[Third Person's POV]
DEKADA na ang nakalipas nang huling masilayan ng ilan ang itsura ng enchanter na kinilala bilang isa sa pinakamapanganib na nilalang sa bansa nila noon. Halos malimutan na ng lahat ang katangian nito dahil lahat ng larawan na meron siya sa publiko ay pinabura na ng rehimen.
Bukod sa hindi naging maganda ang reputasyon niya sa bansa, pakiramdam pa ng mamamayan ay nalinlang sila sa pinakita nitong kabutihan noong hindi pa siya nakikilalang makasalanan.
Naparalisa ang lahat sa kanilang kinatatayuan nang lumitaw mula sa portal ang tatlong dark enchanter sa harap nila. Dalawang nakamanto, habang pinagigitnaan naman nila ang taong nagpatayo ng kanilang balahibo sa buong katawan.
"A-Alessandro La Verna..." nanginginig na sambit ng heneral ng Valiente at hindi na naiwasang manlamig ng kaniyang katawan.
Nang marinig ito ni Ezekiel, nagngitngit na lang ang kaniyang bagang at tinaliman pa ng tingin ang nasa harap nila. Mabilis na umakyat ang poot niya sa dibdib sa katotohanang natuloy ang kahindik-hindik na plano ng grupong Vindex. Hindi ito makapaniwala, ngunit walang duda ang matinding hangin na dala ng presensya ng kaniyang kaharap.
Malisyosong nakangiti ngayon ang lalaking tinawag nilang Alessandro habang isa-isang tinitingnan ang mga ito. Nakasuot ito ng puting baro mula taas hanggang baba at nakapatong naman ang makapal at pulang kapa rito. Magulo ang hanggang leeg nitong buhok na animo'y bagong gising lamang, at malinis naman ang kaniyang namumutlang mukha. Agaw-pansin din ang madilim nitong mata. Hawak nito sa dalawang kamay ang bolang kristal na sakto lamang ang sukat sa kaniyang palad, bagay na kakukuha niya palang mula sa lihim na silid ng La Verna sa loob ng paaralan.
Bago pa man pumalo ang pagdilim ng buwan kanina mula sa eclipse, nakatago na ang grupo ng Vindex sa kagubatan upang abangan ang pagbaba ng proteksyon para sa pagsalubong ng enchantment ng mga estudyante. Sa muling pagkakataon, nilusob nila ang loob ng paaralan kung saan nagaganap ang eclipse festival.
Sa sobrang bilis ng mga pangyayari, hindi na namalayan ng lahat na na-teleport na sila sa iba't ibang lugar sa loob ng campus. Tulad ng nangyaring insidente noon, bumalik ang mga estudyante sa kaniya-kaniya nilang compound at agad itong kinandado ng ilan pang Vindex. Ganoon na rin ang mga propesor na silang nakakulong muli sa hawla na napalilibutan ng enchantment ni Quentin.
Agad nilang sinimulan ang ritwal na para bang nagmamadali sila, kaya bago pa matunton ng Valiente ang paaralan, natapos na agad nila ito. Walang kahirap-hirap ang pagbuhay nila kay Alessandro.
Inabisuhan ang iba na bantayan ang bawat compound habang binabawi ni Alessandro ang bagay na gusto niyang makamit mula sa lihim na silid ng La Verna, ang bolang kristal na nakatago roon.
Umabante naman si Ezekiel ng isang hakbang at buong tapang na humarap sa tatlo. Sinubukan itong pigilan ni Kitkat, ngunit naramdaman ng dalaga ang pagtanggi nito sa kamay niya.
"Hindi ka na dapat nabubuhay pa," malalim at matigas na sambit ni Ezekiel habang nag-aalab ang mga mata nito kay Alessandro. Hindi na napigilan ng binata na maglabas ng enerhiya sa katawan, hanggang sa lumitaw na ang namumulang liwanag sa kaniyang palad.
Tumaas naman ang kilay ni Alessandro rito at lalong nangiti nang nakakaloko.
Tila nataranta naman si Quentin sa tabi nito at agad na bumaling sa isa pa nilang kasama na si Serge upang senyasan ito.
Bago pa man matuloy ni Ezekiel ang atake niya tungo sa tatlo, bigla na lang itong nakaramdam ng maigsi, ngunit malakas na hangin sa kaniyang likuran.
"Eze—!!"
Sigaw ni Kitkat sa kaniya, pero pagkalingon niya rito, hinigop na ang dalaga ng sumulpot na portal, kasabay ng iba pa nilang kasama. Habang naiwan naman si Ezekiel sa kinatatayuan niya sa harap ng tatlong dark enchanter.
BINABASA MO ANG
The Royal Prophecy II: Forsaken Crown
FantasyIMPORTANT: THIS IS THE SECOND BOOK OF THE ROYAL PROPHECY SERIES. THE FIRST BOOK, THE ROYAL PROPHECY: CRESCENCIA ACADEMY IS ONLY AVAILABLE IN DREAME & YUGTO. TO FOLLOW THE STORY OF THE CHARACTERS, YOU MUST FIRST READ THE FIRST BOOK ----- Matapos ang...