Chapter 60: The Battle of Banaag

7 4 0
                                    

TILA sigaw sa bawat isang miyembro ng Vindex ang mahinang utos na iyon ng kanilang pinuno na para bang katabi lang nila ito. Habang ibinalik naman ni Levi ang atensyon sa pagbuo niya ng makapal na yelo ng pader.

Nagsimula namang kumalat ang dalawang kampo sa bawat sulok ng lugar upang puntiryahin si Alessandro na siyang kasalukuyang umaatras mula sa maghihimagsik na laban.

Ang pangunahing utos at layunin ng mga opisyal ng Valiente ay ang paghuli sa itim na salamangkero na dapat ay patay na, habang ang kasunod naman noon ay ang pagbihag sa mga miyembro ng Vindex. Kaya ang bawat isa ay itinutuon ang kanilang aksyon upang makalapit sa kaniya. Ngunit dahil pilit itong hinaharangan ng mga sumasamba sa kaniya, wala silang magawa kung 'di unahin ang mga ito at alisin ang mga humahadlang sa kanila.

Sa alituntunin ng mga Valiente, may pahintulot silang saktan o paslangin ang mga kriminal o sino mang lumalabag sa batas na papalag sa awtoridad. Sa gayong dahilan, wala ring makakapigil sa kung ano man ang mangyayaring karahasan at pinsala sa lugar na ito ngayon.

Nagsimula nang umalingawngaw ang kalansing ng mga sandata, yapak sa kalupaan, at sigawan ng mga tao sa lugar. Ang kaninang tahimik at malamlam na kapaligiran ay unti-unti nang nabubuhay dahil sa paghilab ng tensyon sa pagitan ng dalawang kampo.

Habang tumatakbo ang isang nakamantong salamangkero na si Juno sa lupain upang maghanap ng sariling pwesto, agad niyang namataan ang kinaroroonan kanina nila Ezekiel. Napansin niyang pino-protektahan ito ni Kitkat gamit ang kaniyang kapangyarihan, kaya naman agad itong huminto upang makagawa ng aksyon.

Madaling inilahad ni Juno sa kalangitan ang isang palad at buong lakas itong binagsak tungo sa lupa. Kasabay noon ang sunod sunod na paglitaw ng baras na gawa sa bakal mula sa itaas. Ang mga posteng nalilikha niya tuwing gagawa siya ng hawla. Sa pagkakataon na ito, tila ginamit niya itong sandata upang ihulog sa mga kalaban.

Nang mapansin ni Ezekiel ang pagbaon ng mga bakal sa lupa, agad niyang binaling ang paningin kung saan ito papunta. Madali itong tumakbo sa kinaroroonan ni Kitkat at bago pa man siya bagsakan ng baras, nasunggaban na agad siya ng binata. Dahilan ng pagsubsob nila sa lupa.

"Retreat, now!" sigaw ni Ezekiel sa dalaga.

"But—"

"Okay na kami! You've done your part, go!" Sabay hatak ni Ezekiel kay Kitkat at buong lakas itong tinulak upang paalisin sa battlefield.

Dahil sa taranta, wala na ring nagawa si Kitkat kung 'di sundin ito kahit na nag-aalala pa rin siya.

"Alis na, Ezekiel. Ako nang bahalang humarang sa kaniya." Sumulpot naman sa tabi nito si Commander Simeon. "Gawin mo na ang nararapat."

Agad na sumang-ayon dito ang binata at muling tumungo upang hagilapin si Alessandro na siyang umatras mula sa kanila.

Samantala, inulit naman ni Juno ang pagbagsak ng ilang baras at sa pagkakataon na 'to, kay Commander Simeon na patungo.

Hindi naman kumilos ang head ng Valiente at hinintay ang paparating na bakal sa kinaroroonan niya. Habang nag-aabang, pinagana na nito ang kaniyang enchantment. Hinaplos ng matanda ang kaniyang suot na singsing at gawa ito sa purong diamante. Unti-unti namang hinigop ng kaniyang katawan ang sangkap nito, mula sa mga daliri, hanggang sa tuluyan na ring naging diamante ang buong braso niya.

Kasabay ng pagbagsak ng bakal sa kinatatayuan ni Simeon, ay ang pagsangga niya rito gamit lamang ang kamay. Agad nitong kinuha ang tumamang baras sa kaniya at buong lakas itong inihagis kay Juno na may kagagawan nito.

Naging mabilis ang mga pangyayari at naparalisa na lamang ang dalaga nang bumaon ang kaniyang bakal sa sariling tinatayuan. Hindi man ito tumama sa mismong katawan niya, halos isang dangkal na lang ang pagitan nito. Nanginig ito nang mapagtantong kamatayan na ang kinahinatnan niya kung sakaling sa kaniya bumaon ang sariling sandata. Ang higit pa na nagpakilabot sa kaniyang damdamin ay sinadya ni Alcazar na hindi siya patamaan.

The Royal Prophecy II: Forsaken CrownTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon