Kabanata 29: The Revenge Tour
NANLAKI ang mga mata nina Agustus at Nasser sa nakita. Nagsimula na ring kabahan ang ilan sa mga tauhang kasama nila. Agad nang kumilos ang mga ito para pigilan ang kung anumang mangyayari.
Ngunit bago pa sila makapasok sa backstage, may mga hindi kilalang tauhan na ang pumigil sa kanila. Lahat ng mga tauhan ni Agustus sa paligid ay unti-unting nawala at naglaho, hanggang sa silang dalawa na lang ni Nasser ang natira sa gitna ng mga tao.
Sa mga sandaling iyon, kahit naisin man nilang umalis ay hindi nila magawa dahil hindi rin nila puwedeng iwanan ang mga tao lalo't pati sila ay hindi rin alam kung ano ang susunod na mangyayari. Wala silang nagawa kundi ang manatili na lang sa kinatatayuan at manalangin na sana'y walang mangyaring hindi nila magustuhan.
Nagsimulang maghiyawan ang mga tao nang biglang umulan ng mga patay na dahon sa paligid. Masaya ang mga ito. Akala nila, parte pa rin iyon ng programa. Pero sina Agustus at Nasser, nanginginig na ang mga paa. Hindi na alam kung paano pa pipigilan ang mga nagbabadyang mangyari.
Pagkatapos umulan ng mga dahon, sunod namang umarangkada sa mga monitor ang litrato ng Baryo Kukatawi noong hindi pa ito nasasakop ng mga terorista. Lalong kinabahan si Agustus. Naisip niyang baka may kinalaman ito sa nangyaring pagpatay kay Kapitan Berdugo. Parang gusto niyang magalit sa mga oras na iyon pero hindi lang siya makagalaw dahil sa dami ng tao.
Mayamaya pa, may mga grupong umakyat sa entablado. Nagulat pa siya lalo, dahil nakasuot ng damit pang-Katawi ang mga ito. At ang isa pang nagpasikip sa dibdib niya ay ang mga dugong bumabalot sa katawan ng mga ito. Para silang tinorture sa impiyerno.
Dito na dumagundong ang kanyang dibdib. Mukhang may hindi na talaga magandang nangyayari.
Isa sa mga grupo ang nagsalita. "Nakalimutan n'yo na ba kami?" sabi nito sa matamlay na tinig na parang nagmula sa hukay.
"Hayaan n'yong ipaalala namin sa inyo ang nangyari sa amin," sabi naman ng isa sa matamlay ring tinig.
Hindi nagtagal, isa-isang bumaba ang mga grupo sa magkabilang panig ng hagdan. Kasabay niyon ang paglitaw ng panibagong video sa malalaking monitor. Ini-play roon ang lahat ng mga balitang ipinalabas sa TV tungkol sa Katawi Massacre, kung paano nasunog ang kanilang baryo, at kung paano tinorture ang mga katutubo habang nakagapos sa mga puno.
Isinama rin sa balita ang background ng Black Eagle na itinuturong may sala sa pagkasawi ng daan-daang mga katutubo.
Pagkatapos ng video na iyon, muling dumilim ang paligid. Kasunod niyon ang paglitaw ng maliit na ilaw na nag-focus sa panibagong panauhing papaakyat sa entablado.
Mayamaya pa, tumayo ito nang tuwid at itinaas ang mikropono. Doon tumama ang ilaw sa mukha nito. Laking gulat nina Agustus at Nasser nang masilayan si Andres Po Jr. doon!
Lalo pang dumagundong ang dibdib ni Agustus. "W-what is this... W-what are you doing, Andres!" asik nito sa sarili habang nanginginig ang katawan sa magkahalong takot at galit.
"Magandang gabi mga kapatid. Narito ako para sabihin sa inyo na noong bago pa itayo ang establisyimentong ito, ang unang nakatira sa buong kalupaang ito ay ang mga mahal nating Tribo Katawi. Simula sa araw na ito, magwawakas na ang kanilang mga hinaing at pagdurusa sa kabilang buhay. Dahil makakamit na nila ang hustisya na ipinagkait nila," wika ni Coach Andres sa mikropono.
Labis na nangunot ang noo ni Agustus sa mga narinig. "A-ano ba ang pinagsasasabi mong hayop ka! Anong katrayduran itong ginagawa mo, Andres!" nanginginig na rin sa galit ang tinig na bulong niya sa sarili.
"Kung inaakala n'yong ang Black Eagle ang tunay na pumatay sa mga Katawi, nagkakamali kayo. Hindi sila ang mastermind. Dahil ang tunay na mastermind sa Katawi Massacre ay nandito lang din sa venue na ito, kasama nating lahat!" sa bahaging iyon ay tumaas na ang boses ni Andres.
BINABASA MO ANG
Makisig: Muay Thai Warrior
ActionIsang matipunong katutubo ang mawawalan ng tahanan dahil sa mga teroristang sumakop sa kanilang lugar. Akala ng marami, pangkaraniwang terrorist attack lang ang nangyari. Ngunit may matutuklasan ang lalaking katutubo na magtutulak sa kanya para duma...