Kabanata 6: Balian ng Buto Hanggang Dulo
PUNONG-PUNO muli ng tao ang loob ng Magnum Fight Club. Lahat ay nakahanda na sa pinaka-inaabangan nilang laban sa gabing iyon.
"Huwag na huwag kayong gagalaw sa inyong kinauupuan! Dahil hindi basta-basta ang challenger na nandito ngayong gabi! Ihanda ang inyong mga sarili sa pinakamalaking bulas na nilalang sa balat ng lupa! Ang nag-iisa at bukod-tanging si... Damulag!"
Kaunti tao lamang ang nagsigawan. Nasa gitna naman ng audience sina Nasser at Dominick kasama ang coach nitong si Andres Po Jr. Tahimik lang sila pero lihim silang nakangiti sa pasabog na entrance ni Damulag na tanging sila lang ang nakakaalam.
Mahigit sampung segundo na ang lumipas, hindi pa rin lumalabas si Damulag. Nagtaka na ang announcer. "Inuulit ko. Ang nag-iisa at bukod-tanging si... Damulag!"
Wala pa ring Damulag na lumabas. Kanina pa niya ito inaabangan sa corner nito pero hindi pa rin ito lumalabas doon. Parang nangangati na tuloy ang mga paa niya na puntahan ang lalaki sa backstage at baka kung ano na naman ang kalokohang ginagawa nito.
Ngunit bago pa siya makagalaw, bigla na lang may bumuga ng hininga sa batok niya. Nanlaki sa gulat ang kanyang mga mata. Hanggang sa mapasigaw na lang ang mga tao nang biglang umangat ang katawan niya at binalibag siya sa malayo ng isang kamay na nagtatago sa dilim.
Doon lumabas ang lalaking halos sing laki ng isang sumo-wrestler. Isang manipis na sando ang suot nito na halos mapunit na sa laki ng mga bisig. May nakapatong na panyo sa ulo nito at natatakpan ng white out contact lens ang kanang mata.
Lalong napadikit ang mga tao sa kanilang kinauupuan nang magpakawala ito ng isang nakaririnding ngisi. Kung takot na takot ang mga tao, tuwang-tuwa naman sina Nasser at Dominick sa ginawang iyon ni Damulag.
"Kung kay Damulag pa lang, halos bangungutin na sila, paano pa kaya kapag ako na ang nakita nilang lumaban?" natatawang komento ni Dominick.
Mangiyak-ngiyak namang tumayo ang announcer at hinagilap sa sahig ang mikropono nito. Pati ito ay kinabahan para sa sarili nitong buhay.
Bago pa man makapagsalita muli ang announcer, dali-dali nang pumasok sa octagon si Makisig. Hindi na niya narinig ang sigawan ng mga tao sa biglang entrance niya. Agad niyang kinompronta si Damulag na patuloy pa ring tinatakot ang mga audience sa nakapangingilabot nitong ngisi.
"Nagkasundo na tayo 'di ba? Sa akin mo lang ibubuhos ang galit mo! Bakit nandamay ka na naman ng ibang tao!"
Dahan-dahang lumingon sa kanya ang lalaki at sinadyang lakihan ang mga mata. "Oh? May pinag-usapan ba tayong ganoon? Parang wala akong natatandaan, ah? Teka, isipin ko nga muna..."
Lalong dumilim ang mukha ni Makisig. "Hindi ko alam kung sino ka at bakit mo ginagawa 'to. Pero ito ang tandaan mo. Hindi ko sinasanto ang mga taong katulad mo! Wala akong pakialam kahit magalit pa sa akin ang magulang mo sa mga gagawin ko sa 'yo!"
Muli na namang humalakhak ang lalaki na parang sasabog sa pagkabaliw. "Ikaw pa talaga ang nagbanta nang ganyan sa akin? Para sabihin ko sa 'yo, wala na akong magulang na mag-aalala sa akin! Hindi katulad mo, siguradong maraming iiyak kapag may nangyari sa 'yo. Kaya ingat ka sa pinagbabantaan mo, Tarzan! Baka sa 'yo bumalik 'yan!"
Imbes na ma-excite, naging kabado pa ang ilang mga katribo ni Makisig na kanyang isinama para manood sa laban niya. Pakiramdam kasi ng mga ito ay hindi basta-bastang alitan ang nagaganap sa pagitan nilang dalawa. Mukhang hindi nga pangkaraniwan ang labang magaganap. Lalo tuloy silang nag-alala para kay Kael.
Kasama sina Luntian at Ampa Khandifa sa mga tribong nanonood. Nasa likuran din nila sina Bagwis, Adan at Diego na palaging sinisigaw ang pangalan ni Makisig tuwing sasagutin nito ang mayabang na kalaban.
BINABASA MO ANG
Makisig: Muay Thai Warrior
ActionIsang matipunong katutubo ang mawawalan ng tahanan dahil sa mga teroristang sumakop sa kanilang lugar. Akala ng marami, pangkaraniwang terrorist attack lang ang nangyari. Ngunit may matutuklasan ang lalaking katutubo na magtutulak sa kanya para duma...