Kabanata 5: Bagong Kalaban, Bagong Panganib
MAGSASARA na ng bintana si Makisig nang mahagip niyang naglalakad sa gitna ng dilim si Ampo Sinag dala ang munting lampara nito. Agad niyang tinawag ang matanda na bahagya namang nagulat sa presensya niya.
"Ampo, saan po kayo pupunta? May lakad po kayo?"
Ngumiti naman ang matanda. "Ah, oo, Kael. M-may pupuntahan lamang akong personal na bagay."
"Gusto n'yo po bang samahan ko kayo? Masyado na pong madilim, ah."
"H-hindi na kailangan, anak. Kaya ko na 'to. Sandali lang ako."
"Sigurado po ba kayo?"
"Ayos lang ako, anak. Maraming salamat!"
"S-sige po. Mag-iingat na lang po kayo."
Ngumiti muli ang matanda at dali-daling umalis. May napansin siyang kakaiba sa mga ngiti nito na hindi niya maipaliwanag.
MAINGAT sa paglalakad si Ampo Sinag habang tinatahak ang madilim na paligid. Nang malagpasan na niya ang kakahuyan, doon bumungad ang baku-bakong daan patungo sa bayan.
Sa malayo pa lang ay may natanaw na siyang sasakyan at ilang kalalakihan. Nagmadali na siya sa paglalakad. Nang makalapit na sa mga ito, may isang lalaki na bumaba sa kotse at humarap sa kanya.
"Good evening, Tandang Sinag! Very good ka, ah! Hindi ka nagsama ng katribo mo," tumatawang bati sa kanya ng lalaking naka-Americana sa ilalim ng gabi. Nakapahapay ang buhok nito, makapal ang bigote, at may hawak na tobacco.
"M-magandang gabi, Don Agustus!" bati naman niya rito at nagyuko ng ulo habang pinipigilan ang pagnginig ng katawan.
"Mabuti naman at kilala mo pa ako. Akala ko nakalimutan mo na ang pangalan ko. Hindi ka pa naman siguro nag-uulyanin, ano? Alam mo pa kaya ang lahat ng napag-usapan natin?"
"Oo naman. Alam ko pa. Maraming salamat sa palugit na iyong binigay. Humihingi na rin sana ako ng pasensya dahil—"
"Alright! Let's get back into it!" pagpuputol ng lalaki saka iniabot sa tauhan nito ang hawak na tobacco. "Dalawang buwan na ang palugit na binigay ko. It was supposed to be two weeks! Pero dahil maganda ang mood ko that time, pinagbigyan kita sa hiling mo na dalawang buwang palugit. Siguro naman ay magandang balita ang sasabihin mo sa akin, hindi ba? I am hoping na ang gusto kong marinig mula sa 'yo ang lalabas sa bibig mo."
"Iyon na nga, eh. Humihingi ako ng pasensya sa susunod na mga ituturan ko..."
Doon pa lang ay nag-iba na ang timpla ng mukha ni Agustus. Halatang dismayado na agad ito.
Hindi na napigilang manginig ni Ampo Sinag. "P-pinag-isipan ko naman nang mabuti ito. Kaya lang, hindi ko talaga...H-hindi ko talaga kayang isuko ang buong lupain namin. Alam mo naman kung gaano kahalaga sa amin ang buong baryo na ito. Itong buong lupa na ito, p-parte ito lahat ng aming makulay na tradisyon at pagkatao! Labag sa aming batas ang ipamigay ito dahil malaking kasalanan iyon sa aming bathala!"
Nagsimula na namang tumalim ang anyo ng lalaki. "Ano ba'ng pakialam ko sa batas n'yo? Hindi na naman ba tayo nagkakaintindihan, Tandang Sinag? Nakalimutan mo na ba kung gaano kalaki ang offer ko? One hundred fucking million! Alam mo ba kung gaano kalaki 'yon? Puwedeng-puwede na kayong magbagong-buhay roon at bumili ng bago n'yong pagkatao!"
"Mawalang-galang na, Don Agustus! Ngunit hindi kayang tumbasan ng kahit anong halaga ang pagkatao at kultura naming mga Katawi. Siguro nga kaunti na lang kami. Pero bahagi pa rin kami ng kasaysayan! Ang mga ganitong bagay ay hindi kailanman nabibili ng pera!"
BINABASA MO ANG
Makisig: Muay Thai Warrior
ActionIsang matipunong katutubo ang mawawalan ng tahanan dahil sa mga teroristang sumakop sa kanilang lugar. Akala ng marami, pangkaraniwang terrorist attack lang ang nangyari. Ngunit may matutuklasan ang lalaking katutubo na magtutulak sa kanya para duma...