Zone 1: Crossing Paths

4.7K 207 12
                                    

Isa't kalahating kilometro ang layo ng Distrito Mortel sa isa sa mga boundary ng Citadel. May underground tunnel doon na nakadugtong sa isa sa mga Vorota tunnel na direkta sa undergound facilities ng Citadel, at sinamantala ni Zone ang pagkakataong makatakas mula roon.

Maayos ang tunnel at sementado naman, ngunit walang nagbabantay dahil hindi iyon tipikal na ginagamit bilang daan. Masyado kasing delikado ang tunnel para daanan dahil sa giyera sa distritong nasa ibabaw niyon.

Kaya iyong takbuhin sa loob lang ng anim na minuto ng isang taong mabilis tumakbo, at masyado namang mahaba ang tatlumpung minuto para lakarin lang ng isang bata.

Matapos ang pagsabog sa facility kung nasaan si Zone ay nagawa niyang makatakas at makadaan sa tunnel. Sira ang dulong pinto ng tunnel gawa ng pagsabog.

Isang malakas na kalabog ang umalingawngaw sa lugar na iyon nang makalabas siya. Eksaktong bumagsak ang sirang bakal na gate pagtapak na pagtapak niya sa labas ng tunnel.

Tumingala ang bata at napapikit dahil sa taas ng sikat ng araw. Tinakpan niya ang noo para makita ang paligid. Dahan-dahan siyang naglakad sa kalsadang walang kahit sino.

"Mama?"

Nag-echo lang ang sinabi niya sa buong lugar.

Mataas ang sikat ng araw ngunit mahangin sa buong lugar kaya hindi gaanong ramdam ang init. Napakatahimik.

Napunta siya sa isang distritong bakas pa ang pagkawasak ng ilang bahagi. May maaayos na bahay ngunit karamihan ay wasak-wasak na. Walang nakakalat na mga tao. Mukha ngang walang tao sa buong lugar.

Maraming nakakalat na mga basag na salamin ng bintana, mga kahoy, mga bakal, maalikabok pa ang daan at mabuhangin na tinatangay ng hangin.

"Hello?" Makailang-ulit narinig ang echo ng hello niya. "People?"

Palingon-lingon siya sa paligid. Hindi siya nakararamdam ng takot kahit na mag-isa lang siya.

"Psst!"

Kumunot ang noo ni Zone dahil sa sumitsit na iyon. "Hm?" Tiningnan niya ang paligid. "Hello? Anybody?"

"Psst!"

Huminto sa paghahanap si Zone nang mapansin ang isang lalaking nakaupo at nakasandal sa isang haligi ng sirang bahay.

"Hello . . ." Kumaway si Zone sa lalaki.

"Kid, tara nga rito." Gumawa ng hand signal ang lalaki para palapitin ang bata sa kanya.

"Hm?" Lumapit naman si Zone sa lalaki. Tumayo ang bata sa harap nito sabay pamaywang. "Hello, Mister Soldier," bati ni Zone sa isang lalaking nakasuot ng itim ngunit punit-punit nang V-neck shirt at cargo pants. Nakaluhod ito habang isinasandal ang itaas na bahagi ng katawan sa pader ng bahay.

"Kid, can you hand me that?" utos ng lalaki kay Zone habang tinuturo ang kalawanging crowbar na dalawang dipa lang ang layo sa puwesto nila.

"Why, Mister Soldier?" inosenteng tanong ni Zone.

"Can you—Ugh!" Pansin ang pagkairita sa mukha ng lalaki dahil nakuha pang magtanong ng bata samantalang kukunin lang naman nito ang pinakukuha niya. "Hand me that, kid."

"Why, Mister Soldier?" pag-uulit ni Zone.

"Just hand me the fucking crowbar!" malakas na sigaw ng lalaki kay Zone. Samantala, pokerfaced lang ang bata sabay sabing . . .

"Why, Mister Soldier?"

"Fuck!" Napasiko ang lalaki sa sinasandalan at sabay na kumalansing ang maikling kadenang nakakabit sa kakaibang posas niya na nakabalot sa kanang pulso at kaliwang paa na nakadikit sa haligi ng bahay. Nagkaroon na sana siya ng pag-asa dahil may nakita siyang buhay sa lugar na iyon na maaaring makatulong para makatakas siya, ang kaso, sa dinami-rami ng makakakita sa kanya, isang batang makulit pa ang natiyempuhan siya.

Hunting Project: ZONE (Book 9)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon