Zone 15: Unwanted Power

3.4K 191 27
                                    

Dalawang araw at opisyal nang dineklara kung sino ang nanalo sa Kill for Will Tournament. At kung para sa lahat ay tapos na ang Annual Elimination sa taon na iyon, may hindi pa naisasarang kaso ang Citadel tungkol doon.

Pangalawang beses na paghahanda ni Max sa panibagong meeting kung saan alam niyang hindi pa sigurado kung buhay pa ba ang mga magulang niya. Sa araw din kasing iyon nakatakdang basahan ng castigation ang mga mag-asawang Zordick-Zach. Iyon nga lang, naunahan na sila ng desisyon para sa mga ito dahil nailipat na ng chamber si Armida Zordick, habang nire-revive pa rin gamit ang life support ni Richard Zach. Gustong itanong ni Max kung bakit pa nila binibigyan ng life support ang papa niya kung nakatakda naman itong patayin, pero wala siyang makuhang matinong sagot. Bagay na nakalista na sa mga tanong na ibinigay sa kanya ng Citadel at hahanapan niya ng sagot habang inaayos ang kaso ng pamilya niya.

May sinabi si Arjo na i-review niya ang kontrata ng mga magulang niya at ng Citadel tungkol sa Project ARJO at Project Zone. Habang nagpapalit siya ng mamahaling puting suit, nakapatong sa ibabaw ng glass na center island ng walk-in closet niya ang mga dokumentong kopya ni Richard Zach at ang pina-photocopy niyang kopya mula sa opisina ni No. 99 na hawak ni Armida Zordick.

Nakalagay lang naman doon na itinaya ng mama niya sina Armida Josephine Zordick (Project ARJO), Edreana Armida Zordick (Project Zone: Prototype clone), at si Daemon Hughne Zach (Project Zone: 2.0 clone). Nabasa na niya iyon noon, at talagang nagalit siya sa mama niya dahil sino bang matinong ina ang isusugal ang mga anak niya.

Pero habang binabasa niya ang ibang bahagi niyon, napagtanto niyang may iba pala siyang hindi nabasa dahil sa pagkainis noong una. At iyon ang pinakaimportanteng bahagi sa lahat. Pagmamay-ari ng Citadel ang mga project ni Labyrinth, at considered silang stolen at kidnapped sa pangalan ng papa at mama niya.

Nagtataka siya kung paanong nai-tag bilang ninakaw at kidnapped ang mga kapatid niya kung alam ng Citadel kung nasaan naman silang pamilya. Iyon ang isa sa kaso ni Richard Zach na may parusang kamatayan, ang pagnanakaw sa isang project ni Labyrinth na property ng Citadel: ang Zone Prototype. Ang isa pang kaso nito ay ang pagiging partner in crime ng main suspect sa pag-kidnap sa iba pang project na PZ02 at artifical regenerator.

At dahil may conflict na kinukuha ng iba pang mga Superior ang custody sa mga existing project, nagbigay ng truce si Armida Zordick na bibitiwan lang nila ang mga project pagkatapos ng Annual Elimination. At ang paraan lang nito para mabawasan ang tatlong bilang na parusang kamatayan at hindi mapunta sa ibang Superior ang mga project ay itaya ang mga ito sa laban kung saan sila sasali. At mukhang kumpiyansa ang mga magulang niyang maipapanalo nila ang Annual Elimination dahil custody ng project ang kapalit.

Siya ang nanalo at bukod-tanging natira sa katatapos lang na Annual Elimination, at sa kanya mapupunta ang custody ng mga project. Iyon nga lang, custody lang ang nakuha niya, pero hindi kasama roon na makakasama niya sa Citadel ang mga project.

Sa isa pang agreement, ang nakalagay roon ay kapag walang nakakuha sa projects, ililipat sa kanya-kanyang angkan ang mga kapatid niya. At si Zone lang ang nasa record na mapupunta sa panig niya. Sina Arjo at Ana at mapupunta sa mga Zordick. At wala siyang kontrol sa pamilyang iyon kahit pa pamilya iyon ng mama niya.

Sinunod niyang basahin ang kopya ng custody ng Project ARJO, at nakapangalan ito sa mga Wolfe—na hindi rin niya kilala. At dahil nasa tradisyon na ang lahat ng babaeng anak ng mga Zordick ay mananatiling Zordick, hindi nito dadalhin ang apelyidong Wolfe. Hindi naman siya papayag na mapunta ang kapatid niya sa mga taong hindi niya alam kung sino ba. Wala nga siyang tiwala sa sariling angkan nila, sa ibang pamilya pa kaya?

"Lord Maximillian, hinihintay na kayo sa meeting room," paalala ni Seamus sa labas ng walk-in closet.

Hindi siya sumagot, sa halip ay inipon ang mga binabasa at lumabas nang nakabihis na puro puti. Magmula sa pang-ilalim na long-sleeved shirt, sa suit, sa trousers, hanggang sa sapatos. Kaiba sa unang meeting noong inihalal siya bilang bagong Fuhrer.

Hunting Project: ZONE (Book 9)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon