Kabanata 1

168 5 0
                                    

Kabanata 1. Regalo

"Ba't mo naman s'ya naisipang bilhan ng regalo, master? Hindi mo pa naman s'ya lubusang kilala," tanong sa'kin ni Liam no'ng pumunta kami sa malawak na pamilihan na pag-aari ng matalik kong kaibigan.

"Sa susunod na linggo kasi ay kaarawan n'ya, no'ng unang beses kaming nagkita ni Keanu ay nabanggit n'ya sa'king uuwi 'yung kaibigan n'yang galing Canada para sa selebrasyon nila," sagot ko habang nagtitingin ng mga damit sa boutique.

"Paano mo nalaman na kaarawan n'ya?"

Napabuntong-hininga ako, "Aksidente n'yang nabanggit sa'kin 'yon. 'Di n'ya kasi alam kung paano n'ya ako mabibigyan ng imbitasyon,"

Lumapit sa'kin ang isang babae, "Nakapili na ba kayo, ginoo? Bagay na bagay sa inyo ang fitted polo-shirt na 'yan, lalo na ang kulay nito," tanong nito sa'kin bagama't ngumiti lang ako at dito ko nakitang lihim na kinilig ang babae.

Muling nagtanong si Liam, "Anong ibig n'yang sabihin do'n, master?"

"Sa lahat daw ng gusto n'yang imbitahin, sa'kin daw dapat ang pinaka-pormal. Wala akong ideya kung ba't n'ya nasabi 'yon, baka dahil anak ako ni papa," sarkastiko kong sabi dahilan para mangiwi si Liam.

"H'wag ka naman mag-isip ng ganyan, hayaan mo 'yung mga taong nagsasabi na para kang naninirahan sa anino ng 'yong ama. Hindi ka naman nila kilala," tinapik n'ya pa ako sa balikat no'ng mga sandaling 'yon.

Gayon pa man.

"Bibilhin n'yo ba 'yan, Mr. Gonzales? Mas lalo kayong magiging gwapo 'pag sinuot n'yo 'yan, meron din kaming fitting room na pwede n'yong pagsukatan," pormal bagama't bakas ang kilig sa tono ng babaeng staff.

Napangiti ako, "Maganda ang tela, lalo na ang simpleng disenyo. Pero 'di kasi 'to para sa'kin, paano ko malalaman kung bagay 'to sa taong pagbibigyan ko?" Tanong ko dahilan para mapaisip s'ya.

"Hm, meron ba kayong larawan n'ya?" At no'ng mga sandaling 'yon, talagang hindi ako nakasagot. Muli kong inalala 'yung unang araw na nagka-usap kami ni Keanu, ni wala kaming larawan na magkasama.

Nakakahiya mang aminin, pero sobrang istrikto ng papa ko pagdating sa paggamit ng mga gadyets. Hindi ako madalas gumamit ng mga 'yon kaya wala akong alam sa mga nangyayari patungkol sa mga araw-araw na kaganapan. Ang gusto ni papa ay nakatuon lamang ang atensyon ko sa pag-aaral.

Mula no'ng bata ako, sinanay na n'ya akong maging pormal sa lahat ng pagkakataon. Naranasan ko ba ang kalayaan? Siguro, 'yon ay dahil ang yaman na natatamasa ko ay parati kong itinuturing na swerte hindi dahil nakukuha ko ang lahat ng gusto ko, bagkus may mga tao akong natutulungan-- sa daan.

"Master, nabayaran ko na 'yung damit. Kanina ka pa kasi nakatulala d'yan, naghihintay din kasi 'yung staff," sambit sa'kin ni Liam at do'n nga ay namalayan kong napaupo na lang ako sa maliit na couch habang nakaharap sa salamin.

"Wala kaming larawan ni Keanu, minsan lang kasi ako pwedeng gumamit ng cellphone," inis kong sabi sabay inabot ko 'yung paper bag na hawak ni Liam.

Katahimikan.

"Salamat sa pagbili, hihintayin namin ang pagbabalik ninyo," magalang na sabi pa ng staff pero pilit na lang akong ngumiti no'ng mga sandaling 'yon.

Lumibot pa kami ni Liam sa kabuuan ng pamihilan, kung saan-saan kami napadpad at kung ano-anong bagay na pwedeng ipang-regalo ang binili namin. Hanggang sa nahinto kami sa isang tindahan ng sorbetes, dito ko nakita ang mga estudyanteng naka-uniporme at nagtatawanan.

Natigilan ako.

"Master, tulala ka na naman. Ayos ka lang ba? Ba't ba parang ang lalim parati ng iniisip mo?" Tanong ni Liam sa'kin habang tuloy pa rin ako sa panonood do'n sa mga estudyanteng masayang kumakain ng sorbetes.

"Liam, ba't wala akong mga kaibigan?" Do'n ay napatingin s'ya sa direksyon kung saan ako nakatingin.

Natigilan s'ya.

Isang malamig na hangin ang dumampi sa'king balat. Ewan ko ba, nakakatuwa silang pagmasdan pero sa kaparehong pagkakataon ay may kung anong lungkot ang lumukob sa'king pagkatao. Para bang may pumapasok sa isip ko na sana meron din ako ng kagaya nila.

"Ah, eh-- ano ka ba, master? Ano bang tawag mo sa'kin? Hindi ba't kaibigan mo rin naman ako?" Pilit n'yang pinagagaan ang pakiramdam ko, kitang-kita ko naman 'yun sa mata ni Liam.

Kaya naman kaswal na lamang akong ngumiti at inakbayan s'ya, "Sabagay. Hehe, tara na. Gusto ko nang umuwi at kumain, mas masarap ka pa magluto kesa sa mga kainan dito," dagdag ko pa dahilan para mapangiti na lang din si Liam.

Bandang alas-8.

"Gusto ka raw makita ng lola mo bukas pagkatapos ng selebrasyon ng 'yong ama tungkol sa kompanya," panimula ni Liam habang naghahain ng pagkain sa mesa.

"Ba't naman? Hindi ba s'ya bukas pupunta do'n sa venue? S'ya pa naman ang inaasahan kong nando'n para i-guide ako,"

"Nando'n pa kasi s'ya sa Amore, ayaw n'ya rin umalis kasi malawak nga naman ang hasyenda n'yo ro'n at kailangan bantayan lalo na't day-off no'ng namamahala do'n," paliwanag pa n'ya.

Napabuntong-hininga ako.

"Sige na nga, may magagawa pa ba ako? Pero ba't naman n'ya ako gustong papuntahin? May mahalaga ba s'yang sasabihin?"

Nagkibit-balikat s'ya, "Malalaman natin 'yan bukas, master. Kaya kung ako sa'yo ay matulog ka nang maaga, h'wag ka nang tatakas para lumibot dito sa Villa nang naka-bisikleta," paalala pa ni Liam kaya naman napanguso na lang ako.

Bahagya s'yang natawa.

Tinapik-tapik n'ya nang marahan ang aking ulo at ginulo-gulo ang buhok, "H'wag kang mag-alala, bukas ay sisiguraduhin kong mag-eenjoy ka," paniniguro pa n'ya kaya naman tumango na lang ako at dito na kami sabay na kumain sa hapagkainan.

Wala akong ideya sa mga mangyayari bukas, pero sa loob ko ay ayoko namang itanggi na kinakabahan ako. Lalo na sa harap ni papa, para ngang hindi ko na matandaan ang huling beses na nginitian n'ya ako. Kaya nga hangga't maaari ay pilit kong pinapakalma ang aking sarili.

Hanggang sa kwarto ko, nagbabasa ako ng mga libro tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa pagiging inhinyero o arkitekto. May pagkakataon kasing bigla-biglaan akong tinatanong ng mga panauhin ng mga bagay na 'di ko pa lubos nauunawaan, iniisip kasi nila agad na kasing galing ko ang aking ama.

© kopimakiyato

Rose Golden Paradise (Amore Archives #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon