Kabanata 21: Ang Itinatagong Motibo

77 11 0
                                    

Kabanata 21: Ang Itinatagong Motibo

KASALUKUYANG nagbibihis ng Gi uniform si Andres nang masilayan nito ang pagdating ni Kael. Natuwa ang matanda dahil suot na agad niya ang kanyang uniporme.

"Ang aga ng dating mo, Makisig. At naka-uniporme ka na agad. Mukhang desidido ka talagang matuto ng panibagong kaalaman. Iyan ang gusto ko sa estudyante ko!"

"Basta't pagdating sa martial arts, buo po ang oras at panahon ko d'yan."

"Wala ka bang pasok ngayon?"

"Mamayang alas-sais pa po ang klase ko. Kaya puwede tayong magpaabot hanggang hapon dito, Master."

"Good! Tamang-tama dahil kararating lang ng isa ko pang magiting na estudyante. At sabik na akong maturuan kayong dalawa."

Biglang may lumabas sa dressing room.

Masaya itong nilingon ni Andres. "O, heto na pala siya!"

Laking gulat ni Kael nang masilayan si Damulag! Naka-uniporme pa ito at may itim na panyo sa ulo. "Ang tagal din nating hindi nagkita, Makisig! Maligayang pagbabalik!" matalim ang tinig na bati ng lalaki sa kanya.

Hindi siya makapaniwala. "Bakit ka nandito? Ano'ng ginagawa mo rito?"

Humalakhak lang ang lalaki. "Ako dapat ang nagtatanong sa 'yo n'yan. Ano ang ginagawa mo rito sa balwarte namin?"

"Balwarte?" Saka siya lumingon kay Master Andres.

"Huwag kang mag-alala, Makisig. Hindi siya kalaban," kalmado namang sagot ng matanda.

Nagbalik siya kay Damulag. "P-pero akala ko ba hawak ka ng mga terorista? Bakit nandito ka ngayon?"

"Anong terorista? 'Yun bang sumugod sa lugar n'yo? Ah, wala 'yun! Palabas ko lang 'yun! Palabas lang namin ni Maskara sa 'yo 'yun. Siguro naman kilala mo na kung sino talaga siya, 'di ba?" nang-iinis na wika ng lalaki.

Agad nakipagbungguan ng dibdib si Kael dito. "Hayop ka! Ano'ng ibig sabihin nito? Pinagkakaisahan n'yo ba ako?"

"Relax ka lang d'yan! Kung talagang kalaban mo pa ako, matagal na sana kitang inilaglag kina boss! Hindi mo ba alam, ako lang din ang kausap mo? Ako ang mysterious caller mo, Makisig! Kung hindi dahil sa akin, ni hindi kayo magkakaroon ng ideya noon kung saang lupalop dinala ang mga katribo mo!"

Lalo siyang nagulat sa narinig. "Ano?"

"Tama siya, hijo. Siya ang inutusan kong tumawag sa 'yo para magbigay ng impormasyon na nakakalap namin kina Agustus," paliwanag naman ng matanda.

Saglit na natahimik si Kael. "P-pero ano 'yung koneksyon niya sa mga terorista?"

"Inutusan lang siya ni Agustus para magpanggap na bihag. Para paniwalain kayo sa kung anuman ang gusto niyang paniwalaan mo. Pero mula nang malayo ang loob ko sa kanila, kinumbinsi ko na rin si Damulag na pumanig sa akin. Oo, nakikipag-usap pa rin siya kina Agustus. Dahil kailangan. Siya ang nagsisilbi kong mata ngayon sa kampo ng mga Valentino. Siya ang dahilan kaya nakapagbibigay ako ng mga impormasyon sa 'yo. Maniwala ka, Makisig. Hindi mo na siya kalaban."

Parang sasabog ang utak ni Kael sa dami ng natuklasan. Muli niyang nilingon si Damulag na patuloy pa ring nakangisi sa kanya.

"Tama siya, Makisig! Kaya dapat nga magpasalamat ka dahil nagbagong-loob na itong si Master ko. Dahil kung hindi, baka matagal na kitang binalian ng leeg! At uunahan ko pa si Dominick sa pagpatay sa 'yo!"

Muling tumalim ang titig niya rito. "Akala mo natatakot ako sa 'yo? Kapag naglaban tayo ulit, hindi na sa ospital ang uwi mo, kundi sa sementeryo na!"

"Tama na 'yan!" awat sa kanila ni Andres. "Mabuti pang simulan na natin ang training. Marami pa akong ituturo sa inyo kaya puwede ba? Mamaya na lang natin pag-usapan ang lahat!"

Makisig: Muay Thai WarriorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon