Chapter 8

128 14 1
                                    

Matapos sabihin iyon ay naupo si Maraya.

Biglang tumahimik ang lahat. Binaling ang tingin kay Amang Aragon.

Makapangyarihan ang tinig na sinabi ng pantas, "Kung gayon. Ria ang itatawag natin sa kanya. Kahit ano pa man ang ibig sabihin ng pangalan, bilin pa rin iyon ng mga mahal na prinsesa Tiara at prinsesa Matri. Tanda ng pagmamahal at paggalang,susundin natin iyon."

Sumang-ayon ang lahat. At nabuo ang desisyon na Ria nga ang ipapangalan sa anak ng liwanag. Nagkatinginan sina Alesha at Maraya at sabay na ngumiti.

Nung pagkakataong lamang na iyon narinig nilang nagsalita ang isang dugong bughaw mula sa kaharian ng dilim, ang hari ng mga halimaw.

"Napakagandang pangalan." malalim at nakakatakot ang tinig nito. Bumaling sa kanya ang atensyon ng lahat. Nag-aabang kung may sassabihin pa ba sya. Sa halip ay itinaas ng hari ng mga halimaw ang kopa niya at sinabing, "Para kay Ria."

Bagaman nag-aalangan, itinaas din ng iba ang kanilang mga kopa at sabay-sabay na sinabing, "Para kay Ria."


***

Samantala, sa isang dako ng Adlania, sa lugar ng mga tagapangalaga ng lupa at ng mga magsasaka, naroon ang kubo ni Leandro at ng kanyang anak. Kabilang sila sa mga mababang-uri ng Adlan na may mga mahihinang kapangyarihan. Ang kakayahan lang nila ay magpa-amo ng mababangis na hayop, makapagpalago ng iba't-ibang uri ng halaman sa napakasandaling panahon , at magkumpuni ng mga sirang bagay na akala mo'y hinding hindi na maaayos. Dating pinuno ng mga mandirigma ng kahariang Liviste si Leandro. Ang Liviste ay kaharian sa Timog na pinamumunuan nina Haring Ordon, Reyna Irva, at ang mga anak na prinsesa na sina Alesha at Maraya. Subalit matapos ang isang pangyayari ay pinalayas sya sa kaharian at binantaang wag na wag nang bumalik.

Kaya't tahimik na namumuhay sa kagubatan ng Aros si Leandro kasama ang tatlong taong gulang na anak. Ngayon ay nagsisibak siya ng kahoy at sandaling natitigil pagkat natutuwa sya sa panggagaya sa kanya ng anak bagaman kahoy lang din ang gamit nito bilang palakol. Pupunas punas din ito ng pawis. At hihingal-hingal. Hindi nakatiis si Leandro at pinuna ang anak.

"Virgo anak. Hindi ganyan ang tamang tayo pag nagsisibak."

Tiningnan lang sya ng paslit, ngumiti at pinagpatuloy ang kunwaria'y pagsisibak. Magsasalita pa sana ang ama nang may dumating.

"Kuya Leandro!"ang sigaw ng isang dalaga at nananabik na tumakbo papalapit sa nakatatandang kapatid at mahigpit na niyakap ito.

"Kumusta na kayo ni Virgo?"

Tumingin-tingin muna sa paligid si Leandro, binuhat si Virgo at sinabing, "Trisha. Kahapon ka pa namin hinihintay. Tara. Doon natin sa loob pag-usapan ito."

***

"Tatlong taon din tayong di nagkita kuya. At kahapon ko lang nalaman ang lahat nung matanggap ko ang mensahe mo mula sa isang agila. Hindi naman kailangang itakwil at pagbawalan ka nila sa Liviste kuya. Ikaw ang dahilan kaya maayos na ang mga sistema sa kaharian." magkaharap na ngayon sa hapag sina Trisha at Leandro habang nakatulog naman sa silid si Virgo.

"Naririnig mo ba ang sarili mo Trisha? Dapat nga ay pinatay na lang nila ako dahil sa ginawa ko."

"Pero kuya, wala akong makitang mali dun. Nagmamahalan kayo."

"Kasal sila Trisha. May basbas yun ng bathala at dahil sa ginawa ko—namin, sinira namin ang sagradong kasal."

"Pero mukhang maayos na din ang lahat ngayon kuya. Nagkabati na ata sila. Masaya na ang pamilya nila ngayon. Tatlong taon na din kasi ang nakalipas."

Hindi sumagot si Leandro. Nagpatuloy si Trisha.

"Pero mahal mo pa rin sya diba?"

Hindi pa rin ito sumagot.

"Kuya diba? diba mahal mo pa rin si Reyna Irva? at hindi ako naniniwala na hindi nyo sinasadya ang nangyari sa inyo nun. Nagmahalan kayo bago pa man sila ikinasal. Totoong pagmamahal. Hindi ba't binalak nyo pang magpakasal dati kaya lang dahil sa nakatakda ang reyna kay Haring Ordon, nagbigay daan ka. Ininda mo ang sakit para sa kapayapaan at kaayusan ng Liviste. Pero Sa kabila ng pagpapakasal nya sa hari, ikaw pa rin ang mahal nya. Kaya't hindi ako nagtataka kung bakit nagbunga ang pagmamahalan nyo. Kung bakit may isang Virgo. "

Saka iniangat ni Leandro ang ulo at tiningnan ang kapatid. "Mangako kang wala kang pinagsabihan ng lihim na iyon Trisha. Bilang paggalang sa kapangyarihan ng hari at reyna."

"Alam mong tapat ako sa pangako ko kuya. Pero hindi mo pa rin sinasagot ang tanong ko."

Hinawakan nito ang kamay ni Leandro at marahang pinisil.

"Mahal mo pa rin sya diba? Yun ang sinasabi sakin ng mga halaman ng mga ibon, ng hangin. Sa tuwing tinatanong ko sa kanila kung ano ang nararamdaman mo sa araw-araw, Paulit ulit nilang sinasagot sa akin ay. . .Pagmamahal. . .at Pangungulila. Matinding Pangungulila."

Binawi ni Leandro ang kamay at bumuntong-hininga.

"May mga bagay, kahit ano mang pagpipilit natin ay hindi talaga puwedeng mangyari. At may mga tao, kahit gaano pa natin kamahal, ay hindi talaga nakatakda para sa atin. Ang kailangan lang gawin ay tanggapin. Tanggapin ang sakit, ang pangungulila at ang katotohanang wala talagang pag-asa. Kaya dapat ay ituon mo na lang ang atensyon mo sa kung anung mas mahalaga at sa alam mong sayo'y hinding hindi mawawala."


***




RiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon