End of the New Beginning

2.4K 144 31
                                    

Hindi iyon ang unang beses na lalabas siya sa kastilyo ng mga Zach, pero iyon ang unang beses na babiyahe sila sa loob ng Citadel.

Gandang-ganda talaga si Arjo sa paligid. Pagpasok niya sa backseat ng puting sasakyan, tumanaw agad siya sa bintana ng kotse para tingnan kung gaano kalaki ang kastilyo mula sa labas.

"Wow . . ." bilib na bilib niyang nasabi habang nakatingala sa matayog na kastilyong mukhang gawa sa ginto sa malayong tingin dahil sa napiling pintura. Naalala niya tuloy ang mga sagot sa tanong niya na si Maximillian Joseph Zach na ang nagmamay-ari ng lugar na iyon ngayon.

Umandar na ang sasakyan kaya lalo siyang natuwa. Maliban sa maganda siya sa araw na iyon, makakalabas na siya sa pinagkulungan sa kanya.

"Hala, ang ganda!" papuri niya sa dinaanan nilang malawak na lugar na maraming bulaklak. Umurong pa siya sa kaliwang bintana ng sasakyan para lang tanawin ang malawak na hardin ng Citadel. Nadaanan nila ang maliit na iron gate na may nakasulat na Matricaria Garden.

Pakiramdam niya, nasa isang fairytale land siya. Paglagpas sa hardin ay nadaanan na nila ang panibagong maze garden at ang wooden gate niyon na may nakasulat na NIGHTSHADE. Anim na talampakan lang ang taas ng mga hedge at ilang metro rin ang binaybay nila bago nakalampas doon.

Lumiko sa kanan ang sasakyan at lalong napaawang ang bibig ni Arjo dahil ang gaganda ng mga bahay roon. Karamihan ay may katabing puno o di kaya ay hinayaan lang na tayuan ang bahay ang mismong puno nang hindi pinuputol. Pinaghalong modern at nature house ang disenyo. Nakagat na niya ang kanang hinlalaki habang naiisip na para siyang nasa magandang amusement park o di kaya ay nasa loob ng isang lugar na fairy tale. Gusto na niyang tumira sa lugar na iyon dahil galak na galak siya sa mga nakikita niya.

Huminto ang sasakyan sa harapan ng isang maliit na kapilya. Sinlaki lang iyon ng bahay nila na walang second floor.

"Milady," alok ng Guardian sa kamay niya. Kinuha naman iyon ni Arjo at lumabas na ng sasakyan.

"Dito na ba 'yong kasalan?" tanong pa niya habang nakatingin sa mukha ng Guardian.

"Yes, milady."

Inilipat ni Arjo ang tingin sa kapilya. Walang mga tao roon sa mga sandaling iyon maliban sa dalawang naka-suit ang tie rin na bantay ng nakasaradong wooden door.

"Sure ka?" tanong pa ulit ni Arjo na tungo na naman ang sagot ng Guardian. Inakay na siya nito papasok sa kapilya kahit na takang-taka pa siya kung bakit walang mga bisita sa paligid. Iyon pa naman ang unang beses na dadalo siya sa isang kasalan.

Kinakabahan na siya dahil wala talaga siyang makitang ibang tao. Pagbukas ng pinto ng kapilya, lalo siyang napamulagat dahil wala nga talagang bisita ni isa. Ang naroon lang ay yung mga taong naka-suit din at tumutugtog ng Wedding March.

"Kuya!" sigaw pa niya nang makita si Max na malapit sa altar nakatayo. May kausap itong pamilyar na kanya—si Xerez, yung matandang lalaking madalas siyang dalawin sa medical facility. Sabay ang dalawang napalingon sa kanya na takang-taka sa pagsigaw niya.

"Milady, di ba, sinabi ko nang huwag kayong sisigaw?" bulong sa kanya ng Guardian matapos niyang sumigaw.

"Ay, sorry," sagot niya agad at tinakpan ang bibig. "Pero nasaan yung mga ikakasal?" bulong na niya sa Guardian.

"Kayo yung ikakasal."

"Ha?" Napahinto sa paglalakad si Arjo habang nakatingin sa mukha ng Guardian. "Ako? Kanino?"

Inilahad lang ng Guardian ang kaliwang palad niya para ituro ang lalaking naghihintay kay Arjo sa altar.


Hunting Project: ZONE (Book 9)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon