CHAPTER ELEVEN
MABILIS na kumalat sa asyenda ang buong balita. Si Nanang Dalen ay walang pagsidlan sa katuwaan para sa kanya.
"Sana'y hindi muna makaalis si Mia, Nanang Dalen. Para naman makadalo siya sa kasal namin ni Dash at maging abay."
"Ku, malamang na hindi. Kapag naayos ang passport niyon ay tuloy-tuloy na ang alis ng kaibigan mo. Hinihintay ko ngang tumawag nang maibalita ko. Tiyak na matutuwa nang labis si Mia, Marti. Kung bakit naman kasi hindi mo pa hintaying makapagtapos ka ng kolehiyo bago kayo magpakasal ni Dash. Pagkatapos ng semestre na ito'y isa na lang."
"Si Dash ang nag-aapura, Nanang Dalen. Sinuhestiyon ko na rin iyan subalit nagmamadali siyang makasal na kami."
"Kayong mga kabataan, padalos-dalos. Hindi n'yo muna kilalaning lubos ang isa't isa. Kailan lang kayo nagkasama ng isang iyon, ah."
Isang ngiti ang isinagot niya at tinitigan ang engagement ring. Happiness made her face glow that she was so lovely. Tama si Nanang Dalen. Kailan lang sila nagkasama ni Dash. Inamin nitong minadali siya. But he said he'd waited too long to even wait for another year.
Kaya naman agad siyang sumang-ayon. Maliban sa kaunting kalituhan sa simula dahil sa bilis ng pangyayari sa kanilang dalawa'y maligayang-maligaya siya. Happiness she'd never felt before. Tinanggap siya ng mama ni Dash nang walang pasubali at sa kabila ng katayuan niya sa buhay.Ang tanging lungkot na nadama niya'y wala na ang mamang niya para makisaya sa kanya.
"BAKIT hindi ka pa pumasok sa silid at matulog, Marti?" naghihikab na sumungaw si Nanang Dalen mula sa silid.
Palakad-lakad siya sa munting kabahayan. Pinakikinggan ang malakas na hampas ng hangin sa bubong. Alas-nueve pasado na ng gabi. Kaninang umaga'y sinuspinde ang klase dahil idineklarang signal number 2. At umaga pa lang ay nagsimula nang humangin at umulan bagaman hindi malakas.
Ngayo'y naririnig niya ang hugong ng malakas na hangin. Ang pag-ingit at hampasan ng mga sanga ng puno. Kaninang hapunan ay silang dalawa lang ni Donya Gertrudes ang magkasalo sa mesa. Si Dash ay nasa kamalig umaga pa lang, kasama ang ilang tauhan ng asyenda. Inaasikaso ang anumang maaaring mapinsala ng bagyo.
"Hindi ko pa ho naririnig ang sasakyan ni Dash, Nanang," sagot niya sa matanda.
"Huwag mo nang hintaying dumating ang isang iyon at mapupuyat ka lang. Tiyak na naghahakot ang mga iyon ng sako-sakong buhangin para ipangharang sa ilog bago iyon umapaw."
"Susunod na po ako, Nanang. Sandali na lang ho. Matulog na ho kayo."
"Batang ito." Bumalik ang matandang babae sa silid.Hindi pa natatagalang pumasok si Nanang Dalen sa silid ay nakarinig siya ng ugong ng paparating na sasakyan. Halos hindi niya iyon marinig sa lakas ng ulan at hangin. Subalit ang liwanag mula sa headlights sa pagpasok nito sa garahe ay natanaw niya mula sa bintana.
Mabilis siyang lumabas ng bahay at binaybay ang bubungang-daan patungo sa kusina. Hindi maiwasang hindi mabasa ang pang-ibabang pajama niya. Binuksan niya ang pinto ng kusina at tuloy-tuloy siya sa kabahayan.
"Dash!"
Kapapasok lang nito sa pinto at nagulat pa nang makita siya. "Bakit gising ka pa?" he asked in a weary and tired voice.