Kabanata 9: Pinakamadugong Laban sa Kasaysayan ng MFC
"AMPO, bakit hindi n'yo po sinabi sa akin agad?" mangiyak-ngiyak na turan ni Makisig Kay Ampo Sinag nang ipaliwanag na nito ang tunay na sitwasyon ng baryo. Silang dalawa na lang ngayon ang nag-uusap sa likod ng bahay na pawid nito.
"Patawarin mo ako, Kael! Isang malaking kasalanan ang aking nagawa. Masyado akong nagpaalipin sa takot kaya heto! Heto ang resulta ng mga ginawa kong paglilihim! Sasakupin na muli tayo pagkatapos ng napakatagal na panahon! Mauulit na naman ang nangyari sa ating kasaysayan!"
Tinulungan niyang makaupo sa isang tabi ang matanda dahil hindi na ito halos makahinga sa labis na pagtangis.
"Huminahon po kayo, Ampo. Ang dibdib n'yo po. Nauunawaan ko naman po kayo. Pero sana, inisip n'yo rin ang magiging kalagayan ng mga katutubo. Alam kong wala tayong laban sa kanilang lahat. Pero sana sinabi n'yo pa rin sa amin agad para kahit papaano nakapaghanda man lang tayo!"
"Pasensiya ka na talaga, Lakoy! Natakot lang talaga ako dahil kahit naman sabihin ko ito sa inyo, wala pa rin tayong magagawa para ipagtanggol ang mga sarili natin. Wala tayong laban sa mga armas nila! Iisa pa rin ang patutunguhan ng lahat! Saka ayoko ring sirain ang kinabukasan mo. Natatakot akong baka may mangyari ding masama sa 'yo. Kaya nga pinipilit kitang lumabas ng baryo at ituloy ang pag-aaral sa bayan para sana hindi ka madamay sa magaganap na gulo."
"Ampo, hindi naman po tama 'yon! Ako na ang bagong pinuno kaya dapat lang na alam ko ang nangyayari sa inyong lahat at magkakasama tayong lahat dito. Responsibilidad kong protektahan kayong lahat kahit magkamatayan man! Pero mas may magagawa pa rin sana tayo kung nagsabi lang kayo agad, Ampo. Mas makakagawa pa siguro tayo ng paraan kung nalaman ko lang agad ang mga sinabi sa inyo ng hayop na taong iyon!"
"Lakoy, ilang beses kong sinubukang sabihin sa 'yo pero napanghinaan lang talaga ako ng loob. Nasanay kasi ako na sa mga panahong nagdaan, nanatili tayong payapa at masaya rito. Wala tayong naging mararahas na suliranin. Ang naging malaki lang nating problema ay ang kahirapan, na di kalaunan ay nalagpasan din natin. Pero ito, iba itong mangyayari ngayon. Hindi ko kayang tanggapin na may ganito katinding problema ulit na darating. Kaya labis talaga akong napanghinaan ng loob na sabihin sa inyong lahat."
Napaluhod si Ampo Sinag sa pagkakataong iyon at mangiyak-ngiyak na lumingon sa kanya.
"Patawarin mo ako, Lakoy! Patawarin mo ako! Kasalanan ko itong lahat. Ako ang nagpahamak sa mga Katawi. Ako ang nagpahamak sa inyong lahat! Kaya kung anuman ang mangyari sa akin bukas o mamayang gabi, tatanggapin ko na iyon bilang parusa!"
Pati si Makisig ay napasandal na lang din sa isang tabi. Gusto niyang magwala pero hindi pa rin niya kayang saktan ang dati nilang pinuno. Dismayado siya sa paglilihim nito pero wala na rin siyang magagawa. Nangyari na ang mga nangyari.
Iisa na lang ang tanging pag-asa nila para mabawi pa nila ang kanilang kalayaan. Iyon ay ang talunin sa MFC ang pinuno ng Black Eagle na si Maskara. Doon na lang nakasalalay ang mga buhay nila ngayon.
"Kael, m-may pakiusap lang sana ako. Huwag mo muna sasabihin sa ating mga Katawari ang tungkol dito. Ipaalam mo na lang ito sa kanila kapag wala na ako. Upang sa ganoon, hindi ko na marinig ang mga sasabihin nila. A-alam kong mali p-pero...hayaan mong ang karma ko na ang humatol sa magiging paraan ng aking parusa at kamatayan!" humahagulgol na wika ng matanda saka lumuhod sa kanyang harapan at yumakap sa mga paa niya.
Napaiyak na lang din si Makisig. Wala na siyang maisagot pa. Hindi na niya alam kung paano lalabanan ang galit at lungkot na nagtatalo ngayon sa kanyang kalooban.
"ANG galing ng ginawa mo, Damulag! Hindi ka lang magaling na fighter. Puwede ka ring mag-artista!" bati ni Agustus dito habang nasa kalagitnaan ng pagwo-workout ang lalaki.
BINABASA MO ANG
Makisig: Muay Thai Warrior
AksiIsang matipunong katutubo ang mawawalan ng tahanan dahil sa mga teroristang sumakop sa kanilang lugar. Akala ng marami, pangkaraniwang terrorist attack lang ang nangyari. Ngunit may matutuklasan ang lalaking katutubo na magtutulak sa kanya para duma...