Chapter 33

46 10 0
                                    

"Hindi mo kailangang pagsalitaan ng ganun si Ria prinsesa Maraya. May mga dahilan kung bakit kinailangan naming pansamantalang iwan ang Adlania."ang sabi ni Lila, nakatayo na ito sa harap ng dalaga. Hinawakan naman ni Virgo ang mga kamay ni Ria na ngayon ay naluluha pa rin sa mga panunumbat na narinig. "Ria, hindi kita nakilala ng ganyan. Matatag ka. Makapangyarihan. Ipakita mo sa kanila na nandito ka para iligtas silang lahat." ang sabi ni Virgo at mas hinigpitan ang hawak sa kanya. Tumangu-tango si Ria at huminga ng malalim.

Nabigla ang lahat nang sumigaw naman ngayon ang hari ng kaharian ng Hilaga. Magsisimula na pala ito sa pag-atake. "Ngayon na!"ang utos nito sa mga alagad at noon din ay nagliparan ang mga palaso ng hukbo nito patungo sa mga ibang grupo ng mga Adlan. Nabahala si Ria at agad na kinontrol ang mga palaso at noon din ay natigil ang mga ito at lumutang sa himpapawid. Napamaang ang lahat habang nakatingala sa mga nakalutang na daan-daang palaso. Matapos kontrolin ay agad na ibinagsak ni Ria sa lupa ang mga iyon.

Dala ng matinding emosyon, napasigaw na rin si Ria. "Ano bang gusto nyong mangyari?! Ang habambuhay na magpatayan? Pagmasdan ninyong mabuti ang inyong mga sarili at Pakiramdaman ninyo ng husto ang nilalaman ng inyong mga puso! Ni minsan ba hindi kayo nangulila sa dati'y malapit na pagkakaibigan ng isa't isa?! Ang mga selebrasyon, samahan at pagtutulungan na simbolo ng pagkakaisa ng lahat ng mga Adlan, ni minsan ba hindi nyo pinangarap na sana maulit ang mga iyon? Higit sa lahat, hindi ba ninyo nakita ang posibilidad na maaaring pinag-aaway away kayo ng masasama bilang bahagi ng maiitim nilang balak? " Ngayon ay humarap sya sa kinaroroonan ni Maraya. "Patawad kung ngayon lang ako dumating. Mula sa pagmulat ko ng mga mata ko ay ipinagkait na sa akin ang liwanag. Dinala  ako ni Zindra sa kaharian ng dilim at ang Ria na naiwan at nakilala ninyo ay si Akira, ang prinsesa ng Oragon. Binulag nya kayo sa maraming kasinungalingan. Hindi ninyo namamalayan, pinaglaruan kayo ni Zindra, ang lahat ng ito'y bahagi ng mga plano nya. Prinsesa Maraya, ang mga kasama ko ngayon na sinusumbatan mo rin ay syang mga bukod tanging nanindigan sa kung ano ang totoo. Niligtas nila ako mula sa dilim. At ngayon, magkakasama kami upang matigil na ang digmaang ito. Walang patutunguhan ang labanang ito. Sisirain lang nito ang mundong binilin sa atin ni Bathala!"

Umiiyak na nagsalita na rin ng sandaling iyon ang prinsesa ng karagatan ng Adlania. "Nasasabi mo ang mga bagay na yan dahil hindi ka naman nawalan. Hindi ka namatayan."

Binalingan sya ni Ria. "Nagkakamali po kayo. Hindi ninyo alam kung gaano dinudurog ang puso ko sa tuwing may Adlan na pinagkakaitan ng buhay ng mismong kapwa nya Adlan. Para na rin akong namamatay! Maging ang dakilang Tiaramatri na syang nagluwal sa akin, at nagsilbing tanglaw ng Adlania sa napakaraming tao, nawawalan na rin ng liwanag. . .ng buhay. Ganito ba? Ganito ba ang sitwasyong nais ninyong iparanas sa mga anak ninyo? Imumulat ba ninyo sa mga susunod na henerasyon ang galit at pagkamuhi laban sa isa't isa?!"

Tahimik na tahimik ang lahat. Nagpatuloy naman ang prinsesa ng karagatan. "Kahit kailan ay hinding hindi namin mapapatawad ang mga Adlan ng lupa. Nilagyan nila ng lason ang karagatan sanhi upang mamatay ang marami sa amin!"

