Zone 4: The Prototype

3.7K 192 12
                                    

Hindi na maganda sa balat ang init ng araw, at kinailangang manatili nina Max sa isang maayos pang bahay sa distrito dahil biglang dumugo ang ilong ni Arjo gawa ng maalinsangang panahon. Nanatili sa tapat ng pintuan ang Guardian at nagprisintang magbabantay. Si Max naman, naupo sa isang round chair sa tabi ng kapatid na nasa sirang single-seater sofa. Nagpapasalamat sila dahil maayos-ayos pa ang bahay na napasukan dahil may linya pa roon ng tubig at malinis ang lumalabas sa gripo.

"I know this is a stupid question to ask," sabi ni Max sa kasamang Guardian, "pero hindi pa ba kumakain si Arjo?"

Bahagyang tumungo ang Guardian bago sumagot. "Pasensya na, milord, pero hindi pa nakakainom si Lady Josephine mula nang dalhin kami rito. Naghanap lang ako ng bahay rito na may malinis na supply ng tubig para may mainom siya."

"Hindi ba nila naisip na magugutom ang kapatid ko?!" sigaw niya sa Guardian.

"Milord, hindi po itinuturing na tao ang mga project ni Labyrinth kaya hindi na sila nag-abala pang magbigay ng makakakain o maiinom."

"WHAT?!" Napapikit agad si Max at naitaas ang nakakuyom na kamao, akmang may sasapakin dahil sa panggigigil.

Hindi itinuturing na tao si Arjo. Gusto na lang niyang manapak ng tao dahil sa narinig. Iniisip niyang paanong hindi maituturing na tao ang kapatid niya?

"At ikaw?" naiinis na tanong ni Max sa Guardian. "Kung hindi tao ang tingin nila sa kapatid ko, malamang na tao ang tingin nila sa 'yo."

"Kailangan kong unahin ang kapakanan ni Lady Josephine, milord. Kakain lang ako pagkatapos ng tournament."

Hindi agad nakaumang doon si Max. Buong pagtataka niyang tinitigan ang Guardian dahil hindi niya lubos maisip na tatagal ito sa ganoong lugar na masyadong delikado para sa kanilang lahat habang walang tubig o pagkain man lang.

Binalingan niya ulit si Arjo na tulala pa rin. Hinawakan niya ang benda nito sa ulo. Hindi naman iyon nagdudugo, at inaasahan niyang magaling na iyon. Nakalaylay na ang isang bahagi nito dahil lumuwang na sa pagkakasuot at natanggal ang isa sa mga clip.

"Arjo, nagugutom ka ba?" mahinahon niyang tanong dito. Napansin niyang wala na nga itong sugat sa ulo, pero wala nang buhok ang bahaging tinatakpan ng makapal na benda.

"Ana . . ." Tumayo si Arjo at tumungo sa direksyon ng bintana sa harapan nila.

Nagtataka na si Max kung sino ba ang Ana na tinutukoy ng lahat mula pa roon sa isla.

"Alam mo, nasasayang lang talaga ang oras natin dito," naiinis nang sinabi ni Max. Tumayo na siya at tiningnan ang kapatid na nakatanaw sa bintana. "I'll go find my brother. Nakatagal kayo rito ni Arjo nang higit pa sa isang araw, tingin ko mapagkakatiwalaan naman kita." Binalingan niya si Arjo at pinaharap ito sa kanya. "Arjo, hahanapin ko muna si Zone."

"Si Zone," pag-uulit ni Arjo. "Kuya . . . nandito si Zone."

"Yes, I know," may inis na tugon ni Max. "Hahanapin ko si Zone, you stay here, okay?"

"Si Zone . . ." tulalang sagot ni Arjo.

Nagsisimula nang mairita ni Max dahil kung dati ay natatangahan na siya sa kapatid, hindi niya alam kung saan na ilalagay ang pagkainis niya dahil hindi na talaga ito matinong kausap ngayon.

"Hahanapin ko si Zone, bantayan mong mabuti ang kapatid ko. Hahanapin ko agad kayo kapag nakita ko na siya," huling paalala ni Max sa Guardian bago umalis sa bahay na iyon.




*****

Hunting Project: ZONE (Book 9)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon