10

55 1 0
                                    

Nanatili kaming nasa cold war ni Kenzo.


O baka siguro ako lang ang nakikipag-away sa sarili ko kasi 'yung totoo ay wala namang nagbago sa treatment niya sa 'kin. Gano'n pa rin naman siya. Nakasunod pa rin siya sa 'kin minsan at kinakausap niya pa rin naman ako kahit puro tipid 'yung mga sagot ko sa kanya.


Kung tama ang pag-calculate ko, siguro ay halos dalawang linggo na rin kaming ganito. 'Yung totoo, hindi naman na talaga gano'n kasama 'yung loob ko sa kanya. Ginagawa ko lang 'to kasi gusto kong protektahan 'yung sarili ko. Ayoko nang maranasan pa ulit 'yung nakakalimutan ako kaya hinihigpitan ko na nang kaonti 'yung boundaries ko ngayon.


Disyembre na. Busy man ako sa kaliwa't kanang responsibilidad bilang isang frustrated na adult, masaya pa rin ako kasi alam ko na malapit na 'yung break. Iyon lang talaga ang hinihintay ko. Kating-kati na akong umuwi ng Villarreal at makita 'yung kapatid ko.


Gusto ko na rin talagang magpahinga nang walang iniisip na deadline. Hindi ko kasi magawa 'yon dito sa Maynila. Sa dami ng deadline kong 'di maubos-ubos, minsan ay napapanaginipan ko na sila. Leche nga, eh.


Hay. Ang daming demand ng buhay.


Birthday ni Matthew ngayon at magkakasama na naman kaming lahat para mag-celebrate. Umiinom lang naman kami at nagku-kwentuhan. Kumpleto kami kaya siyempre, present si Kenzo. Siya pa ba talaga ang a-absent sa inuman? Mas malaki pa yata ang chance na manalo ako sa lotto kaysa 'di sumipot si Kenzo sa inuman.


May ni-recruit si Claire na dalawang lalaki na blockmates niya raw na kasama rin namin sa table. Siyempre, taga-ibang kurso kaya 'di ako pamilyar sa kanila.


"Sian, type ka nitong si Nixon. Kausapin mo naman," biglang sabi ni Claire.


Natural na malakas ang boses niya at narinig ng lahat 'yung sinabi niya kaya nagtilian 'yung mga kasama namin. Sa harap ko nakaupo 'yung blockmates niya kaya kitang-kita ko ang pagsiko ng isa do'n sa lalaking Nixon daw ang pangalan. Siniko-siko siya ng katabi niya na parang inaasar sa 'kin.


Kunot-noo kong tiningnan si Claire. "Bwesit ka talaga."


"Single ka naman, 'di ba?" natatawang tanong niya.


Irap lang ang naging tugon ko kay Claire. Na-realize ko tuloy kung bakit kanina ko pa napapansin na sulyap nang sulyap sa 'kin si Nixon. Siyempre, mararamdaman mo naman kasi 'pag may nakatingin sa 'yo, 'di ba?


At sa case ko, dalawa 'yung kanina ko pa napapansin na sulyap nang sulyap sa 'kin: si Nixon at si Kenzo.


Unconsciously, nahagip ng tingin ko si Kenzo. Kay Nixon siya nakatingin at hindi sa akin. Wala namang kung ano sa mukha niya. Nakatingin lang talaga siya kay Nixon. Minsan ay mahirap basahin 'yung emotion ni Kenzo kaya 'di ko rin tuloy matukoy kung ano ang nararamdaman niya.


Naramdaman niya yatang nakatingin ako sa kanya kaya napatingin din siya sa 'kin. Nagtinginan kami ng ilang segundo bago sa unang pagkakataon ay nauna siyang umiwas ng tingin. Pinanood ko pa siyang uminom at nag-cellphone bago ko tuluyang inalis sa kanya ang tingin ko.

The Rhythm Of Our FragmentsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon