Chapter 24

56 10 1
                                    

Sa pinakadulo ng Adlania sa gawing Silangan, naroon nakatago ang hardin ng hiwaga at sa hardin na iyon ay nakakubli ang isang lagusan. Ang dulong ito ng Adlania ay isang lugar na hindi pa nararating at hindi kayang marating ng kahit na sinong Adlan, maging ng pinakamatatalino o pinakamakapangyarihan. Isang Adlan lang ang binigyan ng karapatan ni Bathala upang manatili sa lugar na iyon. Sya ay binasbasan bilang tagapagbantay ng Lagusan. Ang Lagusang ito ang syang nag-uugnay sa mundo ng Adlania at mundo ng mga tao. Walang makadadaan doon kung walang pahintulot ni Bathala. Maliban kay Bathala, walang nakakakilala sa imortal at makapangyarihan na si Indigo.Wala ring nakakaalam na sya ang ama ng tatlong diwatang sina Luntian, Lila at Asul. Anak nya ang mga ito sa isang dyosa. Bagaman hindi nila alam, madalas nyang binabantayan ang mga anak, at isang paru-paro ang nagsisilbing mga mata nya sa mga ito. Maging sila na mga anak nya ay hindi dapat makaalam ng kanyang katauhan at katungkulan.

Batid nyang nasa tahanan ang mga ito ngayon ng Ermitanyong si Isidor at alam nyang may misyon ang mga ito. Nang marinig nya ang mga balak nila na magtungo sa mundo ng mga tao upang kunin ang anak ni Zindra at dalhin sa Adlania, labis syang nangamba. Ang alam lang na paraan ng mga ito para makarating sa mundo ng mga tao ay ang kamatayan. At hinding hindi nya kakayanin ang isiping mamamatay ang kanyang mga anak. Ngayon ay papunta sya sa pusod ng hardin, sa kanyang munting templo upang manalangin kay Bathala.

Nang marating ang templo ay agad syang lumuhod, kumanta ng mga papuri at pasasalamat, pagkatapos ay taimtim na nanalangin kay Bathala. Ipinalangin nyang payagan sya nito na padaanin sa Lagusan ang kanyang mga anak at ang mga kasama pa nito. Ipinahayag nya ding maliban sa pagmamahal sa kanyang mga anak, ginagawa nya ito para maging bahagi sa pagbabalik ng kapayapaan at kaayusan sa Adlania. Pagkatapos ng dasal ay inilabas nya ang isang itim na rosas at inilapag iyon sa harap ng altar. Ang rosas na ito ay isang simbolo. Kapag magkukulay puti ang itim na rosas, ibig sabihi'y pinapayagan sya ni Bathala sa kanyang hiling; kapag ito nama'y magkukulay pula, ibig sabihi'y hindi sya pinahihintulutan. Tinitigan ni Indigo ang bulaklak at inobserbahan ang pag-iibang kulay nito. . .


***

"Wala na po ba talagang ibang paraan para makarating sa kabilang mundo?" ang tanong ni Virgo matapos marinig ang mga plano pagkat nag-aalala sya sa magiging kalagayan ni Ria. Magkasabay na umiling sina Aragon at Isidor.

"Mauunang iinom ng lason ang mga diwata at si Ria —"

"Subalit papaano po ang pagbalik natin dito sa Adlania Amang Aragon? Pano tayo makakabalik? Sigurado ba tayong makakabalik tayo?" ang pagpuputol ni Luntian sa sasabihin ng pantas.

Hindi direktang sinagot ng pantas ang tanong na yun; sa halip ay sinabi nyang, "Kung may daang paloob, may daang palabas."

"Pag bibigyan po ba tayo ng Bathala sa hiling natin?" si Ria na ngayon ang nagbitaw ng katanungan.

"Alam ng Bathala ang mga mithiin natin. Wag kayong mabahala. Nakahanay na ang mga plano natin at alam kong magtatagumpay tayo." ang sagot ni Amang Aragon pagkuwa'y iniabot kay Asul ang isang maliit na bote. Bilang napagkasunduan, si Asul ang syang unang iinom ng lason. Nanginginig ang mga kamay na kinuha iyon ng diwata at dahan-dahan pang binuksan ito. Tinakpan ni Lila ang mga mata habang ang iba nama'y matamang nakatutok. Akmang iinumin na ni Asul ang lason nang biglang liparin ng isang paru-paro ang bote. Napatayo silang lahat at sinundan ang paru-parong lumipad palabas. At nagulat sila nang makita ang isang nilalang na nakatayo sa may pintuan. Inihulog ng paru-paro sa mga kamay nito ang bote ng lason saka dumapo sa balikat ng nilalang na iyon.

"Ako si Indigo."

Si Isidor ang unang nagsalita. "Sino ka at wala kang karapatang pumasok sa aking tahanan!"

"Pagmasdan mong mabuti kung san ako nakatayo at mapapansing mong ako'y nasa labas pa ng iyong pintuan." ang sagot ni Indigo.

"Ngunit papaano mo nabuksan ang pinto gayong bumubukas lang ito para sa kung sino mang pinahihintulutan ko."

"At bumukas nga ang pinto para sa akin. Kung gayo'y salamat at ako'y pinahihintulutan mo." saka ito tuloy-tuloy na pumasok sa tahanan ni Isidor. Agad na pinigilan ni Aragon ang naiiritang may-ari ng tahanan pagkuwa'y binulungan ito. "Tingnan mo ang tanda sa kanyang noo. Sya ay sugo ni Bathala." saka kumalma si Isidor.

"Maraming Salamat sa inyong pagtanggap. Muli akong magpapakilala. Ako si Indigo. Ang tagapagbantay ng lagusan. . ."sinulyapan nya ang mga diwata at nagulat sya nang bigla syang yakapin ni Lila. Nabigla rin ang lahat sa ginawang iyon ng diwata. "Hindi ka man po kilala ng aking isipan. . .Ngunit bilang diwata ng pagmamahal, nakikilala ka po ng aking puso." at naluluhang binalingan nito sina Luntian at Asul. "Siya ang ating ama." Pagkarining nun ay patakbong lumapit ang dalawa kay Indigo at niyakap din sya ng mga ito sabay sabing, "Ama!" Nagkatinginan naman ang iba at tuwang-tuwa sila para sa mga diwata. Subalit napawi ang ngiti ng lahat nang kumawala sa yakap ng mga anak si Indigo at sinabing, "Patawad. Pero nagkakamali kayo. Hindi ko kayo naaalala o nakikilala man lang. Hindi ako ang inyong ama. Nandito ako para sa isang layunin." Nalungkot sina Luntian at Asul habang si Lila nama'y nakangiti pa ring tinitingala si Indigo. "Itanggi nyo man po pero alam ko pong hindi ako nagkakamali. Ama, binilinan man po kayo ni Bathala na wag magpakilala sa amin, hindi po kami magdaramdam. Sa presensya nyo pa lang po, hindi nyo alam kung gaano nyo kami napasaya na mga anak nyo."

Pagkarinig nun ay agad na tumalikod sa kanila ang tagapagbantay. Tumalikod sya upang hindi nila makita ang hindi niya mapigilang pagpatak ng kanyang mga luha.


***

RiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon