Kung may dahilan ang mga Guardian para kabiliban ang bagong Fuhrer, iyon ay parati itong nakakahanap ng tagong impormasyon at sikreto ng Credo na iilang tao lang ang nakakaalam.
Ilan lang ang mga Superior na ikinasal sa loob ng Citadel at tumira sa kastilyo ng mga Zach. Espesyal na kaso pa si Cassandra Zordick dahil pinanindigan ng Fuhrer ang naunang kasunduan nila ng mga Zach kaya doon ito nagkaroon ng permanenteng tirahan sa mahabang panahon kahit hindi nito napangasawa si Joseph Zach.
Walang nagbanggit ng tungkol sa kasal kay Max kaya hindi talaga makapaniwala si Xerez kung paano ito bumagsak sa ganoong desisyon dahil lang sa ilang pagtatanong. Alam niyang isa iyon sa pagpipilian ngunit kahit siya ay hindi naisip dahil nga lumaki ang dalawa bilang mga anak ng mag-asawang Zordick-Zach. Bilib siyang nakapag-isip pa nang ganoon ang bagong Fuhrer sa kabila ng desperasyon. At dahil nakapagdesisyon na ito, wala na siyang magagawa kundi ang sumunod.
Samantala, nilalakad ni Max ang pasilyo ng medical facility ni No. 99. Dati iyong pag-aari ni Hwong Yoo-Ji, ngunit dahil nga binitiwan nito ang titulo bilang si No. 99, si Armida Zordick na ang humalili.
Ang ikinatuwa lang niya sa pasilidad ay naka-focus ang mga research doon kung paano pagagalingin ang mama niya. Habang iniisip nga niya ang tungkol doon, pakiramdam niya, isinuko ni Hwong Yoo-Ji ang medical facility para lang matutukan ang pagpapagaling sa anak nito—bagay na kung siya ang nasa katayuan ng lolo niya sa panig ni Armida, malamang na ganoon din ang gagawin niya dahil gusto rin talaga niyang gumaling ang mama niya. At hindi sa umaasa, pero hinihiling niyang sana ay mailabas niya sa chamber ni Labyrinth ang mga magulang niya balang-araw. Gusto niyang bigyan ng pag-asa ang sarili niya na buhay pa ang mga ito at makakasama pa nila sa darating at tamang panahon.
Napakalamig parati sa medical facility at ang layo ng temperatura doon kompara sa labas. Nag-aalala siya dahil napakanipis pa naman ng telang pinasusuot nila kay Arjo. Mabilis pa naman iyong lamigin.
Muli, naroon na naman siya sa harap ng pintuan ng kuwarto kung saan ito nananatili, at bukas ay ilalabas na ito ng Citadel—na kailangan niyang mapigilan dahil hindi niya alam kung ano ang maaari nilang gawin dito oras na iba na ang kumuha. Nawalan na siya ng tiwala sa mga ito doon pa lang nang malaman niyang pumayag ang mga itong dalhin si Arjo sa Distrito Mortel kahit na halos hindi ito makausap nang maayos. Kinukuwestiyon na niya ang takbo ng utak ng mga tao sa pamilya niya na sino bang may matinong pag-iisip ang dadalhin ang isang mentally unstable at bagong operang dalaga sa isang warzone kung saan posible itong mamatay.
Sinasaling talaga ng Citadel at mga tao roon ang paniniwala niya kung ano ang mali at tama. Nagpapasalamat talaga siyang sa labas ng Citadel sila lumaki dahil kinikilabutan na siya kung iba ang nakagisnan niyang buhay. Pinanonood pa nga lang niyang pumatay ang mga magulang niya nang may diretsong tingin at walang konsiyensya, para nang kinakahig ng matalim na metal ang balat niya dahil sa kilabot.
"Sampung minuto lang ang oras ng pagdalaw, milord," muling paalala sa kanya ng Guardian na bantay sa kuwarto ni Arjo bago siya pinapasok.
Naka-full suit pa siya nang dumalaw kaya kailangan niyang iwan ang sapatos sa labas. Damang-dama tuloy niya ang lambot ng cushion na sahig ng kuwarto. Sinabihan naman na siya kung bakit ganoon na balot ang silid ng cushion. Iniiwasan lang nilang iuntog ng pasyente ang ulo sa matigas na bagay, o di kaya ay kamutin ang semento hanggang sa matanggal ang kuko sa daliri. Ayaw naman niyang isiping ginagawa nga iyon ni Arjo habang naroon ito.
Naabutan niya itong nakahilata sa sahig kahit na may kama naman ito na malapit sa pintuan. Naroon na naman ito sa sulok pero nakahiga na. Diretso ang katawan at nakapatong ang mga kamay sa tiyan.
"Arjo . . ." mahinahon niyang pagtawag dito. Sumaglit lang ito ng sulyap sa kanya bago ibinalik ang tingin sa puting kisame. "Sinabi ng Guardian na maayos ka naman daw dito, totoo ba?" Hinubad niya ang puting suit at inilapag sa sahig. Pagkatapos ay humiga siya sa tabi nito at nakititig din sa puting kisame. "Ayos ka lang ba rito?" mahinang tanong niya rito.
"Uhm-hmm," tipid na sagot nito saka iginalaw ang ulo na parang tumatango.
"Kumakain ka nang maayos?"
"Uhm-hmm."
"Masarap ba yung mga pagkain dito?"
"Masarap pa rin yung luto ni Papa."
Biglang nabalisa roon si Max. Naisingit na naman sa usapan ang mga magulang nila. Isang malalim na buntonghininga at ibinalik niya ang tingin sa kisame.
"Ilalabas ka na raw nila bukas," balita ni Max.
"Narinig ko nga. Pinaghanda na nila ako ng gamit. Dadating si Jean dito bukas."
"Sino si Jean?" takang tanong ni Max at napatitig sa mukha ni Arjo.
"Yung butler ko sa palasyo."
"Close na kayo?"
"Uhm-hmm."
Nagusot lang ang mga dulo ng labi ni Max at naisip na ayos palang may kakilala na si Arjo doon.
"Ayaw mo na ba rito?" tanong ni Max habang napatitig ulit sa kisame.
"Uhm-hmm."
"Nakausap ko pala yung mga tao rito."
"Ano'ng sabi?"
"Di ka raw puwedeng mag-stay."
"Alam ko."
Naibalik agad ni Max ang tingin kay Arjo. "Paanong alam mo?"
"Sa kanila ko nga nalaman na aalisin na 'ko rito kaya pina-review ko sa 'yo yung agreement, di ba?" Nilingon na niya si Max. "Ginagawa mo, Kuya? Kahapon pa natin pinag-uusapan 'to a?"
Napasimangot na naman agad si Max at umamba ng pitik sa noo ni Arjo dahil binara pa siya nito kaso natigilan siya. Tinapik na lang niya nang mahina ang noo saka ibinalik ang tingin sa kisame.
"Pa'no 'yon? Mag-isa ka na sa labas," panakot niya rito. "Di ka naman Zach para mag-stay rito." Napangiti pa si Max dahil alam niyang magwawala si Arjo. Tuwing binabanggit pa naman niya ang tungkol sa pagiging Zach niya sa bahay, nagwawala parati ito at nagsusumbong sa papa nila.
"Ayos lang. Sabi nila, di naman kita kuya talaga."
Iyon lang ang nagpawala ng ngiti ni Max at napatitig sa maputlang mukha ng kapatid niya. Base sa tono nito, parang tanggap na nito ang kapalaran nilang dalawa.
"Ayaw mo ba 'kong makasama rito?" tanong niya.
"Di naman sila papayag e. Puwede mo naman daw akong dalawin sa palasyo nina Mama."
"Kaso wala akong time. Mas busy na ako ngayon."
Hindi nakasagot si Arjo. Napanguso na lang siya at tumango-tango nang kaunti. "Okay. Ayos lang."
"Sure ka na ayos lang?"
"Siyempre hindi, pero wala naman tayong magagawa e. Wala na sina Papa."
Isa na namang buntonghininga kay Max at bumalik silang dalawa sa pagtulala sa kisame. Ilang minuto rin silang natahimik.
"Lord Maximillian," pagtawag sa labas.
Isa na namang buntonghininga kay Max at bumangon na saka umupo sa tabi ni Arjo. "Jo, handa ka bukas, ha?" aniya at tinapik sa balikat ang katabi.
"Bakit?" takang tanong ni Arjo.
"Basta. Ako'ng bahala sa 'yo."
BINABASA MO ANG
Hunting Project: ZONE (Book 9)
AksiMagpapatuloy ang labang kanilang sinimulan. Nabunyag na ang mga lihim. Lumabas na ang mga sikreto. At ngayon, maghaharap-harap na ang bawat proyekto. Magsisimula na ang paghihiganti. Pababagsakin ang mga dapat bumagsak. Sa gitna ng malaking kaguluha...