Chapter Twenty: Into the Real World

29 8 0
                                    

KATATAPOS lamang ng tanghalian nang marating namin ang Deity Plaza ng Ranin. Kumain na rin kami sa loob ng bus tulad ng ibang graduate students na nakasabay namin sa loob.

Kanina, pagkapasok namin ng sasakyan, hindi namin naiwasan ang tinginan ng mga seniors na silang kasabay naming lumisan ng paaralan.

Batid ko mang kami ang laman ng mga bulungan nila, minabuti ko na lang na hindi ito intindihin. Kahit naman ako mapapatanong kung bakit nila kami kasama sa loob ng bus gayong may ilang araw pa dapat kaming pananatili sa ekuwelahan.

Lumapit agad si Lauraine kung saan kami pumwesto at tuluyan nang sumama sa 'min. Kahit na naaalibadbaran ako sa kaniya, wala naman akong magagawa dahil kasali na siya. Wala naman talaga siyang ginagawa sa 'kin na masama pero hanggang ngayon, hindi pa rin ako panatag sa pag-aligid niya kay Ezekiel. Ewan ko ba, parang mas takot ako sa mga patutsada niya kaysa kay Stella noon.

Si Stella kasi, pranka siya kung ayaw niya talaga sa 'kin kaya malalaman mong hindi ka okay sa kaniya. Pero itong si Lauraine, parang may tinatagong kulo. Hindi ko alam, judgemental lang talaga 'ko dahil hindi naging maganda 'yung simula ng pagkilala namin. Umaasa pa rin ako na baka mag-iba rin 'yon kapag nagkasama pa kami ng madalas—sana.

Hindi rin naiwasan ni Levi na lumapit sa 'min upang magtanong. Mukhang wala siyang idea sa nangyayari at halata sa mukha niyang naguguluhan siya kung bakit kami nasa loob ng bus.

Si Neo ang sumagot ng mga tanong niya at napatango na lang siya rito. Sinabihan niya pa 'kong i-contact siya kapag nagkaroon na 'ko ng mode of communication sa lugar na 'to. Sumang-ayon ako bilang sagot dahil hindi ko naman matatanggihan ang isa na 'yon. Syempre, dahil sa sama ng tingin sa kaniya ni Ezekiel, hindi rin siya nagtagal sa pwesto namin at nilayuan na kami.

Sa Deity Plaza ang naging babaan ng lahat upang makabiyahe na pauwi sa kani-kanilang tahanan. Naiwan sa Crescencia ang ibang fourth year na silang hindi makauwi sa kabila dahil sarado pa rin ang lagusan. Tulad ng napag-usapan, mananatili muna sila eskwelahan habang hinihintay na masolusyunan ito.

Nagpaalam din sa 'min ang mga ka-grupo dahil kakaylanganin muna raw nilang umuwi sa kanilang bahay upang makapaghanda. Magpapaalam din daw sila sa mga magulang nila at susunod na lang sa 'min kung saan man naroon ang tahanan ng mga Valeria.

Naiwan naman kami ni Ezekiel sa plaza nang kaming dalawa lang, pero hindi rin nagtagal nang may huminto sa harap naming gray na van. Nangunot pa ang noo ko dahil makanto ito at mukha talaga siyang cyber vehicle dahil sa itsura niya.

Lumabas naman mula sa passenger seat ang kagalang-galang na ginoo. Nakapormal itong suit at pamilyar siya sa 'kin. Alam kong nakakasama ito ni Ezekiel sa pulong nila ni professor Benjamin noon sa loob ng school kapag bumibisita siya.

Lumapit 'to sa 'min at malawak na ngumiti.

"Sa wakas," bati ng lalaki at tinapik pa ang balikat ni Ezekiel.

Tumango naman ang katabi ko rito at natingin sa 'kin, pagkatapos ay pinakilala niya agad ako. "Siya si Kitkat, last year lang siya napasama sa 'min."

"I see, I've heard a lot about you from Ezekiel. Ikinagagalak ko namang sumama ka paalis ng Crescencia," saad nito sa 'kin at inabot ang kamay niya. "Sylvester Yulo, I was a level 5 administrative officer of Valiente. Ngayon, naghahanda na 'ko para ma-transfer as a chief of staff sa pamumuno ng Valeria."

Napatango na lang ako at nakipagkamayan sa kaniya. Sa totoo lang, parang wala akong naintindihan sa pagpapakilala niya pero nalalarawan ko naman kung ano siya. Mukhang isa rin 'to sa magiging sangay ni Ezekiel sa plano niya.

"Kitty Catalan, nice to meet you," tanging nasabi ko.

"So, let's go? Para hindi na kayo abutin ng gabi papunta sa palasyo mo. Alam kong hindi ka na makapaghintay," hayag ni Sylvester. "Dadaan muna tayo sa main headquarters ng Diwata."

The Royal Prophecy II: Forsaken CrownTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon