Hindi tumila ang ulan sa araw na iyon. Kitang-kita sa mga mukha nila ang kawalan ng buhay habang nakatulala sa malayo.
Mugtong-mugto ang mga mata ni Arjo kaiiyak. Nakaupo lang siya sa sahig ng nasirang bahay doon na isa sa naapektuhan ng ginawa ni Ana. Katabi niya si Max na tahimik lang din habang nakatulala sa bakod ng Citadel. Umaalon ang kilabot sa mga katawan nila habang binabalot ng matinding lamig gawa ng ulan.
Nasa likuran nila nakahiga si Armida na mulat naman ang mata at walang tinamong malalang sugat ngunit hindi naman umiimik. At si Dae Hyun na gaya nito ay wala namang malalang sugat pero hindi na kumikibo. Katabi si Josef na ipinatagilid nila ng higa at hindi inalis ang nakatarak sa dibdib nitong bakal. Katabi niyon ang katawan ni Ana na may malalang pasa sa likod na gawa ng paghampas dito ng malaking kahoy.
Madilim pa rin ang paligid. Nag-iingay na ang kani-kanilang mga tiyan pero mga hindi gutom. Wala rin namang gaganahang kumain sa ganoong sitwasyon.
Paikot-ikot ang drones sa ibabaw nila. Ilang minuto na ring ganoon. Ni hindi na nila napansin ang oras. Nakita na lang nila ang mga sariling pinalilibutan ng mga lalaking naka-black suit, inakay sila patayo, sinuotan ng metal cuffs, at sapilitang pinalakad patungo sa malaking ambulansya.
. . .
Pormal nang nagtapos ang Annual Elimination, at nagkakalabasan na ng resibo ng mga nagdaang kaso ng mga nakaupong Superior.
Natutulala si Cas habang nakatingin sa mga monitor. Kausap niya ang mga big time sponsor na natutuwa sa naging huling bahagi ng laban.
Nangingilid ang mga luha niya at hinahayaan lang niyang matuyo sa mismong mata habang paulit-ulit na bumabalik sa isipan niya ang nangyari sa Distrito Mortel.
"Lady Cassandra, kailangan ninyong dumalo sa meeting mamaya sa Oval," paalala sa kanya ni Ara. "Labinlimang minuto, narito na sa Citadel sina Lord Maximilian at ang iba pang mula sa Distrito Mortel."
Marahan lang na tumango si Cas at balisang tumalikod sa lugar na pinamamahalaan niya.
Isa na ang araw na iyon sa pinakamadilim na bahagi ng buhay ng mga Zordick at Zach. Naabisuhan na sila ng mga maaaring mangyari, at kasama iyon sa inaasahan ngunit iba talaga sa pakiramdam ang napapanood at alam ang nangyayari pero wala silang magagawa kundi manood na lang.
"Sandali . . ." balisang sinabi ni Cas at sumaglit ng paghinto patungo sa Oval. Napapikit-pikit siya habang tulala sa harapan. Doon na tuluyang pumatak ang mga luha niya sa kabila ng seryosong ekspresyon ng mukha. Dahan-dahan niyang pinunasan ang luha. Sa dami ng kamatayang nasaksihan niya sa mga monitor na iyon, hindi niya kayang ipaliwanag ang nararamdaman sa mga sandaling iyon.
Pinapasok siya sa Oval para pormal nang tapusin ang Annual Elimination sa taon na iyon.
Umupo siya sa dulong kabisera ng mahabang mesa at bumungad sa kanya ang mga Guardian Decurion at si Xerez na nasa kabilang dulo ng mesa.
Isa ang meeting sa pinakaayaw na parte ng trabaho ni Cas dahil kailangan niyang daluhan ang lahat kahit na mentally unstable siya para magbigay ng maayos na sagot sa kahit anong tanong. At kung may ipinagpapasalamat man siya kapag umaabot siya sa puntong wala na siya sa sarili, iyon ay dahil walang iresponsableng Guardian ang nauupo sa Oval.
"Six p.m. sharp today, magsisimula na ang auditing para sa nangyaring tournament," panimula ni Xerez na halatang nakapagsimula bago pa man dumating si Cas. "Hindi pa tapos ang counting of casualties mula sa isla ng mga Li at inaasahang mare-recover ang mga katawan ng mga player na naiwan doon hanggang bukas."
BINABASA MO ANG
Hunting Project: ZONE (Book 9)
ActionMagpapatuloy ang labang kanilang sinimulan. Nabunyag na ang mga lihim. Lumabas na ang mga sikreto. At ngayon, maghaharap-harap na ang bawat proyekto. Magsisimula na ang paghihiganti. Pababagsakin ang mga dapat bumagsak. Sa gitna ng malaking kaguluha...