Simula

334 7 4
                                    

Simula. Hershey

"Master, isukat mo na 'tong tux. Para malaman natin kung papalitan ko ba agad," ang utos sa'kin ni Liam, s'ya ang butler ko.

"Wala ako sa mood. Sigurado naman akong kahit na anong isusuot ko ay bagay sa'kin," sagot ko sabay taklob ng kumot habang nakahilata sa'king kama.

"Pero, master. Ayoko lang maulit 'yung nangyari no'ng nakaraang taon na halos hindi ka makahinga kasi sabi mo masikip 'yung suot mong attire," dagdag pa n'ya at dito ko naramdaman na sumampa s'ya sa'king kama.

Napabuntong-hininga ako.

"Sige, bigyan mo lang ako ng limang minuto,"

"Ayan ka na naman, limang minuto pero mamaya ay tulog ka n'yan ulit? Hindi pwede, bumangon ka na d'yan," kalmadong utos pa n'ya sa'kin at dito ko naramdaman ang paghawak n'ya sa kanang kamay ko at hatakin ba naman ako para bumangon.

"Liam, ayoko pa. Mamaya na lang kasi,"

Dito n'ya ako tinaasan ng 'sang kilay, "H'wag mong hintayin na mainis ako sa'yo, master. 'Di kita ipagluluto ng paborito mo mamaya kung ganyan katigas ang ulo mo," dito na sumeryoso ang kanyang tono dahilan para magising ang diwa ko.

Grabe, wala na talaga akong palag sa oras na mag-seryoso 'tong si Liam. Hindi naman sa may authority s'yang gawin 'yun, ayoko lang na nakikitang galit s'ya sa'kin. At isa pa, sobrang sarap n'yang magluto kaya 'di ko s'ya dapat galitin. Sumunod na lang ako sa kanya.

"Ganyan nga. Kuhanin mo na ang tuwalya at maligo ka na do'n, hihintayin kita dito at gusto ko paglabas mo ay 'di ka na mukhang inaantok. Maliwanag ba?" Paalala pa n'ya kaya naman tumango lang ako kahit na humihikab pa.

Katahimikan.

Ang pagdiriwang na gaganapin bukas ay para sa kompanya ni papa, dahil 'to sa tagumpay n'ya sa larangan ng Architecture at iba't ibang matataas na tao ang pupunta do'n. Kaya naman gano'n na lang kung paghandain ako ni papa, 'yun ay dahil gusto n'yang sumunod ako sa yapak n'ya.

"Tinatamad talaga ako," tanging nasabi ko na lang sa isip ko habang nakatayo sa bathtub at naliligo sa malamig na tubig mula sa shower, para akong isang sikat na bida mula sa telenovela na malalim ang iniisip.

Makalipas ang ilang sandali ay natapos akong maligo at magbihis. Shorts at sando lang ang suot ko dahil magsusukat kami ni Liam ng tux, kailangan maging pulido at pakat sa'kin ang damit dahil paniguradong babalik kami sa sentro para humanap ng bago.

"Hershey Gonzales, ikinagagalak kitang makilala. Madalas kang ipagmalaki ng papa mo sa'kin, sinong mag-aakala na ganito ka ka-gwapo sa personal?" Pormal na sabi ni Liam habang inaayos n'ya ang kohelyo ng white formal long-sleeves na suot ko.

Napabuntong-hininga ako.

"Meron ba talagang magsasabi sa'kin ng ganyan? Duda ako na ipinagmamalaki talaga ako ni papa sa iba," walang gana kong sabi.

"Hindi natin sigurado. Pero mabuti na 'yung maging handa tayo, isipin mo na ako 'yung mayamang business partner ng papa mo," nakangiting sambit pa n'ya sabay tingin sa'kin nang diretso.

Napangisi ako, "Si Divino?"

"Master, 'di mo dapat s'ya tawagin sa ganyan. Lagyan mo ng paggalang. Isa s'ya sa malakas na investor ng papa mo,"

"Sinong may pake do'n? Hindi ko malilimutan 'yung sinabi n'yang wala akong mararating. Swerte lang daw ako kasi anak ako ni papa," inis kong sabi sabay kuha ng suklay at humarap sa salamin, "hindi ko ugaling magbigay respeto sa taong 'di naman ako kinikilala bilang mahalagang panauhin,"

Abala si Liam sa pamimili ng tux na nakahilera sa maliit na sampayan dito sa kwarto, bagama't kitang-kita ko pa rin ang pag-aalala sa kanyang mukha. "Kahit na, mas mainam na 'yung pakitaan mo s'ya ng maganda. Tutal, hindi ba't may gusto ka do'n sa anak n'ya?"

Natigilan ako.

Muli kong inalala ang nag-iisang anak na lalaki ni Divino, si Keanu. Gaya n'ya ay nag-iisang anak lang din ako ni papa. Naalala ko pa no'ng unang beses na magkita kami, hindi ko na malimutan ang kanyang mukha lalo na no'ng sandaling kausapin n'ya ako.

"Sabagay. Akalain mo nga namang may maganda rin s'yang nagawa, 'no? Sa tingin mo pwede kong maging boyfriend ang anak n'ya?" Nakangising sabi ko habang inaayos ang aking buhok.

Bahagyang natawa si Liam, "Malalaman natin 'yan, pero baka kasi ang lalaking gaya n'ya ay kiffy ang hinahanap," sagot ni Liam dahilan para kumunot ang noo ko.

"Anong kiffy?"

"Nakita ko lang 'yun no'ng nag-live tayo sa social media habang tumutugtog ka ng gitara, maraming nagsasabi na gitarahin mo raw ang kiffy nila,"

Hindi ko maintindihan.

"Linawin mo nga ako, Liam?"

"Ayun daw ang tawag do'n sa parte ng katawan ng babae, basta alam mo na 'yun," natatawang sabi ni Liam, "wala rin akong ideya kung ba't gano'n na ang mga tawag ngayon,"

Mukhang nakuha ko na ang ibig n'yang sabihin kaya naman napatulala ako sa kawalan, "Ang wild naman no'n, pero mabuti na 'yan dahil ngayon ay meron akong napatunayan," sabi ko pa.

"Ano naman 'yun, master?"

"Hindi ako mahilig sa kiffy, Liam. 'Yong mga nag-iwan ng komento ro'n sa palabas natin ay alisin mo na," utos ko pa dahilan para magtawanan kami ni Liam.

No'ng oras na 'yon, napuno ng tawanan at kwentuhan sa pagitan namin ni Liam. Laking pasasalamat n'ya rin na sukat lahat sa'kin lahat ng tux kaya wala na s'yang iisipin pa, dahil no'ng sandaling isuot ko ang mga 'yon ay komportable naman talaga.

© kopimakiyato

Rose Golden Paradise (Amore Archives #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon