Kabanata 16

28 1 0
                                    

Kabanata 16. Mayabang

Tuloy ang kasiyahan dito sa barko. Abala sa pagsayaw 'yung mga kaibigan ni Keanu, habang s'ya naman ay nakikipag-usap do'n sa iba n'ya pang mga kaklase. Nandito lang ako sa isang sulok kaya naman nagpasya akong lumabas muna para magpahangin, do'n ako tumambay malapit sa forecastle ng barko.

Katahimikan.

Dinama ko ang malamig na hanging dumadampi sa'king balat, kapansin-pansin din ang mga ibong kulay puti na lumilipad kasabay sa direksyon nitong barko. Payapa ang dagat at sobrang masarap sa pandinig ang pagdaloy ng tubig nito. Ipinikit ko ang aking mga mata at pinakiramdaman ang kapayapaan na 'yon, bandang hapon na rin kasi kaya kapansin-pansin ang kalangitan na nagkukulay kahel.

"Anong ginagawa dito ng isang mamahaling tsokolate? Mag-isa ka yata, Hershey? Hehe, gusto mo bang samahan kita?" Dinig kong boses ng isang lalaki kaya kaagad akong dumilat at lumingon sa kanya.

'Yung si Rockwell.

"Tsokolate? Ayos ah, ngayon mo pa lang ako nakilala ay binigyan mo na agad ako ng palayaw." Walang gana kong sagot.

Hanggang sa nakalapit na s'ya sa'kin, "Pero ba't ka ba nandito? Nagsasaya sila ro'n sa loob, hindi ka ba papasok? Sayang naman, ang sarap pa naman ng mga pagkain,"

"Kung gusto mo ay bumalik ka na ro'n, kaya nga ako nandito ay gusto kong mapag-isa. Tapos ngayon ay magtatanong ka pa," singhal ko pang sabi pero wala pa rin akong ganang makipag-usap sa kanya at bahagya akong dumistansya.

Hindi ko alam. Naibubunton ko tuloy ang inis ko sa kanya, mula pa kasi kanina ay hindi na ako pinansin ni Keanu. Naging sobrang abala na s'ya ro'n sa mga bisita n'ya, lalo na ro'n sa babaeng si Keyshia. Hindi ko nga alam kung ba't sobrang malapit sila sa isa't isa, pero ang alam ko ay hindi lang s'ya basta kaibigan ni Keanu.

"Ang sungit mo naman! Gusto nga kitang samahan dito, ang totoo n'yan ay hinahanap kita kanina pa. Gusto kasi kitang ayain sa sayaw. Kaso nga lang ay nakabakod sa'yo 'yang Keanu mo," nakangising sabi n'ya dahilan para pasadahan ko s'ya ng tingin.

May itsura s'ya, moreno at kapansin-pansin ang may saktong kapal n'yang kilay at buhok na may kahabaan lalo na't hinahawi ito ng hangin. Dito ko nakita ang suot n'yang manipis na summer long-sleeve linen button down na kulay puti. Masasabi kong pakat na pakat ito sa kanya lalo na't kitang-kita ko ang kanyang matipunong dibdib dahil nakabukas ang mga butones sa itaas na bahagi ng kanyang suot. Simpleng salawal lang din na manipis na may disenyong pang-dagat ang suot n'ya, kaswal ba kumbaga pero bagay sa kanya.

Iniwas ko ang tingin.

"Hindi na kailangan, 'di rin naman ako interesado kahit pa ayain mo 'ko. Tsaka ang sabi sa'kin nila Anya ay h'wag daw akong lalapit sa'yo," sambit ko dahilan para matawa s'ya.

"Anya? Naniniwala ka sa mga kumag na 'yon? Ha, dapat ikaw ang makakilala sa'kin ng kusa. Mga wala lang talaga 'yon respeto sa kaibigan, lalo na 'yang si Keanu,"

Napangisi ako.

"Insultuhin mo ba naman sila. Kala ko ba mga ka-barkada mo 'yon? Tss, hindi nila alam ay sinisiraan mo sila habang sila ay nakatalikod," inirapan ko pa s'ya kaya naman lalo s'yang natawa at sumandal paharap na animo ginagaya ako na tumitingin lamang sa malawak na karagatan.

"Ang cute mo, 'no? Sobrang inosente mo tapos napaka-pormal mo pang magsalita. Magaling pumili si Keanu. Isa kang dyamante,"

Dito ko s'ya hinarap dahilan para kagatin n'ya ang ibabang labi n'ya na animo nagpapasikat, "Isa akong dyamante? Bakit? Mukha bang patulis ang korte ng mukha ko at isa akong dyamante? Mukha ba akong kumikinang sa paningin mo?"

Ngumiti s'ya.

"Nakakaakit ka kasing pagmasdan tulad ng isang dyamante, kung tutuusin ay para kang bituin sa kalangitan. Gano'n kung ilalarawan kita, Hershey Avaro," hirit n'ya dahilan para magsalubong ang kilay ko.

"Nang-iinis ka ba?"

"Ginagaya ko lang naman ang paraan mo ng pagsasalita. Sobrang pormal mo kasi, 'di ko ma-imagine kung gaano ka kayaman,"

Tinaasan ko s'ya ng 'sang kilay.

"Tama nga sila, dapat lang na layuan kita. Nakaka-bwisit at nakakasira ka ng mood, tss. D'yan ka na nga!" Singhal ko at do'n ko s'ya iniwan habang nakasandal sa forecastle tapos sumaludo s'ya sa'kin.

"Susundan kita mamaya, misis." Pahabol n'ya pang sabi dahilan para lalo akong mainis sa kanya pero pilit kong ikinalma ang aking sarili.

"Gago," mariing sabi ko pero humalakhak lang ang kumag at do'n ay tuluyan ko na s'yang iniwan at lumakad nang mabilis.

Mayabang.

Bwiset na 'yon! Gano'n pala talaga ang ugali n'ya? Sayang, pinuri ko pa naman s'ya kanina sa harap ni Keanu kasi akala ko ay kalog lang talaga s'ya at masiyahin. Pero nakakainit ng dugo ang isang 'yon! Kulang na lang ay sapakin ko s'ya, eh! Ah, basta! Ayoko s'yang makita o kahit madikit sa kanya, hindi ko gusto 'yung awra n'ya o ano.

Bumalik ako sa sala ng barko.

Pero punong-puno 'yon ng mga bisita ni Keanu na abala sa pakikipagsayaw, ang iba sa kanila ay kumakanta sa karaoke. 'Yung iba ay naglalaro ng kung anong baraha, tapos 'yung iba naman ay nakikipaghalikan, basta! Sobrang daming nangyayari kaya tila naninibago ako, para bang gusto ko na lang umuwi.

"Oh, Hershey. Ayos ka lang ba? Ba't ganyan ang itsura mo, tingnan mo 'yung buhon mo medyo gumulo na," bungad sa'kin ni Ghon at dito n'ya marahang inayos ang aking buhok, "sayang naman 'yang suot mong parang maharlika, h'wag kang mag-alala dahil expert na ako sa gan'to, kita mo naman kung gaano ako ka-gwapo 'di ba?" Sambit pa n'ya habang patuloy na inaayos ang direksyon ng buhok ko.

"Malakas kasi ang hangin do'n sa unahan ng barko. Kaya bumalik na ako rito," walang gana kong sagot.

"Hm, ba't hindi mo kasama si Keanu? Ang sabi n'ya sa'kin kanina ay sasamahan ka n'yang panoorin 'yung sunset sa labas. Akala ko pa naman ay do'n kayo nanggaling," tanong n'ya.

Lumingon ako sa paligid.

Hinahanap ng aking tingin si Keanu, "Hindi. Abala s'ya sa pag-aasikaso sa mga bisita, pero ayos lang kasi naiintindihan ko naman. Humahanap lang din ako ng pagkakataon para maibigay sa kanya 'yung regalo ko,"

"Oh? May regalo ka para sa kanya?"

"Oo, nando'n at pinatago ko kay kapitan Steven. Kaso nga lang--" Natigilan ako nang mahagip ng tingin ko si Keanu, kasalukuyan s'yang nakaupo sa maliit na couch habang katabi si Keyshia, nagtatawanan silang dalawa habang umiinom ng wine.

Nagawi ang tingin ni Ghon do'n.

"Ah, hindi pa ba nasasabi ni Keanu sa'yo?" Tanong ni Ghon dahilan para mapailing ako at magtaka, "Si Keyshia ang ex-girlfriend ni Keanu, pero h'wag kang mag-alala dahil hanggang do'n na lang 'yan sila. Sadyang matagal lang silang hindi nakapag-usap lalo na't kakauwi lang ni Keyshia galing sa Canada,"

© kopimakiyato

Rose Golden Paradise (Amore Archives #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon