Kabanata 13: Bagong Buhay ni Makisig sa Maynila

66 10 2
                                    

Kabanata 13: Bagong Buhay ni Makisig sa Maynila

PAGKALABAS ni Makisig sa Mall, agad niyang tinawagan si Mayor Lena gamit ang cellphone na binili nito para sa kanya. Katatapos lang ng appointment niya sa loob para sa pagkuha ng passport.

"Oh, Kael, tapos ka na ba?" tanong agad nito pagkasagot sa tawag.

"Opo, Mayor. Kalalabas ko lang po ngayon sa Mall."

"O, sige. Kung wala ka nang mga lakad, magpahinga ka na sa apartment mo. Bukas, dadalawin ka raw ulit ni Ma'am Trisha mo d'yan. Para mapag-usapan n'yo 'yung iba pang mga proseso."

"Sige po, Mayor. Salamat nga pala ulit dito sa cellphone na binili n'yo para sa akin. Hayaan n'yo po, kapag nagkapera na ako sa Canada, babayaran ko rin po ito."

"Ano ka ba, Kael. No need for that! Bigay ko 'yan sa 'yo. Saka alam mo na bang gamitin 'yan?"

"Opo. Ilang linggo ko na ring pinagpa-practice-an ito. Sige po, Mayor, aalis na po ako."

"Okay, Kael. Ingat! Pasensiya ka na, ah? Hindi pa kita madalaw d'yan ngayon. Sobrang dami lang talagang trabaho rito sa opisina, lalo't inaasikaso pa rin namin ang imbestigasyon sa terrorist attack. I will give you an update from time to time. Basta huwag mo lang ilalayo itong cellphone mo sa 'yo, ah?"

"Opo, Mayor. Masusunod po. Sige po, ingat din po kayo d'yan!" Doon na nagtapos ang usapan nila.

Paalis na sana si Makisig nang may mahagip ang mga mata niya sa di kalayuan. Mula sa isang sasakyan, nakita niya ang pagbaba ng isang lalaki. Nagulat siya nang makilala kung sino iyon.

"D-Damulag?"

Hindi siya makapaniwala sa nakita. Agad siyang naghanap ng mapagtataguan at tahimik na pinagmasdan ang lalaki.

Nakita niya kung paano ito pumasok sa loob ng mall habang tila may kausap sa cellphone. Hindi niya pinalagpas ang pagkakataon. Palihim niya itong sinundan hanggang sa makarating sila sa isang kainan sa second floor.

Dalawang lalaki ang nakita niyang nilapitan nito. Sinaluhan pa nito ang mga iyon sa lamesa. Hindi niya kilala ang isa na sa tingin niya ay kasing edad lang niya. Pero ang isa, kilalang-kilala niya ito. Walang iba kundi ang dating Mayor ng Magnum City na si Agustus Valentino, ang sinasabing wanted sa Pilipinas na ngayon ay nakabalik na.

Napaisip siya. Ano kaya ang ginagawa ni Damulag dito? Sa pagkakaalam niya, bihag din ito ng mga teroristang dumukot sa mga katribo niya. Pero bakit nandito ito ngayon? Malayang-malaya. May kotse pa nga. Higit sa lahat, bakit nito kasama ang dating Mayor ng Magnum City?

Sa labis na kuryosidad ay dinukot niya ang cellphone at kinuhanan ng litrato ang tatlo. Pagkatapos makakuha ng tatlong pirasong litrato, kumuha na rin siya ng video para makasiguradong totoo ang nakikita niya.

At nang makuha na niya ang gusto niya, doon pa lang siya lumisan sa naturang lugar. Pagkauwi ay pinadala agad niya kay Mayor Lena ang mga litrato at video na nakuha niya. Ilang saglit lang ay bigla itong tumawag.

"Hello, Kael? Ano itong pinadala mo?"

"Mayor, 'di ba si Agustus po 'yang nasa picture?"

"Oo, siya nga ito. Kasama niya pa 'yung anak niyang champion din sa ibang bansa."

"Ah ganoon po ba?"

"Oo, bakit, hijo? Ano'ng mayroon dito?"

"Ah, eh, 'yun po kasing isa pang lalaki na kasama nila d'yan, 'yung malaki ang katawan, Damulag po ang pangalan n'yan. Iyan po ang huling nakalaban ko bago ko nakaharap 'yung pinuno ng mga terorista. Nagtataka lang po ako kung bakit nand'yan siya, eh. Sa pagkakaalam ko kasi, bihag 'yan ng mga terorista ngayon."

Makisig: Muay Thai WarriorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon