Kabanata 5

64 2 0
                                    

Kabanata 5. Hawak

Talagang iniinis ako nitong si Divino, at ang mas malala ay sa harap pa ng papa ko. Parang gusto ko na lang magwala dito sa harap para gawaran s'ya ng isang malakas na sapak sa mukha, sa puntong wala na akong pake kahit palayasin ako ni papa, talagang umaakyat na 'yung galit dito sa ulo ko!

Ikinalma ko ang sarili.

"Un día agradable," 'yun lang ang nasabi ko at nang mapasulyap ako kay Divino ay kitang-kita ko kung paano s'ya mangisi, "Maraming salamat sa--" Natigilan ako nang marinig ko ang lihim na pagtawa ni Divino.

"Hindi n'ya kayang magsalita ng ibang lengguwahe nang diretso, paano s'ya makikipag-usap sa mga matataas na kaagapay natin sa negosyo, Hector?" Bulong n'ya kay papa bagama't naririnig ko naman.

Eh, pa'no 'pag sinapak kita?

"Paumanhin ngunit hindi naman yata tamang karamihan sa inyo ay nakikipag-usap sa katabi habang nandito ako nagsasalita, hindi ba, Mr. Tuazon?" Pinasadahan ko ng tingin si Divino dahilan para magawi ang tingin n'ya sa'kin, sinuklian ko s'ya ng nakakasura at nakangising tingin.

"Nais ko lang sabihin na nawa'y ang lahat ay magdiwang at magsaya para sa selebrasyon na 'to, dahil ang tagumpay ng aking ama, ay tagumpay nating lahat. Kung wala s'ya, maaaring ang iba sa inyo ay wala rin dito," muli kong sinulyapan si Divino dahilan para mabilis na magbago ang reaksyon sa kanyang mukha, ngayon sa'king direksyon ay kitang-kita ko ang talim ng kanyang tingin.

Katahimikan.

Nang magawi naman ang tingin ko kay papa, tulad ng dati ay wala 'tong ekspresyon na pinapakita. Kaya naman 'pag nagkausap kami ay hindi ko agad malalaman kung anong magiging reaksyon n'ya o kaya kung anong naging dating ng mga salita ko sa kanya.

Hanggang sa.

Tinapik ni Keanu ang balikat ko hawak ang isang baso ng wine at maliit na kutsara, ngumiti ako at kinuha ito. Mula sa'king kinatatayuan ay marahan kong inangat ang baso na may lamang wine, "Magbigay pugay para sa'ting lahat!" Taas-noo kong sabi dahilan para magpalakpakan ang mga tao sa loob ng bulwagan, liban lang sa'king ama at kay Divino na noon ay hindi maalis ang galit na tingin sa'kin.

"Good job, Hershey..." Bulong ni Keanu banda sa tenga ko at dito ko naramdaman na hinawakan n'ya ang kamay ko, matapos no'n ay hinila n'ya ako papunta sa likod ng entablado habang kitang-kita ko ang saya sa kanyang mukha. "Gusto mo ba 'kong samahan?"

"Sa'n mo naman ako dadalhin?"

"Kung sa'n tayo dalhin ng mga paa natin,"

"Ang lalim mo naman, Keanu," ang wika ko bagama't humawak ako sa kanyang kamay nang marahan at buong pagkataong nagtiwala sa kanya.

"Sinong mag-aakala na ganito na kalaki ang pinagbago mo? Malayo sa huling beses na nagkita tayo, pero sa huli ay ako pa rin ang mas matangkad sa'yo," biro n'ya sa'kin, do'n ay namalayan ko na lang na nakarating na kami sa paradahan ng mga sasakyan dito sa likod ng bulwagan.

Gabi na.

"Anong ibig mong sabihin?" Kaswal kong tanong at dito kami natigil sa marahang pagtakbo at dito s'ya marahang humarap sa'kin.

"Hindi ako makapaniwala na kahit isang lalaki ka na gaya ko, kayang-kaya mong higitan 'yung ganda ng mga babaeng dumaan sa buhay ko," malumanay n'yang sabi sabay marahang hinaplos ang aking buhok pagilid at marahang hinawakan ako sa pisngi.

Nagtama ang aming tingin.

"Sobrang ganda mo, Hershey," no'ng mga sandaling 'yon ay akma s'yang lalapit sa'kin pero kaagad akong umiwas.

"Ah-- hindi pwedeng basta na lang tayong umalis do'n sa loob," nag-aalalang sabi ko.

"Sinong may pake do'n? Itinakas na nga kita kasi alam kong hindi ka komportable kay papa,"

Napatingin ako sa kanya.

"Buti alam mo. Mabuti na lang at malayong-malayo ang ugali ninyong dalawa," nang sabihin ko 'yon ay hinawakan n'ya ang kaliwang kamay ko at dahan-dahan itong inilagay sa kanyang dibdib.

"Samahan mo 'kong libutin ang Amore, Hershey. Gusto pa kitang lalong makilala," mapungay ang mga matang nakatingin s'ya sa'kin no'ng mga oras na 'yon, sobrang ganda na animo tumitingin ka sa isang kalawakan.

Wala akong nagawa kundi ang pumayag, hinayaan ko s'yang hawakan ang kamay ko at patakbo kaming lumayo do'n sa bulwagan. Kaming dalawa lang, magkasama sa lamig at liwanag ng gabi. Ang ganitong uri ng pagkakataon ay sadyang romantiko para sa'kin, na noon sa buong buhay ko ay ngayon ko lamang naranasan.

Dumaan kami sa isang parke.

"Sa dulong bahagi ng parkeng ito matatagpuan ang isang gazebo, gusto mo bang do'n tayo tumambay sandali? Bago tayo mag-isip ng susunod nating pupuntahan?" Tanong n'ya habang naglalakad kami sa isang daang nagliliwanag dahil sa mga palamuting ilaw na nag-iibang kulay patungo sa sentro ng parke.

"Oo naman, kung 'yun ang gusto mo. Hindi na rin naman ako makakatanggi," sagot ko dahilan para bahagya s'yang matawa.

"H'wag kang mag-alala dahil akong bahala sa'yo, sigurado akong magiging masaya ang karanasan mo do'n, Hershey," nilabas na naman n'ya ang matamis na ngiti n'ya dahilan para 'di ko maiwasan ang mapatingin dito, sobrang sarap n'yang pagmasdan na talagang hindi ko maunawaan.

"Keanu..."

Nilingon n'ya ako.

"Hmm?"

"G-gusto--" Natigilan ako.

"Gusto mo ang alin?"

Katahimikan.

Hindi agad ako nakasagot, anong palusot naman kaya ang sasabihin ko sa kanya? Nakakahiya naman kung sasabihin ko agad sa kanya 'yung nararamdaman ko, masyado pa kasing maaga para do'n. Pero kasi sa mga paraan na pinaparamdam n'ya sa'kin, na hindi pa nagawa ng kahit na sino-- para bang ayoko nang umalis sa kanyang tabi.

"Gusto ko ng bulaklak ng karnasyon," tanging nasabi ko na lang at maging ako ay nagulat sa'king sinabi!

Bakas sa mukha n'ya ang pagtataka, "Ang karnasyon, Hershey?"

"Ano-- oo, b-baka kasi meron no'n dito," sagot ko sabay iwas ng tingin dahil sa pagkahiya.

Pero bagama't gano'n ay narinig ko ang bahagyang pagtawa n'ya, "Ikaw talaga. Pero sige, hahanap tayo ng bulaklak ng karnasyon do'n sa tabi ng gazebo," wika pa n'ya sa'kin at dito n'ya bahagyang ginulo-gulo ang aking buhok dahilan para maramdaman ko ang pag-init ng aking pisngi dahil sa kakaibang pakiramdam.

No'ng mga sandaling 'yon, hindi ko na nagawang bumitaw sa kamay ni Keanu. Malambot ito at sobrang sarap hawakan, kung minsan nga iniisip ko na sana kumapit na lang ako sa braso n'ya kanina. Pero kasi masyadong maraming tao sa loob ng bulwagan, kaya ngayon ay naghahanap ako ng pagkakataon na makakapit sa matipuno n'yang braso pero pilit kong iniiwas ang pag-iisip sa bagay na 'yon.

© kopimakiyato

Rose Golden Paradise (Amore Archives #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon