CHAPTER EIGHT
HANGGANG sa maghiwalay silang dalawa ni Mia ay hindi siya makapagdesisyon nang tama. Matapos ang huling subject niya nang bandang alas-siete y media ay ipinatawag si Marti sa director's office. Inaasahan niyang si Donya Gertrudes ang naroroon subalit sa halip ay si Dash ang naghihintay sa kanya sa likod ng executive desk.
"H-hello..." bati niya pagkapasok sa silid.
Mula sa pagkakayuko sa isang folder ay nag-angat ito ng mukha at ngumiti nang makita siya at agad na tumayo at itinuro ang silyang nasa harapan ng mesa nito."Please sit down."
Nag-aalangang umupo siya sa swivel chair na nasa harapan ng mesa nito. "Ipinatatawag n'yo—mo raw ako?"
Umupo sa dulo ng mesa si Dash, sa may harap niya. Sinalakay ang ilong niya ng suwabeng amoy ng panlalaking cologne na humalo sa natural nitong amoy. At nagugulat siyang amoy lang ng cologne nito'y may banyagang damdaming napupukaw sa kanya.
"Twenty four hours lang ang ibinigay ko sa iyo para pag-isipan ang tungkol sa trabaho mo, Marti. Ano ang desisyon mo?"
"Dash... siguro'y nasabi na sa iyo kagabi ni Aliana na nagtatrabaho lang ako sa kanila—"
"As a matter of fact, she did. Dumaan dito kanina si Mia at sinabi ang magiging problema mo kung sakaling tanggapin mo ang trabaho sa asyenda. At sang-ayon ako sa suhestiyon ni Mia na makipanuluyan ka na muna sa kanila. No one can serve two masters at the same time without sacrificing the other."
She raised her eyes to him. She knew he quoted the last sentence from the bible. And that made his statement so true.
Nagpatuloy si Dash. "Kung mananatili ka sa mga Salvacion ay hindi mo maiiwasang magtrabaho para sa kanila at mapababayaan mo ang trabaho mo... ganoon din ang pag-aaral mo."
"I don't know what to say."
Dumukwang si Dash. Put his fingers under her chin and raised her weary face to him. "C'mon, Marti. Ginagawa mong mahirap ang isang walang kabagay-bagay. Hindi ko sasang-ayunan ang suhestiyon ni Mia kung hindi iyon makabubuti sa iyo. At ginagarantiyahan ko sa iyo ang pagpayag ng Mama."
Pinakawalan niya ang mukha at nagyuko ng ulo. At sa nababagabag na tono'y, "Why are you doing this?"
Bumalik sa upuan niya si Dash. His fingers tapping the table top for a few seconds. Then he said softly, "Mayroon bang laging dahilan ang pagtulong sa kapwa, Marti? Si Mia, she is your champion. May dahilan ba kaya niya ginagawa iyon?"
"S-she's my friend."
Umangat ang mga kilay nito. "And I am not?"
"Yes. No." Puno ng kalituhan ang mukha niya. "Oh, I don't know what to say anymore. I don't even know you until—"
"I've known you since you were in junior high, Marti."
Nagsasalubong ang mga kilay na nag-angat siya ng mukha rito. Nagtatanong ang mga mata. Ano ba ang ibig nitong sabihin? Ilang ulit na nitong ipinahihiwatig iyon. He coudn't have known her existence years ago, o sa mga taong ipinag-aral niya sa SIC. She was definitely out of his league, not to mention they were not of the same age level.
