HE SMILED at the two who were gaping at him in astonishment. "Sa pinakamadaling panahon."
"Aba'y napakagandang balita niyan, Adrian!" Kumislap ang mga mata ng matandang babae. "Paanong ni hindi man lang ako pinahihiwatigan nina Odette at Norien?"
"Siyanga naman, Adrian."
"Hindi si Norien ang babaeng pakakasalan ko, Tiya Celestina, Virgilio."
"Hindi si Norien?" Napatuwid ang katawan ni Celestina. Sandaling tumalim ang mga mata. "Bakit hindi si Norien? Matagal nang panahong inaasahan namin na kayo ni Norien ang magkakapangasawahan, hijo."
"Dahil kailangan kong isaalang-alang ang damdamin ng anak ko sa bagay na iyan, Tiya Celestina. Hindi siya kailanman naging malapit kay Norien at—"
"Kung gayo'y sino?" Celestina dragged her chair to face him. "Paanong hindi namin alam na may napupusuan kang iba mula nang mamatay si Bev? Saan mo nakatagpo ang babaeng ito?"
"Nagkakilala na kami bago pa siya nagtungo rito, Tiya Celestina. Kahapon ng hapon ay ipinahayag ko sa kanya ang saloobin ko. At natitiyak kong tatanggapin ni Michelle ang alok kong magpakasal kami."
"Si Michelle? Si Michelle ang gusto mong pakasalan?" Virgilio exclaimed.
Lumalim ang mga gatla sa noo ni Celestina. "Sinong Michelle? Nagkakilala na ba kami?"
"Matanda ka nang talaga, Mama. Napakadali mong makalimot," natatawang sabi ni Virgilio. "Bisita lang natin si Michelle dito noong isang gabi."
"Oh." Napatutop ito sa noo. May ilang sandali nitong pinalipas ang pagkamangha. "Ang batang kahawig ni Harriet ang tinutukoy mo."
"Hindi siya bata, Tiya Celestina. Kung tutuusin ay matanda siya ng isang taong mahigit kay Norien. At ang anak ko'y agad na napalapit sa kanya mula nang magkatagpo sila. Halos ayaw humiwalay ni Catherine sa kanya kahapon. Katunayan ay tinawag niya itong 'mommy.'"
"S-sasaktan mo ang damdamin ni Norien, Adrian," ani Celestina, nag-aalala.
Si Virgilio ang sumagot. "Duda ako roon, Mama. At kung ako si Odette ay hahayaan ko ang anak ko na pumili ng lalaking iibigin ni Norien."
"At sino ang tinutukoy mo, ang bangkerong si Ansel?"
Napailing si Virgilio. "Kung hindi ko kayo kilala, Mama, ay iisipin kong nahahawa na rin kayo sa pagiging matapobre ni Odette. Graduate ng Mechanical Engineering si Ansel. Sideline lang niya ang pagpapalaot sa bangkang-pangisda ni Adrian.
"Si Ansel ang nagmamantini ng mga fishing boats ko, Tiya Celestina. At mahusay si Ansel."
Napakalalim ng hiningang pinakawalan ni Celestina bago isang banayad na ngiti ang ibinigay kay Adrian. "May pag-ibig ka ba sa... kay Michelle, hijo? Iniibig ka rin ba niya?"
Adrian smiled. "Hindi kami nag-uusap ng tungkol sa pag-ibig. May mga bagay na mas higit na kapaki-pakinabang para sa aming dalawa ang magiging pundasyon ng aming pagpapakasal. Pero hindi ko aalisin ang posibilidad na sa takdang-panahon ay matututuhan naming..." Tumikhim siya "...ibigin ang isa't isa."
"Hindi kataka-takang sang-ayunan niya kaagad ang alok mo. Isa kang masalaping tao, Adrian. Ilang dobleng higit kaysa sa mga de Alegre. Napaunlad mo ang kayamanang iniwan ng iyong mga magulang."
"Hindi ako naniniwalang iyon ang motibo ni Michelle, Tiya. Though I gave her a very tempting offer she can hardly refuse. Kapalit ng pagsang-ayon niyang pakasal sa akin para kay Catherine ay ang pangako kong magkakaroon siya ng gallery sa hotel. O sa Pasig, kahit saan niya naisin. At maipagpapatuloy niya ang pag-aaral niya ng Fine Arts. May natitira pa siyang isang semestre bago magtapos."
BINABASA MO ANG
All-Time Favorite: El Paraiso
RomanceNang mamatay ang mga magulang ni Michelle ay natuklasan niyang hindi niya ama ang lalaking nagbigay sa kanya ng pangalan. Natuklasan din niya mula sa taguan ng kanyang ina ang sulat na nagtuturo sa kanya sa isang lugar na hindi niya man lang narinig...