Prologue

22.2K 500 11
                                    

Munti ang mundo para sa malawak na imahinasyon ko, ngunit malawak naman ang mundo para sa munting ako.

Musmos palang ako nang una akong makagawa at makakita ng kakaiba. Walang kaalam-alam sa mundong ginagalawan, walang muwang.

Ni hindi ko nga alam na kakaiba na pala ang mga nararanasan ko. Mahika ang inakala kong normal, totoo, at buhay— na sa iba pala ay pawang kathang-isip lang.

Naalala kong isang gintong abo ang pumalibot sa akin, at inikutan ako nito mula ulo hanggang paa. Pinaglaruan nito ang aking buhok, at kinikiliti sa bawat tyansyang makuha. Hanggang sa naramdaman kong pumunta ito sa ilong ko at—

"Hatsing!" Jeez.

Nagtaka naman ako nang tila maramdaman 'yong pumasok sa buong katawan ko. Akala ko kasi may mga butil ng pawis sa katawan, pero wala naman? Parang nasa loob siya. Gustong gusto kong bumahing, ngunit 'di ko nagawa 'pagkat ninakaw ng mga abo ang hininga ko. Nagulat ako nang wala sa sariling gumalaw ang aking mga kamay.

"Huh?" sambit ko nang makitang nagliwanag 'yon... at pati na rin ang buong katawan ko!

Bilang bata, nagliwanag naman sa saya ang aking mga mata 'pagkat tila nabigyan ako ng bagong katawan— ng bagong kaanyuan. Umangat ang aking mga paa mula sa lupa, at 'di ko na napigilan ang munting mga hagikhik. Ngi-ngiti akong naglaro habang lumilipad, sumasayaw, tumatalon, at kung anu-ano pa.

Kung titingnan ng iba, nagmistulang nasa loob ako ng mga kuwentong-ada— puno ng mahika at 'di kapani-paniwala.

Pinagpatuloy ko lang ang paglalaro hanggang sa maramdaman kong may kakaiba nang kumontrol sa katawan ko't basta nalang akong nahulog sa damuhan.

Ang kaninang maliwanag na langit ay biglang nagdilim— tinakpan ng makakapal na ulap ang liwanag ng araw, at kasabay n'on nawala ang liwanag sa'king kaluluwa.

Nanatili lang akong nakatingin sa dilim, at hindi makagalaw o makapagsalita man lang. Maging ang paghinga ko'y napigilan ko halos. Pakiramdam ko noo'y nakakulong ako sa isang panaginip, ngunit namayani ang bangungot sa akin. Ang alalaang hindi ko malilimutan.

"Kakain na tayo! Mamaya ka na ulit maglaro!" Tawag sa'kin ni Ma. Tumango ako, tumayo at napatingin muna sa kaulapan.

Napasinghap nalang ako nang dumaan ang isang ibon, na tila ba'y nag-aapoy ang pakpak at ang kaniyang mga mata'y kasing-kulay ng mga abong pumasok sa aking katawan. Ginto. Diretso itong nakatingin sa'kin hanggang sa mawala ito.

Simula noon, kung anu-ano na ang pumapasok sa imahinasyon ko, pero lahat makapangyarihan. At hindi ko nakikita ang mga senaryong iyon sa mundong ginagalawan ko.

Dito, imposible. Higit sa lahat, ako lang ang narito. Doon sa palasyong palaisipan, nagtitipon ang mula sa iba't ibang mga lugar. Samot-saring mahika, kaliwa't kanang tawanan, nag-umaapaw na kasiyahan na taliwas sa katotohanan.

"Ma, Da? Wait lang po, ah," sigaw ko nang marinig na bumukas ang pinto ng aming bahay.

At kagaya ng nangyari noong bata pa ako'y lagi akong napapatingin sa kawalan. Ang kalawakan ang nagsilbing paalala sa'kin na hindi sukat ng mahika ang kapangyarihang gawing posible ang lahat ng bagay.

Kaya't laging nananaig ang mga imahinasyon at ang palaisipang—

"Sa walang hanggang kalawakan, ano pang mayroon? Nasaan ang iba?"

Phoenix Academy
By lostmortals
Plagiarism is a crime.

Votes and comments are highly appreciated. Thank you for reading!

Phoenix AcademyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon