Kabanata 9

43 1 0
                                    

Kabanata 9. Paraiso

Katatapos ko lang maligo at magbihis no'ng sandaling tawagin ako ni Liam, ang sabi n'ya sa'kin ay nando'n daw si lola sa hardin at naghihintay. May maliit na kubo ro'n, at do'n n'ya ako gustong kausapin. Wala nga akong ideya kung tungkol sa'n 'yung sasabihin n'ya kaya medyo nakakaramdam ako ng kakaibang kaba. Baka mamaya pagalitan n'ya ako, o 'di kaya ay may pinag-uutos sa kanya si papa.

"H'wag kang mag-alala, kasama mo naman ako ro'n. Gusto ko lang din makinig ng usapan ninyo, hehe." Wika ni Liam dahilan para mangiwi ako.

Napakagat labi na lang ako habang nakaharap sa salamin, marahan kong sinusuklay 'yung buhok ko paitaas pero sadyang ayaw sumunod nito kaya naman natatawang tiningnan ako ni Liam, "Tss, tawanan ba naman ako? Ikaw nga dapat nag-aayos nitong buhok ko kasi meron kang nilagay na kung ano rito kahapon,"

"Master, wala tayo sa bahay. Wala rito ang mga kagamitan ko kaya 'di ko maaayos 'yan. Tsaka h'wag kang mag-alala dahil gwapo ka kahit magulo pa ang buhok mo," natatawang aniya dahilan para mapanguso na lang ako.

Simpleng "cardigan" na kulay kaki lamang ang suot ko na may disenyong checkered, tapos itim na pantalon na gawa sa malambot na tela tapos ang tsinelas ko ay 'yung gawa sa bakya kung ayun man ang tawag do'n. Sinadya ko talagang ito ang suotin dahil bukod sa medyo pormal ay komportable sa pakiramdam. Ayoko naman kasing humarap kay lola na pambahay lang ang suot, 'no! Baka mamaya ay sobrang mahalaga pala ng sasabihin n'ya kaya mas mainam na 'yung handa ako.

Bandang alas-10.

Nakarating kami ni Liam sa kubo ro'n sa hardin, napapalibutan ito ng iba't ibang uri ng halaman at ang pinakagusto ko ro'n ay ang mga bulaklak na nakahilera sa bawat paso. Agaw pansin din ang mga baging na nakapalibot sa haligi ng kubo, at do'n nga ay nakita ko si lola na nakaupo sa mahabang upuan at tahimik na nagkakape.

"La, nandito na po kami,"

Napatingin s'ya sa'min.

"Ikaw pala, apo. Mabuti naman at nandito ka na, kailan pa kayo dumating?" Tanong n'ya.

Nagkatinginan kami ni Liam, "Ah, lola. Kagabi pa kami nakarating 'di ba po? Kaso nakatulog kayo kaya 'di natuloy 'yung usapan natin," sambit ko pa dahilan para matawa s'ya.

"Hehe, biro lang apo! 'Kaw talaga, alam mo namang matalas ang memorya ko! Syempre alam ko no'ng isang araw pa kayo dumating,"

"Ah, lola--"

"Hayaan mo na, master. Ah, lola. Ba't n'yo nga pala pinatawag si Hershey nang biglaan? May nais ba kayong sabihin?" Tanong ni Liam sa kanya dahilan para kuhanin ni lola ang isang maliit na kahon sa kanyang tabi.

Katahimikan.

No'n nga'y binuksan ni lola ang isang maliit na kahon, do'n namin nakita ang isang makinang na kwintas-- mayroon itong simpleng tali tapos ang "centerpiece" ay isang pangil ng pating na yari sa ginto, nagtataka ko itong tiningnan lalo na no'ng inangat pa ito lalo ni lola.

"Ano ho bang ibig sabihin n'yan? Tsaka ba't kayo may ganyan? Para naman tayong nasa isang dokumentaryo at may kung ano kang na-diskubre,"

"Gusto kong isuot mo 'to, apo. Ang kwintas na 'yan ay nababalot ng swerte dahil kuha 'yan sa isang malawak at misteryosong Paraiso," paliwanag ni lola.

Napatingin ako kay Liam.

"Ano bang sinasabi n'yo, La? Anong Paraiso? Parang natatakot naman ho ako sa sinasabi n'yo, eh." Biro ko sana.

"Hindi kita tinatakot, apo. May isang sikretong Paraiso ang matatagpuan dito sa Pilipinas. Isa itong malawak na isla kung saan nababalot ito ng makapal na hamog kung kaya't ang mga mangingisdang nagpupunta ro'n ay hindi na nakakabalik pa. Alam mo ba? Hindi mo makikita sa mapa ng Pilipinas ang lugar na 'yon, sa hindi maipaliwanag na dahilan ay iilan lamang ang nakapunta ro'n at 'yung mga nakakabalik ay sadyang walang maalala na do'n sila nanggaling,"

Napakunot ang noo ko.

"Hindi ko maintindihan,"

"Apo. Ang pangalan ng islang 'yon ay walang iba kundi ang Paraiso De Oro Rosa, isang Paraiso na sadyang perpekto ngunit walang makapagsabi kung lubha ba itong mapanganib o lugar na sobrang payapa," tuloy sa kwento si lola habang ako naman ay pilit na inuunawa ang mga sinasabi n'ya.

"Nabasa ko ang pangalang 'yan sa libro no'n, pero hindi ba't kathang-isip lang 'yan? Tsaka, wala namang patunay na meron talagang ganyan. Ang sabi ro'n sa nabasa ko, ginawa lamang 'yang panakot para sa mga mangingisdang walang tigil pumalaot at nais na pumunta sa iba't ibang isla nang walang pahintulot,"

"Hindi naman kita masisisi kung 'yan din ang paniniwalaan mo dahil ang kwento tungkol sa islang 'yon ay malawak, bweno ay nais ko lang namang ibigay sa'yo ang kwintas na 'yan dahil nga simbolo ito ng swerte at kaligtasan. Regalo ko na rin sa'yo dahil sa tagumpay ng inyong kompanya," paliwanag pa ni lola nang may ngiti sa labi at inilagay sa palad ko ang kwintas.

Ako man ay tinanggap na lang ang kwintas. Alangan namang tanggihan ko si lola at ipaglaban pa 'yung mga nalalaman  ko at makipagtalo pa sa kanya kung gayong kitang-kita ko naman na masaya s'ya. Wala akong ibang pamimilian kundi ang itago ang regalo na 'yun, wala naman akong balak isuot 'yon dahil ang sagwa ng disenyo, isang pangil na gawa sa ginto? Sinong magkaka-interes na isuot 'yon?

Katahimikan.

Matapos pa ng ilang usapan ay nagpasama na si lola kay Mr. Moran pabalik sa mansyon, hindi ko maintindihan kung ba't biglang sinabi sa'kin ni lola ang mga bagay na 'yon. Kanina nga lang, kaya lang daw n'ya binigay 'tong kwintas ay pakiramdam n'yang ito na ang tamang oras. Hindi ko alam, isang malaking palaisipan pero tinanggap ko na lang din bilang tanda ng respeto.

Nanatili kami ni Liam sa kubo.

"Paraiso De Oro Rosa, walang kwenta. Sinong maniniwala ro'n? Kaya lang siguro binigay 'to ni lola ay dahil wala na s'yang maisip na ipang-regalo sa'kin,"

Natawa si Liam.

"H'wag mong sabihin 'yan, master. Pero alam mo? May alam din ako tungkol sa misteryosong isla na 'yan, ang sabi sa'kin ng inay ko-- matatagpuan daw d'yan ang isang malaking templo kung sa'n sa oras na magsumpaan kayo ng taong mahal mo sa loob ng inyong wagas na pagmamahalan, paglabas n'yo ng templo ay magiging gintong rosas ang kalangitan na s'yang nagpapahiwatig na tinatanggap at kinalulugdan ng kalangitan ang inyong sumpaan," nakangiting sabi pa ni Liam sabay pitas ng isang bulaklak at inilagay 'yon sa bandang tenga ko.

Napangisi ako.

"Naniniwala ka naman? Parang kwentong pambata lang naman 'yan," reklamo ko dahilan para lalo s'yang matawa.

"Wala namang masama kung maniniwala, master. Pero kung iisipin, sadyang romantiko ang dating 'di ba? Ikaw at ang taong mahal mo, sa isang templo at sumusumpang magsasama habangbuhay, pagkatapos ay gagawaran kayo ng basbas mula sa kalangitan-- kaya do'n nabuo ang pangalan ng Paraiso," dagdag pa n'ya.

Hindi na ako sumagot. Binalik ko na lang sa loob ng kahon 'yung kwintas. Ayoko namang isipin na nag-aksaya lamang kami ng oras sa pakikinig sa ibinahaging 'yon ni lola. Hindi naman kasi ako madaling maniwala sa mga sabi-sabi o kwentong ganyan lalo na't walang sapat na patunay. Pero bilang tanda ng respeto, edi sige.

© kopimakiyato

Rose Golden Paradise (Amore Archives #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon