SIGURO nga kaylangan ko na lang tanggapin lahat ng desisyon ni Ezekiel. Pinili kong sumama at nagbigay ako ng katiyakan na susuportahan ko siya sa ano mang gagawin niya, kahit pa may alinlangan sa isip ko. Pero masaya 'ko dahil kasama ko siya at sapat na iyon sa 'kin. I should understand him more at hindi 'yung binibigyan ko pa siya ng sakit sa ulo.
"Wala ho ba kayong gagawin pagkatapos ng training ko ngayon?" usisa ko kay commander. Usually, nauuna siyang umalis sa 'kin pagkatapos ng session namin. Nakapagkwentuhan na rin kami, pero nanatili siya sa bangko habang pinagmamasdan ang kalangitan.
"Wala pa naman. Natapos na 'yung pagpa-plano kaya medyo maluwag kami ngayon. Ang hinihintay na lang namin ay maisagawa ito," hayag niya.
"Tapos na 'yung plano?" Nangunot ang noo ko.
"Hindi ba nakwento ni Ezekiel sa 'yo?"
"Hindi po kasi kami masyadong nakakapag-usap ngayon. Busy siya at ayoko namang makigulo," saad ko rito.
"Gano'n ba? Oo, tapos na. Gusto ko rin munang magpahangin pa kahit kaunti lang. Napakaganda ng tanawin sa palasyo ng Valeria 'no? Sumasalamin talaga sa katangian na meron ang kanilang pamilya." Ngumiti ito na may halong ginhawa sa kaniyang mukha.
Napatingin na rin ako sa kalangitan tulad ni Commander Alcazar. Walang halong kasinungalingan ang sinabi nito ukol sa palasyo. Pinalitan na ng buwan ang araw at tanaw na tanaw ang liwanag at kagandahan nito. Mula sa garden na kinaroroonan namin, tila kumakaway ang mga bituin sa langit. Sumasalamin naman ang kabuuan ng buwan sa tubig na kumikinang ngayon dahil sa sinag nito. Napakapayapa at kagiliw-giliw ang bawat sulok ng lugar.
"Pa'no n'yo po nasabing sumasalamin ang katangian ng pamilya nila sa palasyo?" tanong ko.
"Halos lahat naman ng sambahayan ay gano'n, mapa-royal blood o hindi. Kapag bumisita ka sa tahanan nila, mapapansin mong nagre-reflect kung anong klase ng pamilya ang nakatira doon. Ang palasyo ng mga Valeria, tulad ng nakikita natin, hindi gaanong kalakihan kumpara sa ibang kastilyo, ngunit napakayaman sa kalayaan ng kalikasan," paliwanag nito at nagpatuloy pa. "Ang angkan ng Valeria, malaya ang mga loob nila sa tradisyong meron ang mga royal blood. Hindi sila 'yung tipong sumusunod sa nakasanayan ng mga maharlika. Hinahayaan nilang maging independent ang bawat isa sa kanilang mga desisyon sa buhay. Hindi sila mahigpit sa mga patakaran dahil naniniwala silang may kani-kaniyang buhay ang bawat tao."
"Ah, nakukuha ko po 'yung punto ninyo. Kumbaga kung ano'ng kinaginhawa sa pakiramdam ng palasyo na 'to, gano'n din 'yung mga puso nila dahil hindi nila kaylangang ma-pressure o sumabay sa iba para lang kilalanin silang royal clan, tama po ba?"
"Gano'n na nga, kaya nga halos maubos na ang lahi ng purong enchanter sa kanila dahil doon. Anu't ano pa man, masaya naman sila sa buhay nila," komento pa ni Commander at bahagyang ngumiti sa 'kin.
"Bakit ho, 'yung ibang angkan ba hindi masaya?"
"Hindi naman sa gano'n. Depende naman iyan sa mga indibidwal kung magiging masaya sila sa kinalakihan nilang kapaligiran. Merong ibang tanggap at masaya bilang maharlika, pero meron ding parang mga ibon na gustong kumawala sa mga hawla nila upang mahanap 'yung sarili. Wala namang perpekto sa mundo. Kapag lumaki kang dugong bughaw, halos nasa 'yo lahat ng pribilehiyo. Kayamanan, kapangyarihan, ngunit hindi mo gaanong mararanasan ang kalayaang gusto mong makamit para sa sarili mo. Kapag naman half-blood ka, malaya ka sa gusto mong mangyari sa buhay mo, pero hindi tulad ng mga maharlika, sakop ka ng batas at kaylangan mong mag-survive sa araw-araw para mabuhay," pangaral pa nito.
"Would you mind if I ask about the La Vernas? Tutal doon naman ho kayo namuhay, gusto ko sanang makarinig ng mga kwento." Pagkuha ko na sa oportunidad upang mas makilala pa ang angkan na iyon. Natural lang naman siguro na ma-curious ako sa pamilyang bumuo sa 'kin bilang tao. Kung doon nagsilbi si commander sa matagal na panahon, mas may alam siya kaysa sa mga libro at articles na nababasa ko. Hindi hamak na mas may personal siyang karanasan sa mga iyon kaysa sa mga bali-balita na baka hindi naman totoo.
BINABASA MO ANG
The Royal Prophecy II: Forsaken Crown
FantasyIMPORTANT: THIS IS THE SECOND BOOK OF THE ROYAL PROPHECY SERIES. THE FIRST BOOK, THE ROYAL PROPHECY: CRESCENCIA ACADEMY IS ONLY AVAILABLE IN DREAME & YUGTO. TO FOLLOW THE STORY OF THE CHARACTERS, YOU MUST FIRST READ THE FIRST BOOK ----- Matapos ang...