Zone 17: Death is a Good Offer

3.3K 168 18
                                    

Masyadong matagal para sa kanilang lahat ang araw kinabukasan. At sinubukan ni Max na kausapin ang mga malalapit sa puso niya pero binasahan niya ng sakdal.

Alam ng lahat na paboritong lugar ni Cas ang gazeebo sa dulo ng hardin ng Citadel. Kumbaga sa lugar na iyon, doon ang trono nito. At doon na naman ito nahanap ni Max.

Saglit na tumingala ang binata dahil tirik ang araw ng alas-dos ng hapon pero nagbibilad doon ang lola niya.

"Oma," pagtawag niya rito. Hindi naman ito natinag sa pag-inom ng tsaa. Nakuha pa nitong tumanaw sa hardin na tila ba napakaganda ng araw na iyon.

"Maupo ka," alok nito na sinunod naman ni Max at naupo nga sa tabi nitong upuan. Napabuntonghininga siya habang nakatingin sa kalmadong mukha nito. "I'm sorry."

"Kung ang sorry mo ay dahil iniisip mong pinarusahan mo kami, huwag ka nang mag-abala," sabi nito at inilapag ang tasa sa saucer nitong nakapatong sa mababang mesa.

Alam ni Max na matapang ang lola niya, at nakikita niyang hindi ito natatakot sa mga sandaling iyon.

"Hindi ito ang unang beses na sasalang ako sa castigation," kuwento nito. "Galit na galit sa akin ang lolo mo dati kapag nalalaman niyang parurusahan ako."

"I thought isa ka sa mga masunuring bahagi ng Citadel," sagot ni Max at tumanaw sa mahabang hardin sa harapan nila. Doon pa lang, pakiramdam niya, nasa langit na siya sa ganda ng mga bulaklak.

"Ako ang may pinakamaraming parusang natanggap bilang Superior. Naubos na lang ang immunity ni No. 99 kakaligtas sa 'kin."

Napasulyap si Max sa lola niya. Hindi sila tipikal na nag-uusap nang ganoon. "Akala ko, si Mama ang pinakamatigas ang ulo rito."

Natawa nang mahina si Cas at napaisang iling. "Isang beses lang naparusahan ang mama mo bilang Superior. Hindi na naulit 'yon. Sinubukan niyang huwag ulitin dahil alam niyang malalayo siya sa inyo kapag inulit niya." Umiling ulit si Cas at bumakas na ang lungkot sa mukha. "Hindi magaling na follower ang mama mo. Isa sa mga rule breaker na agent. Pero tiniis niyang sundin ang batas na ayaw niya dahil natatakot siyang iwanan ka."

Napapikit agad si Max para pigilan ang nagbabadyang pangingilid ng luha dahil napag-uusapan na ang magulang niya.

"Lagi niyang sinasabi na gusto niyang palakihin ka nang normal . . ." kuwento ni Cas. "Na ayaw niyang magaya ka sa kanya. O sa papa mo. Ayaw niyang lumaki kang may galit sa kanya dahil lang nagkulang siya."

Humugot ng hininga si Max at saglit na tumingala. Napahawi siya ng buhok at hindi na alam kung ano pang paraan ang gagawin para lang hindi maluha.

"Alam niyang kailangan mong lumaki sa Citadel gaya ng nangyari sa papa mo. Kamatayan ang parusa ng ginawa niyang hindi pagsunod sa batas ng Credo. Ilang batas ang nilabag niya, pero ilang batas din ang hindi siya nakanti dahil alam niya kung paano iyon lalabagin nang hindi siya napaparusahan."

Napatango roon si Max dahil ilang beses na isinermon iyon sa kanya ng mama niya. Na bata pa lang siya, pinakabisado na sa kanya ang Credo para lang doon—para lang alam niya kung kailan siya parurusahan at alam niya kung paano tatakasan ang parusa.

"Kapag batas na ang nagsabing wala ka nang karapatang mabuhay, minsan, kailangan mo na lang sumunod."

Mabilis na umiling si Max dahil doon. "Hindi lahat ng batas, tama, Oma. Kailan naging mali ang ingatan kaming mabuhay nang maayos? Kailan naging mali na maging normal kaming pamilya? Dahil lang ba sinabi sa batas na bawal, kaya kahit mali sa mata ng lahat, tama pa rin dahil nga nasa batas? That's stupid."

"Parurusahan ang dapat parusahan dahil nagkamali. That's the law."

"That's bullshit." Napairap doon si Max at napailing. "You have multiple counts of death sentence. Because of what? Just because you saved my family? Because you saved people who shouldn't be saved? Where's your moral compass?"

Hunting Project: ZONE (Book 9)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon