Chapter 21: Valeria's Seaside Castle

38 7 2
                                    

KAHIT na mahaba-haba ang naging byahe namin, hindi ako nainip dahil sa mga tanawin na nadatnan ko sa mundo na 'to. Para 'kong bata na luluwas para pumasyal sa malalayong lugar dahil sa galak na naramdaman ko.

Pagkalabas namin ng Ranin, panibagong siyudad at istraktura rin ang sumalubong sa 'min. Nakalimutan ko na ang pangalan pero bahagyang naiiba ang disenyo nito sa landscape ng capital city. Medyo nabawasan ang nature at pakiramdam ko, puro building ang mga ito. Ang kinahanga ko pa ay nang sabihin nila na kapag tiningnan mula sa ere ang structure ng lugar, kuwadrado ang bawat section at nakahilera.

Marami kaming nadaanan na iba't ibang lungsod na sariwa talaga sa paningin ko. Ni hindi ko na-imagine kung gaano kalawak ang lugar na ito at tila isang bansa na hindi mo malilibot lahat ng sulok niya.

Bukod pala sa Crescencia Academy, may mga lokal ding eskwelahan. Iyon ay 'yung mga hindi tumatanggap ng stay-in. Kumbaga kapag ayaw sa 'yong malayo ng mga magulang mo, doon ka. Espesyal lang ang Crescencia dahil ilang royal family ang nagtaguyod nito. Meron din daw isa pang tanyag ng enchanter's academy na nakahiwalay ang isla, at iyon nga 'yung narinig ko noon kung saan ang mga abilidad ay may kinalaman sa ibang species, creatures, o ano pang bagay na may ugnay sa ibang nilalang. Tulad ng Crescencia, royal clan din daw ang nagpagawa nito.

Pagkaraan namin sa ilang siyudad na nadaanan, unti-unti na ring nagmukhang normal ang tanawin kanina, hanggang sa madaan na kami sa mala-probinsyang parte ng bansa na 'to. Mas lamang na ang kalikasan kaysa sa mga gusaling nakausbong sa lugar. Ito ang lungsod ng Mirabuen—ang malaking bayan na nasa pamumuno noon ng mga Valeria.

Halos tatlumpung minuto rin ang binyahe namin pagkapasok sa lungsod bago namin marating ang daan kung saan wala nang masyadong gusali. Puro kagubatan ang nakapaligid, at nang makausad pa kami, lumabas na lang kami sa kalsada kung saan sa silangang bahagi naroon ang kalawakan ng karagatan. Napakabanayad sa paningin at pakiramdam ko, nasa hangganan na 'ko ng kalupaan.

Muli kaming napalibutan ng masasaganang puno na nakapaligid at hindi nagtagal, narating namin ang isang matayog na gate. Yari ito sa metal na siyang kinakalawang na dahil sa tagal nitong naabandona. Sa harap naroon ang limang taong nakaabang.

Ang tatlong babae ay nakasuot ng pulang vest at kulay ginto ang mga butones nito. Ang panloob nila ay puting collar blouse at nakapulang palda rin na lagpas tuhod ang haba. Ang dalawang lalaki naman ay naka-red vest din, iyon nga lang, nakaitim na slacks ang mga ito. Terno silang lima. Maayos ang postura at nasa likuran pa ang mga kamay.

"Sila 'yung magiging servant mo pansamantala habang hindi ka pa nakakapili," ani Sylvester kay Ezekiel.

Pagkahinto ng sasakyan, agad ding binuksan ng isang officer na kasama namin ang pinto.

Pinalabas nito si Ezekiel at tumungo sa malaking gate. Pagkarating sa harap, kinuha ni Ezekiel ang kahon na binigay sa kaniya. Mula sa kumpulan ng mga susi, inilabas niya ang isa doon.

Hindi na rin ito nag-aksaya ng panahon at binuksan na ito. Nang matanggal na ang kandado, itinulak ito ng mga officer.

Pagkabalik ni Ezekiel sa sasakyan, umabante na ulit ang kotse tungo sa loob hanggang sa magpark na kami sa malaking bahagi ng lupa.

Pagkababa na pagkababa ng sasakyan, tila tinakasan ako ng paghinga sa bumungad na tanawin sa harap ko. Naagaw agad ang pansin ko ng tahanan ng mga Valeria na binabanggit nila noon pa. Paanong hindi, napakalaki nito at akala ko noon, parang mansion lang na malawak.

Hindi pala gano'n. Talaga palang literal na kastilyo ito. Bagay na ngayon ko lang nakita sa tala ng buhay ko. Dati sa mga palabas at libro ko lang sila napagmamasdan, pero ngayon, tinitingala ko na ito.

The Royal Prophecy II: Forsaken CrownTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon