Zone 12: Sacrificial Lamb

3.4K 175 28
                                    

Sa lugar na iyon, wala silang dalang kahit na anong armas. Walang magagamit na baril, walang mataas na klase ng patalim, walang kahit ano maliban sa kung ano lang ba ang nasa paligid nila.

"Ana!" sigaw ni Arjo. Bumabagsak sa balat niya ang malalaking patak ng ulan. Oras din ang hinintay niya sa lugar na iyon na hangganan ng Distrito Mortel. Doon pumupunta ang mga drone kaya alam niyang oras lang ang bibilangin para pumunta roon si Ana. At hindi naman siya nabigo.

Gumagapang ang kilabot sa katawan niya habang sumasabay ang malamig na hangin sa bawat pagtila ng malalaking patak sa langit.

"Arjo . . ." sinabi ni Ana at ipinaling sa kaliwa ang ulo.

"Arjo!" sigaw ni Max, pero halatang hindi siya nito gustong pakinggan.

"Ana! Zone!" narinig nilang sigaw mula sa isang direksyon.

"Mama . . ."

Humahangos na lumapit si Armida papalapit sa kanila pero inawat agad ito.

"Josef . . ." sunod na sinabi ni Ana at biglang huminto sa paligid niya ang patak ng ulan. Nagsiatrasan sila palayo sa kanya.

Sa kanila na nakatutok ang mga drone. Inaabangan ang susunod na mangyayari.

"Mama!" pagtawag ni Ana kay Armida. Habang nakatingin siya rito, biglang nanumbalik ang lahat ng masasamang alaala noong huli niya itong makita.

Natatandaan niya noong nagtago siya sa gilid ng pinto ng kuwarto ng mga magulang niya. Gusto sana niya roong matulog gaya ng ginagawa ni Arjo pero hindi niya itinuloy ang pagpasok.

"Hindi mo na dapat patagalin pa ang batang 'yon dito, Armida."

"Bakit mo ba pinag-iinitan yung bata, ha?" inis na sagot ng mama niya.

"Hindi ko pinag-iinitan yung bata. Sinasabi ko lang kung ano'ng pwedeng mangyari sa 'yo kapag—"

"Kapag ano?!"

Hindi niya tipikal na nakikitang nag-aaway ang mga magulang niya sa mansyon kapag naroon ang mga ito.

"Josef, anak ko yung sinasabihan mo!"

"Anak? Alam nating pareho na hindi mo anak ang batang 'yon! Yung batang 'yon ang papatay sa 'yo!"

"Bakit ba ganyan ka na lang kay Ana? Parehas lang naman sila ni Arjo, a! Hindi ko rin naman tunay na anak si Arjo, di ba!"

"Iba si Arjo! Si Arjo ang bubuhay sa 'yo!"

"Si Arjo ang bubuhay sa 'kin kaya mas pabor ka sa batang 'yon, gano'n ba? Ipapaalala ko lang sa 'yo kung sino ang ama ng batang pinapaboran mo!"

Parang kahapon lang ang lahat. Noong lumabas siya sa pinagtataguan yakap ang isang puting unan.

"Mama . . ."

Natatandaan niya ang nagagalit na ekspresyon ni Josef, at ang gulat na ekspresyon ni Armida.

"Edreana . . ." Dali-daling lumapit sa kanya ang mama niya. Nakatitig lang siya sa nag-aalalang mukha nito.

"Mama, bakit kayo nag-aaway ni Papa?" inosente niyang tanong.

"Hindi, anak. Hindi kami nag-aaway ni Papa." Binuhat siya ng mama niya at tiningnan nito nang masama ang papa niya.

Ipinalibot niya ang payat na mga braso sa balikat ni Armida at binulungan ito. "Mama, galit ba sa 'kin si Papa?"

Bumalik sa kanya ang pakiramdam ng paghagod nito sa buhok niya. "Hindi. Hindi galit sa 'yo si Papa. Huwag mong isipin 'yan, ha? Hindi galit si Papa sa 'yo, okay?"

Tumango naman siya bilang sagot kahit na nararamdaman niyang nagsisinungaling ito.

"Hindi ka ba makatulog? Gusto mo, samahan ka ni Mama sa kuwarto?"

Tumango na lang ulit siya habang nakatingin sa mukha ng papa niya na nanlilisik ang mga mata habang nakatingin sa kanya. Ipinagkukumpara niya ang tinging iyon sa tingin nito sa mga sandaling iyon.

Lalong lumakas ang daluyong ng hangin na tangay-tangay ang malalaking patak ng ulan.

Biglang namuo sa hangin ang mahabang linya mula sa patak ng ulan at naging patulis ang hugis.

"Edreana!" sigaw sa kaliwa niya. "Stop this!"

Habang isa-isang namumuo sa hangin ang mga patulis na tubig, humarang sa harapan niya ang nakadipang si Laby. Basang-basa na ito ng ulan at halos dumikit na sa mukha nito ang gintong buhok.

"Laby . . ." mahina niyang sinabi rito.

"Enough! Please!" pagmamakaawa nito sa kanya.

Matamis lang na ngumiti si Ana at ipinaling pa-kanan ang ulo.

"Masaya . . . ka bang . . . makita . . . ako . . . Laby?" nakangising tanong ni Ana habang inuunti-unti ang salita.

"We can talk peacefully, Ana," pagpapakalma niya rito habang nakalahad ang mga kamay.

"I . . . will kill . . . Josef," ani Ana nang may ngiti.

"Ana, please . . ." pakiusap ni Laby. "Walang kasalanan si Josef. Ako." Tinapik niya ang dibdib. "Ako ang gumawa sa 'yo. Sa akin ka magalit, hmm? Ako ang may kasalanan. Huwag mo na silang idamay rito."

Pumikit-pikit lang si Ana habang nakangiti pa rin. "Papa . . . tayin ko . . . kayong . . . lahat."

Biglang kumilos ang mga matutulis na patak ng tubig at pinuntirya si Laby.

"Milicent!"

"Laby!"

"Etherin!" sigaw ni King, ngunit bago pa siya tuluyang makalapit ay para bang huminto ang lahat at pare-parehas silang napaawang ang bibig habang nakatingin sa harapan ni Laby.

"I told you . . . she's dangerous," mahinang sinabi ni Ran.

"Ran?" di-makapaniwalang pagtawag ni Laby sa kaharap. "Hindi." Nanginginig ang mga labi niya nang ibaba ang tingin sa katawan nitong dumudugo. "Hindi . . . hindi . . ." Dahan-dahan siyang umiling at hindi na alam kung paano hahawakan ang lalaki. "RAN!" Mabilis niya itong sinalo nang muntikan na itong tumumba. Dumoble pa ang bigat nito nang saluhin niya kaya halos masubsob sila sa maputik na lupa.

"Wh-what happened . . .?" takang tanong ni Laby habang hinahanap kung anong sugat ba ang unang aasikasuhin kay Ran. "No! No, please not you, no!"

"Run away . . . please," utos ni Ran sa kanya at nagsimula nang kumalat sa lupa ang mga dugo galing sa katawan niya.

Halos punitin ni Laby ang damit ni Ran para lang malaman kung anong sugat ba ang una niyang lalagyan ng pressure para patigilin ang pagdugo. "NO!" sigaw niya nang makitang tila ba pinaulanan ng bala ang katawan ni Ran sa dami ng natamo nitong sugat mula sa atake ni Ana.

Naghalo na ang luha at patak ng ulan sa pisngi niya at wala na siyang ibang nagawa kundi yakapin na lang ito. "Ran, huwag muna!"

"U-Umalis ka . . . na . . . rito . . ." mahinang pakiusap nito.

"Hindi! Dito lang ako, di kita iiwan dito! Tulong! TULONG!"

Umasa siyang may makakatulong sa kanya sa mga sandaling iyon, pero wala siyang ibang makita kundi si Ana at ilang mga metal na bagay na nakalutang sa ulunan nito.

"TAMA NA! TUMIGIL KA NA!" pagmamakaawa niya rito.

Muli na namang lumipad ang mga bagay na iyon para patamaan siya.

Napapikit na lang si Laby at hinintay na tumama ang atakeng iyon. Mabilis lang siyang napadilat nang makarinig ng pagtagis ng mga metal sa paligid.

Pag-angat ng tingin ni Laby, dalawang tao lang ang humarang ng mga bagay na tatama sana sa kanya.

"Alisin n'yo na siya rito!" utos ng boses sa harapan niya.

Hunting Project: ZONE (Book 9)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon