Nakatingin si Frankie kay Reid na nagluluto ng dinner nila habang dino-drawing niya ito. Matagal na rin simula nang huli niyang hawakan ang notebook na puro mukha ni Reid.
Simula nang maging fan siya, mukha ni Reid ang laman ng notebook niya. Iba't ibang anggulo pa nga. Dati ay sa TV at sa pictures lang siya nakatingin, pero noong nakasama na niya ito, live pa siyang nagdo-drawing.
Pareho silang hindi bumibisita sa social media. Panay rin ang tunog ng phone ni Reid dahil sa mga tawag mula sa endorsements, producers, sa networks, at ibang proyekto nitong naalarma dahil sa nangyari.
Hindi rin iyon inasahan ni Frankie. Nagulat na lang siya mula sa mga kaibigan niya dahil siya mismo, walang idea sa gagawin nito.
Isang linggo na rin ang nakalilipas simula nang lumabas ang news tungkol sa pagtanggal ni Reid sa manager nito at sa pagkalas sa love team na ikinagulat ng lahat. Maraming nagalit, maraming masasamang salita, at puro panghuhusga.
Mayroong nakalabas na may girlfriend ito, may nabuntis, at kung ano-ano pa. Lahat ng awa ay na kay Mitch kaya nalungkot si Frankie dahil wala namang alam ang mga ito.
Nang matapos magluto, dinala ni Reid ang pagkain sa sala at tumabi sa sofa. Inabot nito ang bowl na mayroong kimbap. Pinag-aralan daw nitong lutuin iyon dahil iyon ang gusto niya.
Dumako ang tingin ni Reid sa phone niya at nakitang nakabukas ang social media account niya.
"Sabi ko sa 'yo, 'wag kang magbabasa, eh," ani Reid at hinalo ang pagkain nila. "Hayaan mo na 'yan sila. Kung ano ang gusto nilang isipin, wala na akong magagawa roon. Kung galit sila sa 'kin, okay lang, ganoon talaga."
"H-Hindi mo ba ipagtatanggol 'yong sarili mo?" mababa ang boses ni Frankie. "Kung bakit ka umalis?"
Umiling si Reid. "Hindi rin naman sila maniniwala, hindi rin titigil, para saan pa? Kahit ano'ng explanation ko, wala silang pakikinggan sa ngayon kasi galit sila. Isa pa, idadamay ka nila. Mas lalong hindi 'yon okay kaya hayaan na lang natin."
Yumuko si Frankie dahil hindi iyon ang gusto niya, pero wala rin naman siyang magagawa kung hindi ang pagkatiwalaan si Reid sa mga susunod pa nitong gagawin.
"Sa lahat ng issue na dawit ang pangalan ko, isasali ka nila. Hahanapin ka nila, pagsasalitaan nang masasama, at malamang na uungkatin nila ang buhay nating dalawa," dagdag ni Reid. "Ayoko. Alam kong pinasok ko 'tong buhay na 'to, pero hangga't kaya, hindi ko gustong kasama ka sa gagaguhin nila."
Tahimik pa rin si Frankie.
"Kayo ni baby. Hindi natin makokontrol kung ano ang iisipin at lalabas, pero kakayanin nating i-control na kung ano lang ang alam nila, 'yon lang ang mayroon sila," pagpapatuloy ni Reid. "Three days na tayo rito. Hindi ka ba nahihirapan?"
Umiling si Frankie. "Hindi naman, okay lang naman. Pero okay lang ba sa ate mong nandito ako? Natatakot kasi ako na baka hindi niya ako gusto tap—"
"Gusto ka niya," ngumiti si Reid at kinagat ang ibabang labi. "Simula noong magkagusto ako sa 'yo, pinakilala na kita sa kaniya."
Nanlaki ang mga mata ni Frankie dahil sa sinabi ni Reid. Tumawa siya para itago ang kilig. "Ikaw, ha? In love na in love ka talaga sa 'kin!" pagbibiro niya.
Ngumiti si Reid at walang sinabing kahit na ano. Kumuha ito ng kimchi na inilagay sa bowl niya. Nitong mga nakaraan kasi ay nahihilig siyang mamapak niyon. Sinabi niya kay Reid na bumili naman kaagad.
"Pero baka babalik na rin muna ako sa apartment namin ni Harley. Nakakahiya kasi sa kaniya na iiwanan ko siyang mag-isa. S-Sanay pa naman kaming magkasama," nahihiyang sabi niya kay Reid. "Puwede ka namang mag-visit doon kung sakali."