Kabanata 20

47 0 0
                                    

Kabanata 20. Sungit

Hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako, kaya naman nang tingnan ko ang orasan ay napansin kong alas-11 na ng gabi. Kalmado pa rin ang takbo ng barko, at meron pa rin akong ingay mula sa kasiyahan na nagaganap sa sala dahil medyo naririnig ko 'yon dito sa kwarto. No'ng bumangon ako ay para bang hindi manlang nagusot ang sapin ng kama, sa madaling sabi ay hindi ako pinuntahan ni Keanu dito.

Katahimikan.

Muli kong naalala 'yung nasaksihan ko kanina sa sala, 'yung nangyari sa pagitan ni Ghon at Keyshia, hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na gagawin nila 'yon. Pero sa'king palagay, hindi normal na gawin ang bagay na 'yon lalo na't batid kong magkasintahan si Ghon at Anya. Binabagabag talaga ako sa mga sandaling 'to, 'di ko nga alam kung dapat kong sabihin 'yon kay Anya.

"Sa'n ang punta mo, Hershey? Nagkita na naman tayo, aking bebe loves," Biglang tanong sa'kin ni Rockwell nang makarating ako sa mini bar dahilan para taasan ko s'ya ng kilay!

'Di ako sumagot.

Nakasuot lamang s'ya ng sandong puti at leather jacket tapos maong na pantalon, may hawak s'yang plalito na merong prutas sa ibabaw. Akalain mo nga namang marunong pumorma ang isang 'to, para bang kahit anong ipasuot sa kanya ay babagay talaga lalo na't maganda rin kasi ang hubog ng kanyang katawan.

"Huy, para naman akong aparisyon dito! Kausapin mo kaya ako? Tsaka ba't ba lagi ka nakabusangot? 'Di naman ganyan itsura mo kaninang unang beses kitang nakita," sagot n'ya sabay kain ng ubas.

Napabuntong-hininga ako.

"H'wag mo na lang ako kausapin, pwede? Tsaka pwede bang h'wag mo 'kong lapitan nang lapitan at umasta na parang malapit tayo sa isa't isa," inis kong sambit dahilan para halos mabigla s'ya sa sinabi ko.

"Aba't mag-ingat ka sa 'yong sinasambit ginoo! Ikaw kaya ang kusang pumunta rito, sakto lang na nakita kita kaya ayan. Kinausap ka na nga sungit mo pa," pagmamaktol n'ya.

"Hindi ko naman inaasahan na makikita kita rito, 'no! Kung alam ko lang naman ay sana 'di na ako pumunta at lalong 'di naman ikaw ang pakay ko," singhal ko pabalik.

Natawa s'ya.

"Bakit? Si Keanu na naman ba ang hanap mo? Tss, 'yung mokong na 'yon ay kanina ko pa hindi nakikita! 'Di pa nga n'ya nakukuha 'yung regalo ko sa kanya, eh," sambit pa n'ya at dito tinawag n'ya 'yung waiter, "ah, bigyan mo nga 'ko ng isang halo-halo, para rito sa espesyal kong panauhin," hirit n'ya tapos nilingon n'ya ako sabay kindat.

"Asa ka namang sasamahan kita rito? Sa'yo na 'yang halo-halo mo! Kainin mong mag-isa dahil wala akong oras na--"

"Sungit mo naman, Mr. Gonzales! Ganyan ka ba talaga? 'Pag sila Anya naman ang kaharap mo ay para kang anghel na ibinaba sa langit, tss. Wala naman akong ginagawang masama sa'yo," pagpapaawa n'ya na parang inaping tuta.

Napangisi ako, "Dahil sinabi nila sa'king masamang impluwensya ka. Hindi dapat ako lumapit sa'yo,"

"Pero ikaw nga ang lumapit, aba't bakit ba tayong nagtatalo? Lika nga rito, samahan mo muna ako at kwentuhan tayo sandali," pinagpag n'ya pa 'yung upuan na nasa tabi n'ya habang nandito kami sa front desk ng barista.

Maingay ang paligid.

"Kanino 'tong halo-halo? Here's your order," tanong ng waiter at nilapag 'yung dessert do'n sa harapan ko mismo, 'di ko maiwasan ang mamangha dahil sa itsura pa lang ay nakakatakam na! Parang ayoko 'tong tanggihan at lihim akong napalunok na lang.

"Ano? Natatakam ka na, 'no?" Nakangising anas ni Rockwell dahilan para irapan ko s'ya.

"Ha? Saksak mo 'yan sa baga mo, d'yan ka na," inis kong sabi sabay lakad palayo, pero sa loob ko ay nanghihinayang ako dahil nakakatakam namang talaga ang halo-halong 'yon!

"Teka, oy-- sa'n ka pupunta?" Paghabol n'ya pa pero iniwan ko na s'ya ro'n sa bar.

Napailing na lang ako.

Nagtungo ako sa kasuluk-sulukan ng barko pero 'di ko manlang nakita si Keanu, sa loob ko ay nakaramdam na naman ako ng pinaghalong lungkot at inis dahilan para mapaupo na lang ako sa isang mahabang bench dito sa veranda, mainam kong pinagmasdan ang kalangitan at ang mga bituin sa kalawakan na sadyang kay sarap tingnan. Dinama ko ang malamig na hanging dumadampi sa'king balat no'ng mga sandaling 'yon.

Ito ang unang beses na nakasakay ako ng barko at 'di rin naman naging mahirap sa'kin ang mag-adjust. Karamihan kasi ay nahihilo o nasusuka 'pag nakakasakay sa gan'to pero para sa'kin ay ayos lang. Gayon pa man, sumandal ako sa bench at pinakiramdaman ko lamang ang katahimikan nang biglang makarinig ako ng yapak ng paa dahilan para mapatingin ako rito.

Dito ko nakita si Aoki.

"Nandito ka pala, Hershey. Ba't hindi ka pa natutulog?" Tanong n'ya na napapahawak sa kanyang ulo.

"Nakatulog na ako kanina, gusto ko lang din magpahangin dito," sagot ko at dito s'ya tumabi sa'kin, "ayos ka lang?"

"Oo, medyo nahihilo lang. Tsaka ngayon lang nawala 'yung tama sa'kin ng alak, paano ba naman 'tong si Rockwell ay dinuga ako-- tinatapon n'ya lang sa halaman 'yung shot 'pag s'ya na ang iinom," anas n'ya pa habang napapailing.

Katahimikan.

Hindi ako sumagot. Wala naman din kasi akong ibang sasabihin. Tsaka 'di pa rin kasi mawala sa isip ko 'yung kanina, nando'n din si Aoki at alam kong kahit lasing s'ya ay nakita n'ya rin 'yung ginagawa nina Ghon at Keyshia pero wala s'yang ginawa at nanahimik lang s'ya. Medyo naiilang tuloy ako ngayong nandito s'ya.

"Gusto mo bang ilibot kita rito? Kanina pa kasi ako pagala-gala, para naman mapunta ka sa iba't ibang bahagi nitong barko. Pansin ko kasi na 'di mo pa napupuntahan halos lahat," biglang pagyaya n'ya sa'kin.

No'ng sandaling lumingon ako sa kanya ay dito s'ya nag-abot ng isang inumin na nakalagay sa wine glass, pakiramdam ko ay isa 'tong wine tapos meron pang hiniwang lemon na nakalagay sa gilid nito. "Ano? Papayag ka ba?" Tanong pa n'yang muli.

Napabuntong-hininga ako.

Tumango ako at inabot 'yung wine glass at dito ay tumayo kaming dalawa para lumakad. Mas ayos na rin 'to para naman meron akong makausap, hahanap din ako ng pagkakataon para mapag-usapan namin 'yung nangyari kila Ghon, ewan ko ba pero ayoko lang talagang ipagsa-walang bahala 'yun lalo na't magkakaibigan sila.

© kopimakiyato

Rose Golden Paradise (Amore Archives #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon