Kabanata 6

47 1 0
                                    

Kabanata 6. Pag-amin

Pinagmasdan ko ang kabuuan ng gazebo, napapalibutan ito ng mga baging at mga maliliit na bulaklak na s'yang nagsilbing disenyo. Sa bandang paibaba naman nito matatagpuan ang malawak na ilog kung sa'n sa oras na maupo dito ay kaagad mo itong matatanaw. Kasabay no'n ang mga alitaptap na nagliliparan at ang mga repleksyon nila sa tubig ay animo mga bituin na kumikislap.

Katahimikan.

Kapwa namin pinagmamasdan ni Keanu ang mga magagandang bagay sa paligid, malamig ang hanging dumadampi sa'ming balat at nang sulyapan ko s'ya ay nakatanaw lamang din s'ya sa 'di kalayuan ng ilog. Nakakatuwa s'yang tingnan, lalo na't sobrang kalmado n'ya lang at napakaamo ng kanyang mukha.

"Nagustuhan mo ba, Hershey?" Nang magsalita s'ya ay kaagad akong umiwas ng tingin.

Naupo ako sa pahabang bangko dito sa loob ng gazebo, "Oo naman, sinong mag-aakala na may ganito kagandang lugar sa Amore,"

"Kahapon lang ay nanggaling ako sa hasyenda na pag-aari ng 'yong ama, 'di talaga katanggi-tanggi na isa s'yang mahusay na arkitekto," no'ng mga sandaling 'yon ay nagtama ang aming tingin.

Nginitian n'ya ako.

"Ah-- sinabi mo pa," tanging nasabi ko na lang.

"Sa susunod na linggo ay kaarawan ko, inaasahan ko ang pagpunta mo do'n," kasawal n'yang sabi at dito ay halos magulat ako sa sunod n'yang ginawa!

Kinuha n'ya ang kanang kamay ko at ginawaran ito ng halik dahilan para matigilan ako at hindi agad makagalaw sa'king kinauupuan, "Keanu…"

"Pasensya na, hindi ka ba sanay?"

"Hindi naman... pero ba't mo 'to ginagawa? Baka mamaya magalit 'yung--"

"Kasintahan ko? Mga linyahan 'yan ng mga taong gustong malaman kung single ako,"

Napabuntong-hininga ako.

"Baka magalit 'yung papa mo. Alam mo namang mainit ang dugo no'n sa'kin, hindi ka ba natatakot?" Tanong ko pa dahilan para mapangisi s'ya.

"Ako? Ba't naman ako matatakot sa kanya? Kung tutuusin ay ako ang pinakamalaking susi n'ya sa tagumpay n'ya. Kaya h'wag kang mag-alala dahil pwede kong gawin ang lahat ng gusto ko," sambit n'ya pa at akmang hahalikan muli ang kamay ko pero marahan ko na 'tong inalis.

"Gano'n ba? Edi... mabuti para sa'yo," aba, 'di ko alam pero ramdam kong namumula na talaga ang pisngi ko sa mga oras na 'to.

Bahagyang natawa s'ya.

"Ba't ka ba nahihiya, Hershey? Ngayon na nga lang tayo nagkita ay ganyan mo pa ako pakikitunguhan, nakakatampo ka," paglalambing n'ya sabay yuko sa'king dibdib na mas lalo kong kinabigla!

Marahan ko s'yang tinulak paupo, "Kumusta ka na pala?" Pag-iiba ko ng usapan.

Mukhang nakuha n'ya naman ang ibig kong sabihin dahil kaagad s'yang bumuntong-hininga at pormal na inayos ang kanyang pagkaka-upo, "Ayos lang, naging abala sa pagiging modelo, 'yun kasi ang trabaho ko. Iba pa do'n sa mga negosyo ni papa," paliwanag n'ya sabay sandal sa bangko at napatingin sa labas ng gazebo.

"Nakauwi na ba 'yung kaibigan mong galing sa Canada?" Tanong ko pa pero nagkibit-balikat lang s'ya at ayaw n'ya akong tingnan, "Uy, ayos ka lang ba? Ba't ayaw mo 'kong lingunin?"

"Para kasing ayaw mo naman ako makasama dito, pinagtutulakan mo 'ko. Para konting lambing lang naman, 'di mo ba alam na na-miss kita nang sobra?"

Natigilan ako.

"H-ha?"

Do'n n'ya ako nilingon.

"Hershey, no'ng nakita pa lang kita sa bulwagan talagang napamangha mo 'ko nang sobra. Para kang bumagsak galing sa langit dahil sobrang sarap mong pagmasdan, lalo na 'yang suot mo? Bagay na bagay sa'yo,"

"P-pero 'di kita maintindihan, Keanu,"

Napangisi s'ya, "Gusto kita, Hershey. Matagal ko na 'yun gustong sabihin sa'yo pero nakakainis parang deadma lang talaga sa'yo ang lahat. Alam mo bang nagpapadala ako ng bulaklak sa bahay n'yo? Mga tsokolate? Nagpadala pa nga ako ng mga sapatos sa'yo,"

Nagtaka naman ako.

"Wala akong alam sa sinasabi mo, hindi naman binabanggit sa'kin ni Liam ang tungkol d'yan," pagtanggi ko.

Sa mga nakaraan, wala naman akong nababalitaan na merong nagpapadala sa'kin o ako. Kahit nga sa mga kasambahay ay wala naman silang nababanggit sa'kin, pero ewan ko ba! Siguro ay tatanungin ko na lang si Liam tungkol do'n, pero imposibleng magtatago ng sikreto sa'kin ang isang 'yun.

Umiwas s'ya ng tingin.

"Hayaan mo na, mas mainam naman ngayon na alam mong may gusto ako sa'yo," sambit pa n'ya nang hindi nakatingin sa'kin nang diretso, hindi kaya ay nahihiya s'ya?

Hindi ko alam. Hindi ba dapat ay masaya ako ngayon? Pero ba't ganito ang nararamdaman ko? Hindi ko maramdaman 'yung saya na animo lumulutang ako sa alapaap, para bang may hindi tamang nangyayari basta gano'n 'yung pakiramdam ko. O, baka naman dahil masyado lang kaming mabilis?

"Totoo ba 'yang sinasabi mo? Ba't mo naman ako magugustuhan--"

"Hindi mo pa ba nahahalata? Tsaka alam mo namang sobrang malapit ang parehong magulang natin sa isa't isa. Isipin mo, 'pag naging tayo sa hinaharap magiging sobrang makapang--" Natigilan s'ya dahilan para magtaka ako, "Ang ibig kong sabihin, magiging sobrang sikat ng pangalan natin dahil magkakaroon tayo ng maraming tagahanga at kikiligin sila sa'tin," dagdag pa n'ya at tila napapaisip sa kanyang sinabi.

Katahimikan.

Pilit na pino-proseso ng isip ko ang mga sinabi n'ya, hindi ko alam pero nananaginip ba ako? May parte ng pagkatao ko na masayang marinig 'yun sa kanya, pero ba't parang may kung anong pumipigil sa'kin? Hindi ko talaga maintindihan! Pero alam ko sa sarili ko na matagal ko nang gusto si Keanu, kahit nga madalang kaming magkita ay s'ya pa rin ang laman ng isipan ko.

"Keanu, gusto rin naman kita. Pero baka masyado lang akong nabigla sa mga sinabi mo, hindi ko lang inaasahan na may lakas ng loob ka para sabihin 'yon," mahinahon kong sabi, dito ay muling nagtama ang tingin namin.

"Ngayon alam mo na ang nararamdaman ko, kaya pakiusap h'wag mo naman iparamdam sa'kin na parang wala lang ako dito." Sagot pa n'ya at muling hinawakan ang kamay ko, kasabay no'n ang pag-angat ng kaliwang kamay n'ya para humawak sa'king pisngi.

Dito ko naramdaman ang mabilis na pagtibok ng aking dibdib, unti-unting naglalapit ang mukha namin sa isa't isa. Ang kanyang mga mata ay animo hipnotismo na dadalhin ako sa ibang dimensyon, hinaplos n'ya ang aking pisngi pababa sa'king leeg dahilan para makaramdam ako ng bahagyang kiliti.

Hanggang sa.

Ipinikit n'ya ang kanyang mga mata at gano'n din karahan ang aking ginawa, no'n nga ay namalayan ko na lang din na gumapang ang kamay ko pakapit sa kanyang balikat para ilapit s'ya sa'kin. Do'n ay unti-unti kong nararamdaman ang hininga naming pareho, hudyat na kaunting distansya na lang ang pagitan para magsugpong ang labi namin.

Sa isang iglap.

"Master, nandito ka lang pala," nang marinig ko ang boses ni Liam ay kaagad akong umiwas at umayos sa pagkakaupo!

© kopimakiyato

Rose Golden Paradise (Amore Archives #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon