Chapter 9

4.5K 64 1
                                    

CHAPTER NINE

BUONG Sabado't Linggo ay katulong si Marti na maghanda para sa pag-alis ni Mia kinabukasan. Bagaman nalulungkot ay natutuwa na rin siya para sa kaibigan.


Lunes ng umaga nang magpaalam si Mia na luluwas sa Maynila. Nag-alok si Dash na ihatid ito sa bayan sa mismong sakayan ng bus, kasama si Marti. Both girls parted tearfully. At kung hindi lang nakamasid si Dash sa may kotse nito'y baka umiyak si Marti nang husto.


Pabalik sa asyenda'y hindi agad nagyayang umuwi si Dash, at sa halip ay ipinakita kay Marti ang buong asyenda.


"Nakita mo ang orchard na iyan?" Itinuro nito ang mga puno ng tubo na nakahilera sa paligid ng burol. "Nasa ibang bansa ako nang simulang itanim iyan. In fact, ako ang nagsuhestiyon sa Mama na magtanim ng tubo."


"Bakit?" she asked with interest. "Mangga naman at kape ang karaniwan nang pinagkukunan ng kabuhayan dito sa atin, ah." Nilingon niya ang silangang bahagi ng asyenda kung saan mula sa kinatatayuan nila'y natatanaw niya ang mango orchard ng mga Honteveros.


"Sa Nasugbo, patungo rito, may isang hindi- kalakihang sugar mill. Kung nakapagtatanim ng tubo roon, bakit hindi rito sa atin? And soon, hindi na sapat ang isang accountant na dalawang beses lang kung dumarating at isang part-time employee." Isang ngiti ang pinakawalan nito sa kanya.


Hinawi niya sa mukha ang buhok na inililipad ng hangin kasabay ng pag-iwas ng tingin. "B-bakit mo sinasabi sa akin ang mga iyan?"


May ilang sandaling tinitigan siya ni Dash bago sumagot. "I want to share you my dreams... just as you had shared yours."


Nagsalubong ang mga kilay niya. "Iyan ang ikalawang beses na sinasabi mo sa akin iyan. I've never shared my dreams to anyone... not even to Mia."


Nagkibit ng mga balikat si Dash. Niyaya siya nito patungo sa dagat. Naguguluhang sumunod siya. Naglakad-lakad sila sa baybayin hanggang sa makarating sila sa may bahaging mataas ang lupa.


"Alam mo bang sa lugar na iyon ko balak na itayo ang bahay ko at ng aking pamilya?"


Hinayon ng mga mata niya ang itaas ng burol na itinuro nito. It was an ideal place para tayuan ng bahay. It had a good view. Nakatanaw iyon sa karagatan at sa buong bulubundukin ng San Ignacio. Mapalad ang babaeng pakakasalan nito. At the thought, may kung anong humarang sa lalamunan niya na nagpasikip ng paghinga niya.


Napapitlag pa siya nang hawakan siya nito sa braso at inakay patungo sa sasakyan nito.


"Tayo nang umuwi at may meeting ang Mama sa SIC ngayong hapon. Masama ang pakiramdam niya kaninang umaga at gusto niyang ako ang dumalo."

KINABUKASAN ng Martes, unang araw ng trabaho niya. Sinamahan siya ni Nanang Dalen sa isang silid sa basement kung saan siyang pinakaopisina ng asyenda at inaasahan niyang naroon si Dash.


Bahagya siyang nakadama ng disappointment nang makitang si Donya Gertrudes ang naroroon. She smiled and greeted the old woman pleasantly.


At naroroon din ang accountant na naka-schedule talagang dumating sa araw na iyon. Si Gonzalo, a man in his early thirties. Heavily built and with a mustache. Parang iyong mga gigolo na nakikita niya sa magazine.


Nang ipakilala siya ni Donya Gertrudes at kamayan nito ay napapitlag siya. He held her hand longer than necessary. At ang ginawa nitong pagdiin ng daliri sa palad niya'y nakairita sa kanya. Agad niyang binawi ang kamay.

My Own True Love - Martha CeciliaWhere stories live. Discover now