Kabanata 4: Nagbabagang Plano

101 6 0
                                    

Kabanata 4: Nagbabagang Plano

TAHIMIK na naglalakad si Ampo Sinag patungo ng gubat nang bigla niyang marinig ang mahinhing boses ni Makisig na tumawag sa pangalan niya.

"Ampo Sinag!" Nakangiti ang lalaki sa kanya habang nakasabit muli sa isang sanga at kumakain ng mangga.

Nagulat siya rito. Pinilit niyang ngumiti para itago ang kanyang kaba. "Oh, Lakoy. Narito ka pala. Magandang araw!"

"Ampo, saan po kayo pupunta?" tanong ni Makisig habang ngumunguya ng mangga.

"Ah, m-may pupuntahan lang ako."

"Saan naman po? E, sa gubat na 'yang destinasyon n'yo, eh."

"Ah, oo. M-may dadaanan lang ako roon."

"Ano naman po iyon? Gusto n'yo bang samahan ko kayo?"

"Huwag na, Lakoy. Kaya ko na ito."

"Pero Ampo, ano naman po ang gagawin n'yo sa gubat? Baka madulas pa po kayo roon. Kailangan n'yo ng kasama."

"Kaya ko nang mag-isa, Lakoy. Huwag kang mag-alala. Sige na. Maiwan na kita d'yan."

"Sigurado po kayo, ah? Ayaw n'yong samahan ko kayo?"

Ngumiti pa muli siya sa lalaki para hindi ito maghinala. "Oo, kaya ko na ito. Mag-iingat ako, Lakoy, huwag kang mag-alala!"

Buti na lang ay nakumbinsi niya ang lalaki. Mag-isa nga niyang tinungo ang gubat at pinagmasdan ang paligid. Alam niyang may mga bombang nakatanim na rito at naghihintay na lamang ng tamang araw para pasabugin.

Hindi niya napigilan ang pagbigay ng mga tuhod. Kasunod niyon ang unti-unting pangingilid ng kanyang mga luha na ilang araw din niyang pinigilan. Dahan-dahan niyang sinulyapan ang langit magkasabay na nagkuyom ang dalawa niyang kamao.

"Tulungan n'yo ako, Mahal na Bathala. Bigyan n'yo po ako ng lakas ng loob para masabi kay Makisig kung ano talaga ang dahilan kaya ipinasa ko sa kanya ang tungkulin ko. Alam n'yo naman po siguro ang pinagdadaanan ko. Matanda na ako, Bathala. Kung anuman ang mangyari sa grupo, hindi ko na sila kayang ipagtanggol. Kaya umaasa ako na ang pinakamalakas sa amin ngayon ang maaaring prumotekta sa panibagong panganib na kahaharapin ng aming tribo. Gabayan n'yo po sana si Makisig! Bigyan n'yo po siya ng lakas para harapin ang lahat ng mga panganib na darating..."

Hindi na niya napigilan ang mas matinding pagragasa ng mga luha. Heto na nga ba ang kinatatakutan niya. Mukhang mauulit na naman ang nangyari noon sa tribo nila kung saan nalagasan sila ng libu-libong mga katutubo dahil sa isang mananakop. Ang mas masaklap pa, wala sa kanila ang may kaalaman sa pakikipaglaban noon.

Wala naman kasi sa dugo nila ang humawak ng armas o magpalipad ng kamao. Sa lahat ng mga tribo sa bansa, sila lang ang pinakamahina at pinakatahimik.

Ngayon lang nagkaroon ng isang tao sa kanilang tribo na nakahiligan ang mundo ng pakikipaglaban. Kaya nga ganoon na lang ka-ispesyal ang tingin nila kay Makisig. Pakiramdam niya, ito na ang hulog ng paraiso sa kanila, ang isang bagay na matagal na niyang ipinagdarasal sa kanilang bathala, na sana'y magkaroon sila ng palabang katutubo na ipagtatanggol ang kanilang tribo sa pagdating ng itinakdang panahon.

Kaya kahit hindi pa ito ang tamang panahon ay ipinasa na niya agad kay Makisig ang tungkulin niya bago pa maganap ang lahat ng kanyang kinatatakutan.

Sa batas kasi nila, awtomatiko lamang na maipapasa sa pinakamatandang miyembro ang tungkulin kapag pumanaw na ang kasalukuyang humahawak nito. Sa kauna-unahang pagkakataon, ngayon lang sila nagkaroon ng ganoong seremonyas para ipasa sa ibang tao ang kanyang katungkulin kahit buhay pa siya.

Makisig: Muay Thai WarriorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon