Kabanata 4

63 2 0
                                    

Kabanata 4. Kayabangan

Habang nakikipag-usap ako kila Liam ay s'ya namang nahinto ang musika sa harap dahilan para halos ang lahat ng panauhin ay mapatingin dito. "Inaanyayahan ko ang lahat na tumayo para sa pagdating nina Mr. Hector Gonzales at Mr. Divino Tuazon," pormal na wika nito kaya naman nagpalakpakan ang lahat sa paligid.

Marahan kaming tumayo.

Ang mga panauhin ay nagsilingon sa likod na bahagi ng bulwagan kung saan dadaan si papa kasama si Divino, at no'ng sandaling bumukas ang pinto ay do'n nga sila pumasok dahilan para magpalakpakan ang mga tao sa loob kabilang na kaming tatlo dito sa mesa. Si papa ay kinakawayan lahat ng bumabati sa kanya samantalang wala manlang pake si Divino at diretso lamang s'yang naglalakad.

"Pasikat talaga 'yang si Divino, akala mo kung sino--"

"Shh, master. Maraming panauhin sa paligid, baka marinig ka nila," paninita sa'kin ni Liam kaya naman napangiwi na lang ako.

Ngunit ang tingin ko ay nadako ro'n sa dulo dahil sa pagpasok ng isang lalaking nakasuot ng kulay puting tux na s'yang umagaw ng pansin sa lahat ng bisita. Umukit ang kaswal na ngiti sa'king labi nang makita ko si Keanu na pormal at taas-noong naglalakad sa bulwagan habang diretso lamang ang tingin nito sa harapan.

"Ayan ba si Keanu? Tss, mukhang pagong sa suot n'yang tux. Hindi bagay, para lang s'yang manekin na naglalakad. Anong nakita mo d'yan, Hershey?"

"Ang ingay mo, Percival. Mamaya ka na lang magsalita," sita ko rin sa kanya at do'n nga ay nakatuon lamang ang atensyon ko kay Keanu.

Hanggang sa.

Pormal s'yang naglalakad nang biglang magtama ang tingin naming dalawa, dito ay umukit ang ngiti sa kanyang labi tapos ay kinindatan n'ya ako dahilan para maramdaman ko ang pamumula ng aking pisngi. Ang gwapo, bakit s'ya ganyan? Parang nanghihina ako.

"Oy, umayos ka nga! Baka makita ka ng papa mo nang ganyan, sabihin ay nandito ka para humarot lang."

"Panira ka naman ng moment, tss. Tara na, umupo na tayo," sambit ko pa kila Percival at do'n ay nagtawanan pa silang pareho ni Liam.

Ilang sandali ang nakalipas nang makapunta si papa at si Divino do'n sa harapan, habang si Keanu naman ay nando'n sa lamesang naka-pwesto malapit sa entablado na hindi naman gaanong kalayuan sa pwesto namin. Sinusulyapan ko s'ya pero ang tingin n'ya ay nando'n lamang sa kanyang amang nagsasalita.

"Ganyan pala boses ni Divino, parang kalabaw. Dala siguro ng edad n'ya," bulong sa'kin ni Percival dahilan para matawa ako.

"Oo, lalo na 'pag narinig mong kumanta 'yan. Mas gugustuhin mo na lang makinig sa nag-iingayang kaldero kesa marinig boses n'ya eh,"

"At ang suot, baduy! Ganyan ba ang mataas na uri ng tao? Haha, tingnan mo nga 'yung buhok n'ya parang pwede na bahayan ng mga ibon,"

Natawa ako lalo, "Kahit ibon hindi gugustuhing manirahan d'yan, sa dami ba naman ng mga masasamang bumabalot sa isip n'yan baka ma-prito lang 'yung ibon sa ulo n'ya."

Hindi napigilan ni Percival ang humalakhak, "Ba't d'yan naisipan ng papa mo na makipagsanib pwersa? Haha, walang taste si tito Hector,"

"Aba, malay ko! Walang choice siguro, kung ako kay papa ay hindi ko kikilalanin--"

Hanggang sa.

Pinitik ni Liam ang braso naming pareho ni Percival, "Arekup-- bakit?" Reklamo ko sabay himas sa braso ko.

"Manahimik kayong dalawa, mga pasaway kayo kita n'yong may nagsasalita sa harapan. At ikaw, Percy! Pasimuno ka rin talaga, 'no? Tigilan mong hawaan ng kalokohan ang master ko,"

Napanguso si Percival, "Tss, sungit talaga netong si Liam. Tapos ang KJ pa,"

"Ano 'yung KJ?" Pagtataka ko.

"Basta sila 'yung mga taong naninira ng moment 'pag masaya ka, basta gano'n!"

Napatango ako sa bago kong natutuhan, akalain mo nga namang sa simpleng pakikipagbiruan sa'kin ni Percival ay may mga terminolohiya akong nalalaman na hindi ko pa nagagamit kailanman, hehe. Ano pa kayang mga salita ang madidiskubre ko ngayong gabi?

"Nais kong ipakilala sa inyo ang nag-iisa kong anak, na s'yang magiging sunod na tagapagmana ng kompanya. Lahat kayo ay nais kong magbigay sa kanya ng kapantay na respeto gaya ng sa'kin," nang sabihin 'yon ni papa sa harap ay talagang nagising ang diwa ko! Talagang diretso akong napatingin sa kanya. "Hershey, maaari mo ba kaming samahan dito sa harapan?"

Napalingon ako sa paligid.

Ang lahat ng panauhin ay sa'kin nakatingin, ang iba sa kanila ay pinapalakpakan ako bagama't unti-unti kong nararamdaman ang kabang lumulukob sa'king pagkatao. Pero nang tingnan ko si Liam ay ngumiti lang ito sa'kin at tumango, na para bang ipinahihiwatig n'yang magiging maayos din ang lahat kaya naman no'ng mga sandaling 'yon ay agaran akong tumayo at inayos ang aking tindig.

Lumakad ako sa harap.

Ang mga ilaw mula sa mga tagakuha ng litrato ay hindi nakaagaw ng aking atensyon, patunay 'yon na ang pokus ko ay nando'n sa harapan. Ngunit no'ng sandaling malapit na ako sa lamesa kung sa'n nakaupo si Keanu, agad s'yang tumayo at yumuko sa harap ko dahilan para mapatingin ako sa kanya. Dito n'ya biglang nilahad ang kanyang braso na para bang sinasabi n'yang kumapit ako dito.

Natigilan ang lahat.

"Anong ginagawa mo?" Bulong ko sa kanya nang makalapit ako.

"Ihahatid kita sa entablado,"

"Sira, hindi naman ako babae para sa ganyan,"

Natawa s'ya, "Babae lang ba ang pwedeng ihatid? Tara na, h'wag mo 'kong ipahiya,"

"Pero nakatingin sila papa--" Nang lumingon ako sa direksyon nila papa ay pormal lang itong nakangiti sa'ming dalawa, lalo na si Divino na halatang pilit lang naman.

Kaya naman sa bandang huli, tumanggi ako sa alok ni Keanu. Nakipagkamay na lamang ako sa kanya at do'n ay nanguna ako sa paglalakad habang s'ya ay nakasunod sa'kin. Ayoko naman na mag-isip ang mga tao dito ng kung ano sa pagitan naming dalawa, at isa pa ay hindi ako sanay sa gano'n.

Huminga 'kong malalim.

"Papa,"

"Hershey, bakit hindi mo batiin ang mga panauhin natin?" Si Divino ang unang bumungad sa'kin no'ng makaakyat ako.

Tiningnan ko lang s'ya at tumango, kinuha ko ang mikropono. No'ng sandaling magsasalita na ako ay bigla naman 'tong inagaw ni Divino na s'yang ikinagulat ko, "Buenas tardes a todos," ang wika n'ya sa lahat, isang salitang Espanyol.

Naalala ko ang itinuro sa'kin ni papa, sa oras na may taong magtatanong sa'yo sa kung anong lengguwahe man ang gamit nila, sumagot ka sa kaparehong lengguwahe rin. Kung hindi mo alam ay magsalita ka na lamang ng wikang Ingles, bagama't hindi pwedeng hindi ako sumagot sa kaparehong panimula ni Divino. Dahil matagal nang itinuro sa'kin ang pagsasalita ng iba't ibang wika, kahit na iilan lang dito sa kaya ko.

"Saludar a nuestros visitantes," utos pa n'ya na nagsasabing batiin ko ang mga panauhin, do'n n'ya inabot sa'kin ang mikropono.

Napabuntong-hininga ako.

© kopimakiyato

Rose Golden Paradise (Amore Archives #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon