Zone 16: Castigation

3K 178 19
                                    

Nakapormal na suit silang lahat doon—silang mga natitirang Superior. Si Sam Ramos, si Cassandra Armida Zordick, si Raegan Hawkins, at si Catherine Millicent Etherin. Sa higit na sampung Superior, silang lima na lang ang natira.

Umupo na ang mga ito sa mga upuang halatang hindi gaya sa Oval na basta na lang kung saan nila gustuhin, doon ay may upuan talagang inilaan para sa kanila. Katabi niya sa kanan si Cas bilang Principal Agent, Person in command Internal Affairs Officer, at Citadel Executive Financial Director. Tatlong upuan ang pagitan at nakaupo bilang Director at External Affairs Officer si Sam. Sa kabilang panig ng mesa sa dulong-dulong upuan nakaupo si Millicent Etherin bilang Directress, Head of Citadel Medical Department, Executive Operations Manager. Apat na upuan sa kaliwa niya ang layo ni Raegan Hawkins bilang Criminel Credo Principal Initiator at Public Relation Officer.

Napapatikom na lang siya ng bibig dahil wala siyang ibang maipagmamalaking titulo roon maliban sa siya ang Fuhrer. Parang sinasakal siya ng katotohanang pinalilibutan siya ng mga taong may malaking ambag sa Citadel at ang gagawin niya ay alisan ng karapatan ang mga taong nasa mesang iyon.

"Kayo ang magbabasa ng sakdal para sa kanila, milord," mahinang paalala sa kanya ni Xerez at inabot sa kanya ang isang folder na babasahin.

Napalunok na lang si Max at tinatagan ang loob. Binasa niya ang laman ng folder para kay Weefee. Iyon nga lang, walang prompt doon na literal niyang babasahin para magparusa. Ibig sabihin, impromptu ang pagpapataw ng castigation dito at ang magiging basehan lang ay ang ground na nakasaad sa folder.

Biglan dinaga ang dibdib ni Max. Parang hinahampas nang malakas ang likod niya hanggang sa iluwa ng dibdib niya ang sarili niyang puso. Huminga na naman siya nang malalim para pakalmahin ang isip saka siya nagsalita.

"Sam Ramos," panimula niya sa nanginginig na boses. Napapikit na lang siya nang marinig ang sariling tinig. Bigla siyang nahiya dahil halatang kinakabahan siya samantalang ang binabasahan niya ng sakdal ay nakukuha pang ngumisi habang pinaglalaruan ang signpen na nasa kamay nito. "Ipinagbabawal ang kahit anong pagkilos na hindi naaayon sa batas ng Citadel. Isang bilang ng parusang kamatayan para sa hindi awtorisadong pagbabago sa panuntunan ng Annual Elimination. Isang bilang ng parusang kamatayan para sa pagtataksil sa samahan at pag-ayon sa mga taong hindi nasasakupan ng Criminel Credo. Maaaring basahin ang mga dokumentong nagsasaad ng paglabag. Epektibo ang parusa araw kinabukasan matapos basahan ng sakdal."

May kinuhang malaking kulumpon ng mga folder si Xerez at inilapag sa harapan ni Sam. Natawa lang ito at tinuktok ang mesa gamit ang dulo ng signpen. "Ilang taon mong inipon 'yan?" biro pa niya sa Guardian Centurion.

Sinunod na inabot kay Max ang panibagong folder. Tinitigan pa niya iyon saka tiningnan ang mukha ni Xerez—nagtatanong kung huli na ba ang folder na iyon sa babanggitin niya. Hindi naman ito sumagot kaya aligaga siya nang buklatin ang panibagong folder.

"Raegan Hawkins." Sinulyapan pa ni Max ang tinawag niya dahil hindi gaya ni Sam ay nakikinig at nakatingin naman ito sa kanya. Kahit paano ay gumaan na ang mabigat na nakadagan sa dibdib niya sa mga sandaling iyon. "Dahil may kasunduan pa sa pagitan ng opisina ni Raegan Hawkins at ni Armida Evari Zordick, isang taon sa labas ng Citadel ang tatanggapin bilang parusa. Suspendido bilang Superior sa loob ng isang taon. Hindi patatapakin sa Citadel, hindi magagamit ang kahit anong karapatan at pribilehiyo bilang Superior, at hindi makakapagpatawag ng Guardian mula sa sariling opisina sa loob ng nasabing taon. Maaaring basahin ang mga dokumentong nagsasaad ng paglabag. Epektibo ang parusa sampung oras matapos basahan ng sakdal."

Kahit paano ay nakahinga nang maluwag doon si Max dahil masasabi niyang mababang parusa na iyon kumpara sa parusang kamatayan. Iyon nga lang, kanselado ang lahat ng mayroon ito bilang Superior. Kaunting folder lang ang nailapag ni Xerez sa tapat ng mesa nito.

Nakangiti na nang ilapag ni Max ang folder na hawak niya ngunit napawi ang ngiti niya nang abutan na naman siya ng folder ni Xerez. Halos mapaawang ang bibig niya at buong pagtatakang tiningnan ang Guardian Centurion niya para magtanong kung hindi pa ba sila tapos.

At gaya ng nauna, wala na namang tugon kay Xerez kaya binuklat niya agad ang folder. Saglit na nanlaki ang mga mata niya at mabilis na ibinalik ang tingin kay Xerez.

"T-Totoo 'to?" di-makapaniwalang tanong niya.

"Yes, milord."

Para bang pinigilan ang pagsagap niya ng hangin nang titigan ang laman ng folder. Halos mautal pa siya sa pagbabasa niyon.

"C-Cassandra Armida . . . Zordick." Napalunok na naman siya at napatingin sa lola niyang wala man lang kaimik-imik sa gilid. Napapailing na lang siya habang inuna munang basahin ng mata ang parusa nito bago bigkasin. "Isang bilang . . . ng parusang kamatayan . . . para sa paglabag sa Criminel Credo." Mariing napapikit si Max at tila ba naiwan sa lalamunan niya ang dahilan ng parusang iyon.

"You can do that, Max," mahinang bulong sa kanya ni Cas.

Nanginginig na ang mga kamay ni Max nang tapusin ang sinasabi. "Mahigpit na ipinagbabawal ang . . . pangingialam ng mga namumuno sa gitna ng Annual Elimination. Dagdag na parusa ang pagpanig sa mga taong nauna nang lumabag sa Criminel Credo na may parusang kamatayan." Saglit na tumahimik si Max dahil alam niyang mga magulang niya ang tinutukoy roon. "Maaaring basahin ang mga dokumentong nagsasaad ng paglabag. Epektibo ang parusa araw kinabukasan matapos basahan ng sakdal."

May mga folder na inilapag si Xerez sa harapan ni Cas. Habang ginagawa iyon, hindi alam ni Max kung bibilib ba o maiinis kay Xerez dahil mukhang alam na niya ang pinagkabaalan nito noong mga araw na hindi niya ito nakita. Sa dami ng folder na iyon na ikinakalat nito sa bawat Superior na kasama niya sa mesa, gusto niyang magtanong kung nakakatulog pa ba ito nang maayos.

At bago pa siya makaimik, pinagmasdan na niya ang makakapal na folder na naiwan sa gilid niya. Ayaw na niyang magtanong dahil alam niya kung sino ang tatanggap ng mga folder na iyon.

Doon na iniabot ni Xerex kay Max ang huling folder na babasahin nito.

Napatingin na lang si Max kay Laby na diretso lang ang pagkakaupo, halatang puyat kahit na itinago ng concealer at foundation ang eyebags. Naka-makeup ito at mukhang inihanda ang sarili para lang sa importanteng meeting na iyon kung saan babasahan sila ng sakdal—na ang karamihan ay kamatayan.

"Catherine Millicent Etherin." Wala pa man pero nalulungkot na siya sa nangyayari sa kanilang lahat. "Ipinagbabawal ang pagtakas ng mga bagay na pag-aari ng Citadel. Isang bilang ng parusang kamatayan para sa salang pagnanakaw ng mga proyektong nasa ilalim ng pangangalaga ng Citadel. Isang bilang ng parusang kamatayan para sa pagtataksil sa Criminel Credo. Isang bilang ng parusang kamatayan sa paglabag sa panuntunan ng Annual Elimination. Dagdag na parusa ang pagpanig sa mga taong nauna nang lumabag sa Criminel Credo na may parusang kamatayan." Inilipat ni Max ang tingin kay Laby na halatang tanggap na ang kapalaran nito at nakukuha pang magtaas ng mukha habang nakatingin sa harapan. "Maaaring basahin ang mga dokumentong nagsasaad ng paglabag. Epektibo ang parusa araw kinabukasan matapos basahan ng sakdal."

Sa wakas ay naubos na rin ang folder na kailangang basahin, at talagang hindi makapaniwala si Max na iyon lang ang trabaho niya sa araw na iyon. Ang maging mensahero ng kamatayan para sa mga taong bahagi sa pagkasira ng buong pamilya niya.

Si Xerez na ang tumapos ng kailangang sabihin ni Max dahil halatang hindi pa nito gamay ang pag-aasikaso sa loob ng meeting roon ng mga Superior.

"Naka-red alert ang mga tracker ninyo bilang mga Superior," paalala ni Xerez sa lahat. "Anumang oras, kukunin na kayo ng mga Guardian para dalhin sa Black Pit."

Pinagmasdan ni Max ang mukha ng mga binasahan niya ng sakdal. At wala siyang ibang mabasa sa mga reaksiyon ng mga ito kundi tanggap na nila.

Tanggap na nila ang katotohanan na lahat ng maling ginagawa nila ay may karampatang parusa. At doon natanggap ni Max na ang pinakanakakatakot na kalaban ng mga Superior ay hindi ang mga kapwa nila Superior kundi ang batas mismo. Dahil maaawa siya sa mga ito, pero hindi ang Criminel Credo.

Hunting Project: ZONE (Book 9)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon