Kabanata 1: Ang Kampeon ng Kukatawi
NAALOG ang mukha ng lalaki matapos humagupit dito ang uppercut punch na nagmula sa kanang kamao ni Omar Ali. Kasabay ng pag-angat ng ulo nito ang pagtalsikan ng dugo at ilang piraso ng ngipin nito sa ere.
Kahit naliligo na sa sariling dugo, hindi pa rin nagpakita ng kahinaan ang lalaki. Pinilit nitong ipalipad ang kaliwang kamao gamit ang kahuli-hulihan nitong lakas. Sa halip na ilagan, naisipan ni Omar na dakmain iyon at ikinulong sa kanyang bisig. Pagkuwa'y buong puwersa nito iyong binaluktot na nagpasigaw sa lalaki, saka niya ito binalibag sa kabilang direksyon.
Lumikha ng malakas na pagkabog ang pagbagsak nito sa sahig. Kasabay muli niyon ang pagtalsikan ng dugo sa sugatan nitong mga labi. Agad itong pinatungan ni Omar Ali at walang awang pinalamon ng kanyang mga kamao. Hindi niya ito tinigilan hangga't hindi napinturahan ng dugo ang buong mukha ng lalaki.
Tumayo siya at muling nagpakawala ng mala-demonyong ngiti. Saka niya pinakita sa mga tao kung paano niya binuhat at ipinatong ang lalaki sa magkabila niyang balikat. Nagtakip na agad ng paningin ang marami dahil alam na nila kung ano ang susunod na mangyayari.
Gagawin na naman niya ang kanyang finisher move na kung tawagin ay Rupture!
Matapos niyang ipatong sa balikat ang lalaki, buong lakas niyang binaluktot ang likod nito na lumikha ng malakas na paglagutok. Halos mapaigik ang mga tao sa buong venue. Tuwing mangyayari ang Rupture, marami ang napapapikit dahil hindi nila kayang makita ang nangyayari sa mga biktima.
At pagkatapos nga niyang balian ang kawawang lalaki, binalibag lang niya ito sa sahig na parang laruan. Saka niya ito tinapakan na parang manika at itinaas ang sariling mga kamay. Muli niyang inasar ang mga tao sa mala-demonyo niyang ngiti sabay kembot sa kanyang baywang.
Pagkatapos ng ten-second count ng commentator ay wala pa ring tugon mula sa lalaki. Doon na nito itinaas ang mikropono at isinigaw ang resulta ng laban.
"Here is your winner, The Eliminator from Sultan Kudarat, Omar Ali! And the winning move, Rupture!"
Sumigaw ng pagkalakas-lakas si Omar Ali. Boses lang niya ang maririnig sa buong venue. Palibhasa hindi siya gusto ng mga tao dahil sa kanyang cocky attitude kaya siya na lang ang sumisigaw para sa sarili niya.
"Limang tao na ang pinataob ng ating Eliminator! Sino pa kaya ang susunod?" dagdag pa ng announcer na lalong nagpalobo sa ulo niya.
Siya ang fighter mula sa Sultan Kudarat na dumadayo sa iba't ibang panig ng bansa para bahiran ng dugo ang lahat ng underground fighting tournament na pinapasok niya.
Pagkatapos magpatumba ng mahigit sandaang katao sa Luzon, Visayas at Mindanao, dito naman niya naisipang dumayo sa Magnum Fight Club na isa sa pinakadelikadong annihilation tournament sa bansa. Dito naghaharap ang pinakamatatapang na underground fighters at martial artist para ipakita kung sino sa kanila ang pinakamalakas.
Sa tournament na ito, isang patakaran lang ang sinusunod: Maaari lang matalo ang isang kalaban sa pamamagitan ng knockout, submission, at kamatayan. Hangga't hindi nakakamit ang kahit isa sa mga ito, magpapatuloy pa rin ang laban o di kaya'y magiging no contest ang resulta.
Nagsalubong ng kilay ang isa sa mga audience habang pinagmamasdan ang hindi mapantayang sigla ni Omar Ali sa loob ng cage. "Ang yabang talaga ng lalaking 'yan! Akala mo kung sino!"
Sumagot naman ang katabi nito. "Pero ang lakas din naman talaga niya, huh? Bakal yata ang katawan ng kumag na 'to, eh!"
"Hintayin lang niyang lumabas si Makisig. Doon magkakaalaman talaga!"
BINABASA MO ANG
Makisig: Muay Thai Warrior
ActionIsang matipunong katutubo ang mawawalan ng tahanan dahil sa mga teroristang sumakop sa kanilang lugar. Akala ng marami, pangkaraniwang terrorist attack lang ang nangyari. Ngunit may matutuklasan ang lalaking katutubo na magtutulak sa kanya para duma...