Kabanata 20: Ang Bagong Kapanalig

73 9 0
                                    

Kabanata 20: Ang Bagong Kapanalig

AGAD binati ng mga staff si Kael pagkapasok niya sa Randolf Gym. Sa unang palapag, isang pangkaraniwang fitness gym ang sumalubong sa kanya. Pag-akyat niya sa ikalawang palapag, doon niya nakita ang tila mini-theater kung saan nagsasanay ang mga miyembro sa isang acting workshop. Pagkarating naman niya sa ikatlong palapag kung saan ang usapan nila ng mysterious caller, bumungad sa kanya ang malaking MMA gym.

Habang naghihintay sa pagdating ng kausap, naghubad na muna siya ng t-shirt at nagpalit ng pang-workout attire niya. Isang fitted na training pants at manipis na sandong itim. Kumuha na rin siya ng gloves sa paligid at nagsimulang sumuntok sa punching bag.

Inilabas niya roon ang ilan sa mabibilis niyang combo sa boxing. Sobrang pulido ng kanyang mga galaw. Naagaw niya ang atensyon ng marami. Napatingin tuloy ang ilan sa mga nag-eensayo roon. Ang iba, namangha sa bilis at pulido ng mga kamao niya. Ang iba naman, tila nakaramdam ng pagkatalo kahit wala namang labang nagaganap.

Sa paglipas ng mga oras, nabawasan na ang mga matang nakamasid kay Kael. Nag-focus na ang karamihan sa sarili nilang training. Sa mga oras ding iyon, nagpu-pushup naman siya sa sahig at nagsasagawa ng iba pang mga fighting exercises.

Hindi niya namamalayan ang isang malaking bulas na lumalapit sa kanya. Napansin lang niya ang presensya nito nang bumalot ang anino nito sa sahig na pinag-pupush-up-an niya.

Nilingon niya ang panauhin. Isang lalaking sa tantiya niya'y nasa mid-50s ang nakatingin nang malalim sa kanya. May kaunti itong balbas at hanggang leeg ang mamuti-muting buhok. Bagama't bakas na sa anyo nito ang edad, batu-bato pa rin ang pangangatawan nito at halatang batak din sa pakikipaglaban.

"Ikaw si Makisig, tama? Nice to meet you, hijo!"

Napahinto si Kael. Sinubukan niyang pakinggan nang mabuti ang boses nito. Pero hindi iyon ang boses na naririnig niya sa telepono.

Napangiti naman ang matanda. "Hindi mo talaga ako makikilala dahil hindi naman ako ang kausap mo sa cellphone. Pero ako ang nagbibigay ng instructions sa kung ano ang sasabihin sa iyo."

Matagal itong pinagmasdan ni Kael. "P-parang pamilyar ka sa akin. Pero hindi ko na matandaan kung saan kita nakita."

Napangiti muli ang matanda. "I'm sure, nakita mo na ako somewhere sa MFC. Doon sa huling laban mo kay Maskara. Am I right? Isa ako sa mga nakapanood sa iyo. I am Andres Po Jr., by the way. And I'm happy to finally meet you."

Sa bahaging iyon ay napabalik-tanaw si Andres sa isang bahagi ng nakaraan na matagal na niyang itinatago sa lahat, lalo na kina Agustus at Dominick.

Gulat na gulat ang duktor nang makita ang kalagayan ni Makisig. Ngunit mas nagulat ito sa isang panauhin na pumasok. Napamulagat si Doctor James nang masilayan si Andres Po Jr.

"Excuse me, Sir? Kakilala po ba kayo ni Makisig?"

Sumagot siya rito. "Hindi. Pero gusto ko lang sabihin na nanganganib ang buhay ng lalaking iyan ngayon. Hindi magtatagal, may mga pupuntang tauhan sa 'yo rito para utusan kang patayin ang lalaking iyan."

"Huh? A-ano po'ng ibig n'yong sabihin?" nagtatakang tanong ni Doctor James.

"Kung anuman ang ipagagawa nila sa 'yo, huwag mong susundin. Sabihin mo, hindi muna pinagagalaw ang katawan ni Makisig. Maliwanag?"

"E, p-paano po kung hindi sila maniwala sa akin?"

"Sabihin mo, ako ang nag-utos nito. I am Andres Po Jr. Iyan ang pangalang sabihin mo sa kanila."

Makisig: Muay Thai WarriorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon