CHAPTER FIFTEEN
NAGULAT pa si Marti nang makita ang oras sa relo niya nang magising siya. Alas-nueve ng umaga. She groaned, at ibinagsak muli sa unan ang ulo. Tinanghali siya nang gising. Old habits die hard kahit maaga siyang natulog kagabi.
Hindi niya bahay ito at dapat ay hindi siya nagpapatanghali ng gising. Natuon ang tingin niya sa pinto nang umikot ang seradura. Bumukas iyon at pumasok si Nanang Dalen. May dalang tray na may lamang umuusok na kape at isang hiwang papaya.
"Gising ka na pala, hija." Inilapag nito ang dala sa bedside table.
Napabangon si Marti at nilanghap ang aroma ng brewed coffee. "Tinanghali ho ako ng gising, Nanang Dalen. Nakakahiya naman ho—"
"Huwag mong intindihin iyon. Si Dash mismo ang nagsabing hayaan kang matulog. At masarap matulog sa probinsiya, Marti. Bukod pa sa pagod ka sa pagmamaneho kahapon patungo rito. At maghapon din kayong naglibot nina Mia at Tom."
"Nasaan ho si.. si Dash, Nanang?" Tuluyan na siyang bumangon at dinampot ang tasa ng kape at nagsimulang humigop. Hindi niya gustong makatagpo ito sa paglabas niya. At gusto niyang gugulin ang buong maghapon sa cottage kaysa sa loob ng malaking bahay.
Nalaman niya kahapon kay Mia na wala pang isang linggong nakaalis si Donya Gertrudes patungo sa Europa para sa isang educational tour sa mga kolehiyo't unibersidad doon na pakikinabangan ng SIC. Na sa pagbabalik nito sa katapusan ng buwan ay tuluyan na itong magreretiro at si Dash ang hahalili bilang direktor ng SIC.
At kahapon pag-uwi nila ni Mia ay nagpasalamat siya nang malamang hindi pa umuuwi si Dash at nasa kolehiyo para sa isang meeting sa mga guro. And she was equally thankful that Aliana was out of the house the whole day.
Ang kotse naman niya'y nakita na niyang nakaparada sa garahe.
"Maagang umalis si Dash, Marti. Pinaghahati niya ang katawan sa kolehiyo, sa asyenda at sa opisina."
"Opisina? May opisina pa rin ho ba sa basement, Nanang Dalen?"Umiling ang matandang babae. "Wala na. Pero sa may malapit sa kamalig ay may ipinatayong dalawang malaking gusali si Dash. Ang Azucarera de Honteveros. Naroon din ang opisina at maraming empleyado. Dadalawang taon pa lamang ang gilingang iyon, Marti."
Isang mapait na buntong-hininga ang pinakawalan niya. Natupad ni Dash ang pangarap nitong makapagpatayo ng isang sugar mill.
At dahil napakaabala nito, malamang na hindi sila magkikita maghapon. Lihim siyang nagpasalamat doon.
"Pagkagayak mo'y bumaba ka na at ihahanda ko ang almusal mo," wika nito at humakbang patungo sa pinto.
"G-gising na ho ba si Aliana?" tanong niya, hindi dahil interesado siya rito kundi hanggang maaari ay hindi niya gustong magkita sila.
Nilingon siya ng matanda. "Tanghali na kung lumabas ng silid niya iyon, Marti. Mag-aapat na buwan na ang tiyan ni Aliana. Sa pagkakataong ito'y hindi niya inililihim. Subalit laging mainit ang ulo at kinababagutan ang kalagayan. Kulang na lang ay hilahin ang araw ng panganganak."
Sa pagkakatitig niya sa matandang babae, hindi niya naitago ang hapdi sa mga mata niya. Isang buntong-hininga ang pinakawalan ng matandang babae.
"Kung ano man ang nangyari sa nakalipas na limang taon ay ibaon mo na sa limot, ineng. Mababait ang mag-ina subalit hindi ako kumpormie sa ginawa sa iyo ni Dash. At maraming kumakalat na usap-usapan sa asyendang ito tungkol kay Aliana na hindi ko alam kung paanong natatagalan ni Dash.