Kabanata 26: Katotohanan sa Pagpaslang kay Senator Yap
HINDI na kinakaya ni President Benjie ang mga paninirang ginagawa sa kanya ng kampo nina Agustus. Pati ang bise presidente niyang si Daniella Corpuz ay nakikisawsaw na rin sa kabilang panig.
Labis siyang nanghihinayang sa mga pinagsamahan nila bilang magkaibigan. Alam niya na kung wala pa siyang aksyon na gagawin, hindi lang siya ang maaapektuhan, pati na rin ang buong bansa.
Kaya naman muli niyang dinampot sa katabing lamesa ang isang video tape na nakalkal niya kanina sa kanyang mga gamit. Dito naka-record ang footage ng katotohanan tungkol sa pagkamatay ng dating senador na si Michael Yap, na isa sa mga nangungunang kritiko at kaalitan noon ni Agustus noong isa pa ito sa mga nakaupo sa Senado.
Ayaw na sana niyang makita o mahawakan iyon, pero natagpuan na lang niya ang sarili na isinalang ito sa luma niyang player at pinanood sa kanyang TV screen.
Makikita sa footage na iyon ang pagdating ng sasakyan nila ni Agustus sa resthouse ng naturang senador sa Laguna. Siya ang nagmamaneho roon. Sabay pa silang bumaba ni Agustus at nag-door bell sa pinto ng senador.
Pagkalabas ni Senator Yap, agad itong bumati sa kanya maliban lang kay Agustus. Pagkatapos ng kaunti nilang usapan ni Senator Yap ay umalis na rin siya para bigyan ng privacy ang dalawa. Bumalik na siya sa kotse.
Ang naiwan na lamang doon ay ang dalawa. Halatang malalim ang pinag-uusapan ng mga ito. May mga pagkakataon na tumataas pa ang boses ni Senator Yap sa camera kahit hindi naririnig ang boses nila roon.
Mayamaya ay makikitang dumukot ng baril si Agustus. Nagtangka pang manlaban si Senator Yap pero hindi nagtagal, binaril din ito ni Agustus sa dibdib nang dalawang beses. Agad bumulagta ang lalaki sa harap ng pinto nito.
Makikita naman siyang lumabas muli ng sasakyan at nilapitan si Agustus. Kinompronta niya ito kung bakit nito nagawa iyon. Hindi nagtagal, wala na siyang nagawa kundi tulungan ang lalaki na linisin ang krimen nito.
Siya mismo ang naglagay ng bangkay ni Senator Yap sa sako at gumamit pa siya ng gloves doon. Pagkatapos ay makikita ang pagguyod niya sa sako hanggang sa maipasok niya ito sa compartment ng sasakyan.
Doon nagtatapos ang video. Siya lang ang may hawak ng video na ito. Maging si Agustus ay hindi ito alam. Ang alam lang nito, nagtulungan silang dalawa para makuha ang kopya ng CCTV at pinapatay rin nito ang mga taong involve sa video tape na iyon.
Pero ang hindi alam ni Agustus, lihim siyang nagpagawa ng kopya dahil sa mga panahong iyon, wala na sa tamang katinuan ang kaibigan at natatakot siyang ilaglag din siya nito.
Dahil sa ginagawa nito ngayon sa kanya, parang nangangati na ang kamay niyang ilabas ito sa publiko. Pero hindi niya magawa dahil nakita rin siya sa mismong footage at siya pa ang naglagay ng bangkay sa sako.
Kahit wala siyang kinalaman sa pagpatay, iisipin pa rin ng taumbayan na kasabwat siya ni Agustus dahil sa ginawa niyang iyon. Kaya kahit anong mangyari, hindi talaga niya ito puwedeng ilabas. Lalo't siya pa ang nakaupo ngayon sa pinakamataas na puwesto.
Napayuko na lang si President Benjie sa isang tabi. Parang gusto na niyang maiyak sa sitwasyon niya ngayon. Hindi niya basta-basta puwedeng ilaglag si Agustus, dahil siguradong kasama rin siyang malalaglag.
Kahit anong pagsisisi pa ang gawin niya ngayon, siguradong pagbabayaran pa rin niya ang nagawa oras na mailabas sa publiko ang ebidensyang ito. Hindi siya makakaligtas sa batas.
PAUWI na si Kael nang hapong iyon nang bigla siyang harangin ng mga estudyante sa paligid. Base sa suot nilang mga uniporme, galing ang mga ito sa iba't ibang unibersidad.
BINABASA MO ANG
Makisig: Muay Thai Warrior
ActionIsang matipunong katutubo ang mawawalan ng tahanan dahil sa mga teroristang sumakop sa kanilang lugar. Akala ng marami, pangkaraniwang terrorist attack lang ang nangyari. Ngunit may matutuklasan ang lalaking katutubo na magtutulak sa kanya para duma...