Noon din ay nagkagulo at naging maingay ang buong paligid. Isang hari mula sa kanluran ang sumagot noon sa prinsesa ng karagatan. "Hindi totoo yan! Kahit kailan ay hindi namin ginawa yan! Maaaring kagagawan yan ng mga taga Silangan. Ganid sila. Kahit na anong kasamaan ay kaya nilang gawin. Nagawa nga nilang sunugin ang aming kagubatan pati ang aming mga bahay-dalanginan. " at lalong naging maingay. Nagsisigaw na sa galit ang iba. Ipinagtanggol ng mga taga Silangan ang kanilang mga sarili. "Isang malaking kasinungalingan! Mataas ang aming paggalang sa kalikasan lalo't higit sa mga templo! Bakit hindi ninyo isisi ang mga yan sa mga taga Liviste at mga kahariang kakampi nila na gustong angkinin ang buong Adlania!"

At sasagot pa sana ang mga taga-Liviste nang biglang gumuhit ang nangangalit na kidlat sa kalangitan sabay ng nakabibinging kulog. Gawa iyon ni Ria na ngayo'y labis labis na ang determinasyong pagkaisahin ang mga nagkakagulong Adlan. Natigil naman ang lahat at nasisindak na binaling ang atensyon sa kanya. "Nakikita nyo na? Ngayon ay napapatunayan ninyong hindi kayo ang may gawa ng mga bagay na yan sa isa't isa. Dahil alam nyo mismo sa mga sarili ninyo na hinding hindi nyo kayang gawin ang mga yon. Huwag nyong hayaan na tuluyan kayong lamunin ng dilim...ibalik ninyo ang liwanag ng pagkakaisa at ng pag-asa..." at habang sinasabi iyon ni Ria ay unti-unti syang nagliliwanag, gayundin ang muling pagsibol ng liwanag ng banal na puno ng Tiaramatri. Napakaganda ng pagliliwanag nito. . .dahan dahan, mula sa mga ugat...sa mga sanga...hanggang sa mga dahon. Matagal na hindi nasilayan ng mga Adlan ang sindi na iyon ng Tiaramatri sa tuwing sumasapit ang gabi. Malaya namang nagliliparan ang libu-libong mga alitaptap at napakahiwaga ng mumunting ilaw na dala ng mga ito. Nararamdaman ng bawat Adlan ngayon ang init ng liwanag na kaloob ng Tiaramatri sabay ng malamig na samyo ng hangin. . .wari'y minumulat sila sa kung ano ang totoo, sa kung ano ang mahalaga.

"Ang Adlania ay mundo nating lahat. Punan natin ito ng kapayapaan, pagmamahalan at pagkakaisa." ang nakangiting sabi ni Ria at tila isang musika iyon sa pandinig ng mga Adlan. Bumaba sa kanyang hasno si Maraya, inihulog ang hawak na espada't kalasag sa lupa at nilapitan sina Ria. Nang nasa harap na sya nito ay marahan syang lumuhod. "Buong pagpapakumbaba kong hinihingi ngayon ang kapatawaran ninyo. . .nabulag ako sa maraming bagay, nasadlak ako sa dilim. Ngayon ay isinusuko ko ang aking sarili at ipinapangako kong magiging kaisa ako sa inyong mga mithiin." Nabigla ang lahat sa ginawang iyon ni Maraya. Maging si Ria ay natulala at hindi alam kung ano ang sasabihin. Lalo pa syang namangha nang sunud-sunod na nagsiluhuran ang iba pang mga Adlan hanggang sa ang lahat na ng nasa paligid, maging sina Amang Aragon, Virgo, Leandro, Trisha at tatlong mga diwata ay nakaluhod na sa kanya. Muling naluha si Ria. . .ngayon ay dulot ng labis na kasiyahan.

"Maraming maraming salamat sa inyong pagtitiwala. Pakiusap. . .tumayo na kayong lahat...napakaseryoso naman ninyo.."aniyang pinupunas-punasan ang luha, nakangiting nagpatuloy. "Ngumiti naman kayong lahat. Magmula sa araw na ito, hindi natin hahayaan ang kahit na sino na pawiin ang liwanang na una nang nanahan sa ating mga puso." Nagsitayuan nga sila at nagkangitian. 

Mahigpit namang niyakap ni Ria si Maraya. "Salamat" ang halos magkasabay na sabi nila sa isa't isa.

Makikitang napakasaya ng lahat.

Ngunit agad ding napawi ang kasiyahang iyon nang mula sa kalangitan ay biglang umatake ang napakaraming dragon, bumubuga ng apoy ang mga ito kung saan naroon ang mga Adlan ng liwanag  habang nagpapaulan naman ng mga nakalalasong patalim ang mga Adlan ng dilim na sakay ng mga iyon. Noon di'y inatake na din ng mga nilalang na nakalilipad ang mga dragon at ang mga kampon ng dilim. 

***

RiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon