01

21 4 0
                                    

Chapter One.

Biyaya.

Isang salita na marami ang naghahanap. Isang salita lamang ngunit napakalaki ng ganap sa buhay ng isang tao.

Ngunit sa mundong kinagagalawan ko, isa lamang iyong salita na umiiral lamang pero hindi nabigyan ng kahulugan. O baka para sa akin lamang.

Walang biyaya sa buong labing-walong taon na nabubuhay ako. Mula sa katunayang dapat ay hindi ako isinilang ng mga magulang ko dahil isa lamang akong pagkakamali hanggang sa lumaki akong nasa puder ng halimaw kong ama, at ang pakikipag-sapalaran sa malaking mundo na pilit pinapakipot ng masasamang tao. At maaaring sa iba't-ibang perspektibo ay isa ako sa masasamang taong iyon.

Walang diyos na sinasamba. Walang pinaniniwalaang makapangyarihang nilalang kundi ang sarili. Mayabang. Gago. Iyon ako.

Pero sino nga bang makakapag-akala na ang isang katulad ko na walang pag-asang magbago ay naging parte ng isang grupong malayo ang pamumuhay sa meron ako?

Hindi normal ang maging katulad ko. Pero kapag kasama ko sila — si Adira, Marah at Deanna — hindi ako naiiba. Hindi ko kailangang maging ibang tao para sa kanila. Sa kabila ng pagpasok ko sa isang magulong sitwasyon ay pinapakalma ako ng pagkakaibigan namin.

"Happy Birthday to you! Happy Birthday to you! Happy Birthday, Happy Birthday..." tipid ang ngiti na humarap ako sa kanila. "Happy Birthday to you!"

Matapos ng kanta ay agad na kumuha si Adira ng icing at ipinahid iyon sa ilong ko. Agad na nabuhay ang inis sa loob ko pero tumawa sila ng malakas, senyales na alam nilang hindi ako makakabawi kaya matindi ang pagpipigil ko.

Katulad ng nakagawian, nandito kami ngayon sa Sitio Kanlungan. Ang aming paboritong lugar kung saan masarap tanawin ang papalubog na araw.

Ito lamang ang lugar na alam kong payapa ako. Na hindi ko kailangang isipin kung anong naghihintay na peligro ang haharapin ko o ilang kasinungalingan pa ang kailangan kong likhain para hindi ako mabuko ng mga kaibigan ko.

Para akong naninirahan sa dalawang magkaibang mundo. Dalawang magkaibang personalidad o pagkatao. At kung papipiliin ako, syempre, mas gusto kong manatili sa ganito. Yung pagkataong binuo ng pagkakaibigang ito.

Pero sa kasamaang palad, hindi para sa akin ang biyaya. Kasi kung oo, hindi ko na kailangang pumili pa dahil kung para sa akin iyon ay una pa lang, nahanap na ako nito. Pero hindi... hindi ako pinili ng biyaya.

Grace did not find me. And I don't think it will ever.

"Happy Birthday, Istin!" Sabay-sabay nilang sigaw saka mas inilapit ni Deanna ang hawak na cake sa akin.

"Wish na, dali!" Mas excited pa si Marah kaysa akin. "Bagal naman, gutom na ako."

Kumunot ang noo ko sa kanya na tinaasan lamang niya ng kilay kaya nakaani iyon ng tawa mula kay Adira. Napailing-iling lamang ako sa kaibigan. Kahit kailan, ang arte ng kilay ng isang 'to! Sarap sunugin!

Hindi na ako humiling ng kung ano. Nasa harap ko na rin naman ang kahilingan ko.

Hinipan ko ang kandilang may numero ng 18 na siyang edad ko ngayon. Dalawang taon ang agwat ko sa kanila. Ako ang pinaka-matanda kaya't ginawa kong tungkulin na ako ang magtatanggol sa kanila.

"Sa wakas!"

Maliit lamang ang cake na binili nila at hindi iyon katulad ng magagarbong cake na nabibili sa goldilocks o sa kahit anong mamahaling cake shop. Yema cake lang iyon na nabibili sa sikat na bakery sa amin... pero para sa akin, katumbas no'n ay ang halaga ng barkong Titanic.

Hindi ako iyong tipong mahilig sa materyal na bagay. Hindi rin ako palaging naghahanap ng regalo. Pero kung galing sa kanila, palagi kong tatanggapin ang mga iyon. Kahit pa iyon ay maliit na bagay lamang para sa iba.

Devil Meets The Grace (Godsent Series 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon