Kababata 25: Ang Panibagong Hari ng SFC
NAPATAKIP ng tainga ang tatlo sa biglang pagsigaw ni Stephany. Napalingon tuloy ang ibang estudyante sa kanila.
"Ano ka ba! Huwag ka ngang O.A! Baka masita pa tayo ng guard dito! May mga nag-aaral sa paligid, oh!" sita ni Medwin dito sabay tapik sa braso ng babae.
"Sorry naman! H-hindi lang kasi ako makapaniwala, eh! Seriously? Totoo ba 'yang sinabi n'yo? Natalo ni Kael si Carlo Harres ng USI? Oh my! Kael! The best ka talaga!" anito at biglang yumakap sa kanya.
Natawa siya. Ginantihan lang niya ng yakap ang babae at agad ding kumalas. "Salamat, Steph! Bukas pala, may title defense ako. Baka gusto mo ring sumama."
Muling sumigaw ang babae pero sa mahinang paraan na. "Oh my! Of course, my baby! Hindi ko palalampasin 'yan! This will be my first time to see you in action! I will cancel all my appointment for this!"
Nagtaas naman ng kabilang kilay si Jordz. "Appointment, appointment? Feeling CEO ang peg!"
May mga dumaang estudyante sa puwesto nila at bumati muli sa kanya. Sa totoo lang, kanina pa naiilang si Kael sa mga taong bigla na lang lumalapit sa kanya para bumati. Hindi niya akalaing ganoon pala ka-big deal sa mga ito ang pagkapanalo niya sa SFC.
Hindi na rin siya dapat nagtataka rito dahil ang SFC ay isa ring uri ng annihilation tournament, gaya ng MFC sa Magnum City. Ang pinagkaiba lang, puro mga estudyante ang naglalaban-laban dito.
Sa mga ganitong uri ng torneo, uso ang mga personalang laban kung saan puwedeng malagay sa alanganin ang buhay. Literal na buhay nila ang nakataya oras na tumapak sila sa loob ng ring. Dahil anumang araw o sandali, maaaring may masawi depende sa tindi ng labang magaganap.
PUMUTOK sa headline ang balita tungkol sa medical records ni President Benjamin. Nakasaad dito na dati siyang gumagamit ng droga ngunit pilit lang itong itinago ng pamilya niya. Maging si Benjamin mismo ay nagulat at nagtataka kung paano ito lumabas gayong naitago na nila ito nang mabuti sa loob ng ilang dekada.
Dahil dito, muli na namang pinagpiyestahan ang pangalan niya. Marami ang dismayado sa kanya. May mga rally pang nabuo sa EDSA kung saan pinapa-resign na siya sa kanyang posisyon.
Isang lalaki ang pinakitang nagsasalita sa harap ng rally. "Papayag ba kayo na magkaroon tayo ng adik na presidente! Bawal 'yan! Isang impeachable offense 'yan! Kaya nananawagan kami sa lahat ng ating kababayan! Gamitin natin ang ating kapangyarihan at karapatan! Patalsikin sa puwesto si Benjamin at ipalit sa kanya ang ating VP Daniella Corpuz! Hindi dapat tayo pumayag na pamunuan tayo ng isang drug user na presidente!"
Labis ang panlulumo ni Benjamin sa kanyang napanood. Hindi dahil sa sinabi nito sa kanya. Kundi dahil alam niya na ang lalaking iyon ay isa rin sa mga tagahanga ni Agustus Valentino. Kilala niya ito dahil ito ang sikat na vlogger na laging nagtatanggol kay Agustus tuwing may mga issues ito.
Kung dati, suportado rin ito sa kanya. Pero ngayon, tila nagpakilala na rin ito ng tunay na kulay.
Hindi niya alam kung makakalabas pa ba siya ng kanyang opisina sa mga oras na iyon. Sa labis na takot ay umurong na ang dila niya. Wala na siyang magawa kundi ang sumiksik sa kanyang upuan. Mukhang nag-umpisa na ngang magsabwatan sina Agustus at VP Daniella para pabagsakin siya.
Mga bandang hapon na iyon nang magdesisyon si Pangulong Benjamin na lumabas ng opisina. At sa harap mismo ng Malacanang, hinarap niya ang mga nagkakagulong reporter. Mayamaya lang, siya na ang mapapanood sa balita.
"Labis po akong humihingi ng tawad sa nangyari. Nandito po ako para sagutin ang lahat ng ibinabato sa akin ngayon. Hindi na po ako magpapaliguy-ligoy pa. Lahat po ng inyong napanood ay totoo. Dati po akong nakagamit ng ipinagbabawal na gamot. Inaamin ko po iyon. Pero may isang bagay na hindi sinabi ang mga balita sa inyo. Matagal na panahon na pong nangyari ito. Wala pa ako sa mundo ng politika noon. Isa pa lamang akong normal na mamamayan kagaya n'yo. At ang pagkakagamit ko noon ng bawal na gamot ay isa sa mga labis kong pinagsisisihan sa buong buhay ko. Alam kong mali ang nagawa ko. Kaya nga noong ipasok ako ng aking pamilya sa rehab, talagang sinikap kong mabago ang sarili ko. Mula nang makalabas ako, pinangako ko sa sarili ko na aayusin ko ang buhay ko at hindi na uulit kailanman sa mga pagkakamaling nagawa ko. Kaya sa lahat ng aking mga kababayan, lubos akong humihingi ng kapatawaran sa aking nagawa. Sana'y hindi ito maging daan para masira ang inyong tiwala sa akin, dahil ang isang nakaraan ay hindi na dapat binabalikan pa. Nandito ako para magsilbi sa inyong lahat, at wala akong ibang hangad kundi ang maganda at ligtas na buhay para sa lahat."
BINABASA MO ANG
Makisig: Muay Thai Warrior
ActionIsang matipunong katutubo ang mawawalan ng tahanan dahil sa mga teroristang sumakop sa kanilang lugar. Akala ng marami, pangkaraniwang terrorist attack lang ang nangyari. Ngunit may matutuklasan ang lalaking katutubo na magtutulak sa kanya para duma...