinawakan nito ang kamay niya at dumiretso sa elevator na nasa basement parking. Naisip niyang siguro ay isa ito sa bahay ni Reid. Hindi pa siya nakapupunta kung saan ito nag-stay, pero alam niyang hindi ito ang tinutuluyan nito.
Sa elevator, maraming salamin. Suot ni Reid ang hoodie sa ulo, ganoon din siya. Yumakap ito mula sa likuran niya at walang sinabing kahit na ano. Ramdam niya ang higpit ng yakap at ang paghalik nito sa balikat niya.
Pagbukas ng pinto, maraming pinto at dumiretso sila sa ginta. Pagpasok naman ay mayrong hagdan sa gilid. Inaya siya ni Reid na umakyat doon. Loft type ang buong condo at mayroong malaking glass window na kita ang maliwanag na parte ng siyudad.
"Condo ng ate ko 'to," ani Reid na ibinaba ang susi sa lamesa. "Ang sabi niya noong nakaraan, nasa UK siya, pero may susi naman ako rito kung sakaling gusto kong magpunta. Stay lang muna tayo rito kahit hanggang sa umaga tapos ihahatid na kita."
Hindi na pumalag si Frankie at pinanood si Reid na ayusin ang pagkain nila. Cup noodles lang naman iyon. Hindi niya ito inalisan ng tingin at sinundan ang ginagawa. Nalulungkot siyang hindi man lang ito tumitingin o ngumingiti, pero maghihintay siya.
Tumayo si Frankie at dumiretso sa glass window na sobrang laki at hinarap ang city lights. Palihim siyang humikab dahil inaantok na talaga siya. Tumawag lang si Reid kaya kaagad siyang napabangon kahit na matutulog na talaga dapat.
"Napagod ako ngayon." Pumuwesto si Reid sa likuran niya at ipinalibot ang isang braso sa kaniya bago humalik sa tuktok ng ulo. "Na-miss din kita. Sorry kasi biglaan 'to."
"Ayos lang." Sumandal si Frankie kay Reid. "Magsabi ka lang kung anong problema. Makikinig lang naman ako."
Umalis si Reid sa pagkakayakap sa kaniya at hinawakan ang kamay niya. Iginiya siya nito sa sofa. Ito ang naupo, hinila naman siya na maupo paharap. Nakakuha siya ng pagkakataon para halikan ito sa pisngi at titigan sa mga mata.
"Napagalitan ako kanina," mahinang natawa si Reid. Nakahawak ang dalawang kamay nito sa baywang niya. "Gusto ko na rin kasing kumalas sa love team namin ni Mitch. Tingin mo ba kakayanin kong mag-isa?"
"Oo naman," sagot ni Frankie dahil iyon ang totoo! "Nakaya mo naman noon nang walang Mitch, 'di ba? Nagsimula ka namang walang love team, pero mukhang ganoon yata sa work n'yo, eh."
Tumango si Reid at isinubsob ang mukha sa dibdib niya. "Mahal na mahal ko 'tong trabaho ko, eh. Itong ginagawa ko, mahal ko 'to. Hindi ako napapagod sa trabaho ko, babe, pero pagod na pagod ako sa mga kasama ko."
Nanatiling tahimik si Frankie. Buti na lang talaga naligo muna siya bago sumama kay Reid dahil kung makasinghot ito, kulang na lang papakin siya.
"Nitong mga nakaraan, palagi kong iniisip na hindi ko ba kayang mag-isa? Bakit kailangan naming maging partner? Hindi ba puwedeng subukan ko munang ako lang?" sunod-sunod ang tanong ni Reid at dinig ni Frankie ang lungkot sa baba ng boses nito. "Sa unang pagkakataon, nawalan ako ng bilib sa sarili ko."
Mahinang natawa si Reid, pero hindi iyon nagustuhan ni Frankie. Nanatili siyang seryosong nakatitig sa boyfriend niya kasi ang pogi.
"For the first time, na-feel kong hindi ako puwedeng mag-isa lang," dagdag ni Reid. "Sorry kasi dinala kita rito para sa problema ko."
Nagsalubong ang kilay ni Frankie at sinamaan ng tingin si Reid. "Ito naman, parang others! Kahit mag-rant ka maghapon, makikinig lang ako. Ako kaya number one fan mo."
"Girlfriend na kita."
"Bago mo ako naging girlfriend, fan muna ako. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa work n'yo." Hinaplos ni Frankie ang batok ni Reid at hinalikan ang gilid ng noo nito. "Kung ako lang, bilib ako sa 'yo. Alam kong kaya mong mag-isa. Alam kong kahit walang love team, kaya mo, pero aaminin ko rin naman na malakas talaga ang hatak n'yong dalawa."
Tahimik na nakatitig si Reid kay Frankie.
"Sobrang lakas ng fan base n'yo ni Mitch, Reid." Ngumiti si Frankie. "Baka 'yon ang dahilan. Magaling ka on your own, pero face the reality rin na business is business."
Malalim na huminga si Reid at hindi nagsalita.
"Baka naman iniisip mo, magseselos ako?"
Kaagad na sinalubong ni Reid ang tingin niya at nangunot ang kilay nito.
"Itong artista 'to, hindi marunong umarteng hindi naman 'yon ang sagot." Humalakhak si Frankie. "Huwag mo 'kong isipin, hoy! Support lang ako palagi. May love team man o wala ako 'yong number one supporter mo."
Reid shut his eyes for a second and leaned forward to kiss Frankie's lips. "Stay close, please," he murmured.
"Oo naman! Ako pa ba?" paniniguro ni Frankie. "Mahal na mahal kaya kita palagi."
T H E X W H Y S