Chapter 11

100 13 1
                                    

Naghahanda na ang lahat sa pagsilang ng Anak ng Tiaramatri. Ito ang araw na iyon at mamayang gabi ay mangyayari na ang enggrandeng pagsalubong. Maging si Leandro at ang kanyang anak na si Virgo ay dadalo din. Handa na sa pag-alis ang mag-ama at hinihintay na lamang ang pagdaan ng Ankra nang maalala ni Leandro na may kailangan pala syang dalhin. Ito ay ang maliit na orasang gawa sa dyamante. Napakaespesyal nun sa kanya pagkat regalo iyon ng dyosa Ara nung minsan nagapi nya at ng kanyang mga kawal ang mga Halimaw ng kanlurang dilim. Sabi pa sa kanya ng dyosa, napakarami na daw'ng nagawa ni Leandro para sa Liviste at para sa buong Adlania. Maliit daw na bagay ang pagkalooban sya ng isang regalo. Ang sabi pa nito, kapag dala nya ang orasan, kelan man ay hindi sya maaapektuhan sa kapangyarihan ni Zindra sa pagpapahinto ng oras at panahon. At ang bilin ng dyosa Ara ay dalhin nya ito, kahit saan, kahit kailan.


Ang Gabi ng Pagsilang.


Ang bawat Adlan na nasa selebrasyon ngayon ay makikitang nakangiti, nananabik, nagtutuksuhan at may kani-kaniyang pinagkukuwentuhan o di kaya'y pinagtatawanan pagkat karamihan sa kanila ay ngayon lang ulit nagkita-kita. May mga nanunuod ng palabas ng mga salamangkerong Adlan at walang tigil ang mga ito sa pagpapalakpakan, ang iba'y nag-iindakan sa saliw ng isang masiglang musika, may mga nagkakantahan ng mga himnong Adlan, at mayroon ding mas piniling manatili sa hapag at nagmasid sa iba't-ibang nangyayari sa paligid habang nagpapalitan ng mga opinyon. Napakaraming dumalo ngayon sa Himayas upang masaksihan ang pagsilang sa anak ng Liwanag. Mula sa iba't ibang angkan, sa iba't ibang kaharian. Mayroon ding mga hayop at halamang may buhay na dumalo. Napakahiwaga ng paligid dahil sa presensya nila. Ang mga dugong bughaw ay sabik din sa pagdating ng asul na buwan pagkat senyales iyon na ipapanganak na si Ria.

Tila isang perpektong pagdiriwang ang nangyayari. Subalit sa may di kalayuan ay nakamasid ang mga Adlan ng dilim, kasama ang dyosang si Zindra.

"Segundo na lamang ang binibilang natin ngayon at magsisimula na." ang sabi ng dyosa na matamang nakatitig sa nagaganap na kasiyahan.


At Ilang sandali pa'y libu-libong mga alitaptap ang nagsisiliparan mula sa puno ng Tiaramatri. Matatandaang gabi noon, hindi nag-iilaw ang Tiaramatri, kaya't isang napakagandang tanawin ang tila walang tigil na pagliliparan ng mga nag-iilaw na mga alitaptap na ito. At maya-maya'y naging asul ang buong paligid. Napakalamig ng samyo ng hangin. Natigil ang lahat at napatingin sa kalangitan, maghang mangha sa paglabas ng asul na buwan, na nangyayari lamang kapag isinisilang ang anak ng Tiaramatri. Isang napakalamig na musika ang pinatugtog. . .mabagal, mahiwaga at nakakahalinang musika. Noon din ay unti-unting nag-ilaw ang Tiaramatri, mula sa mga ugat nito, paakyat sa mga sanga, sa mga dahon, at sa mga bulaklak. Nagliwanag ang buong paligid at umulan ng mga talulot ng iba't ibang kulay ng mga rosas. Napakabango ng mga ito. Puno ng pag-asa at pagkakaisa ang mga Adlan nang makitang mula sa pinakatuktok ng Tiaramatri, ibinababa na ni Odessa, ang dyosa ng liwanag, ang isang ginintuang itlog. Napakaganda ng dyosa't nakangiti sya sa lahat ng mga Adlan. Hindi naman makapagsalita ang mga ito sa sobrang pagkamangha at ang iba'y naluluha pa.


Lahat ay dalang-dala sa napahiwagang pangyayaring ito nang biglang huminto ang oras. Tumigil ang lahat. Lahat lahat. Doon na lumabas mula sa dilim si Zindra, buhat buhat nito ang isa ring gintong itlog. Katulad na katulad ng dala ni Odessa na ngayon ay natigil din. Lumapit si Zindra sa dyosa at ipinagpalit nito ang mga gintong itlog. Natawa sya habang tinitingnan ang kagandahan ni Odessa. Alam nyang mas malakas ang kapangyarihan ng liwanag nito kesa sa kanyang kapangyarihang dilim. Subalit tulad ng ibang dyos at dyosa maliban kay Ara, walang kakayahan si Odessa na salungatin ang kapangyarihan ni Zindra sa pagpapahinto ng oras. Maging ito ay naaapektuhan din. Pagkatapos gawin ang pagpapalit ay humalakhak sya ng napakalakas. Hawak nya na sa mga kamay nya ngayon si Ria, ang anak ng liwanag, na ngayon ay magiging anak ng dilim. Alam nyang nagtagumpay sya. Alam nyang walang makakaalam sa ginawa nyang ito. Kaya't nang nasa dilim na sya ay ibinalik nya ang takbo ng oras at naglaho kasama ng gintong itlog.


Matapos ang ginawang iyon ni Zindra, nagpatuloy ang mga pangyayari. Masaya ang lahat habang tinitingnan ang dyosa Odessa na nakangiti sa kanila. Nang itinaas nito ang gintong itlog ay nagpalakpakan ang mga Adlan. At niyakap nya ito. Unti-unting nabiyak ang itlog. At doon nga, isang sanggol ang tumambad sa kanila. Napakagandang sanggol. Nababalot ng mga makukulay at magagandang bulaklak ang katawan nito dahilan para tumingkad ang angking ganda.


Noon di'y nagpatugtog ng isang masiglang musika at sabay-sabay na nagkantahan ang mga Adlan ng isang awitin ng pagkakaisa at pag-asa. Nakakakilabot ang saya at sigla nang pagkakakanta nila. Nakangiti pa din at magiliw na iniabot ni Odessa ang sanggol kay Erica. Hinalikan nito sa noo si Ria bago tuluyang bumalik sa kalangitan. Nagpalakpakan na ang lahat ng kalong na ni Erica ang anak ng liwanag.


Noon din ay puno ng pagmamahalan at kapayapaan ang puso ng bawat isa maliban kay Leandro. Si Leandro na dahil sa orasang kaloob ng dyosa Ara, ay nasaksihan ang bawat pangyayari habang tumitigil ang takbo ng oras kanina. Si Leandro na balisang balisa ngayon sapagkat hindi nya alam kung ano ang susunod na gagawin; kung papanu ipapaalam sa lahat na ang sanggol sa harapan nila ngayon ay hindi ang anak ng Tiaramatri kundi'y isang sanggol mula sa dilim.


***


RiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon