Kabanata 3

61 2 0
                                    

Kabanata 3. Kalayaan

Bandang hapon no'ng nakarating kami sa lugar na aming pupuntahan, buong akala ko ay do'n gaganapin sa kompanya ang selebrasyon pero mali ako. Nandito kami ngayon sa isang malawak na bulwagan sa sentro ng Amore, hindi na rin naman ako tumutol dahil malapit 'to sa bahay ng lola ko.

Ang bulawagang ito ay pag-aari raw ng kalapit na negosyanteng kaibigan ng papa ko, masasabi kong maganda ang estilo pagdating sa disenyo. Mukhang ang lahat ng taong nandito ay mga dakilang arkitekto, mula pa lang sa mga suot nila ay masasabi kong matataas silang uri ng tao.

"Nakita mo na ba si papa?" Tanong kay Liam nang makapasok kami sa loob, naglilibot kami para hanapin si papa.

S'ya namang pagtingin sa'kin ng mga tao sa loob lalo na ang mga kababaihan, ngunit karamihan sa kanila ay mas nahuhumaling kay Percival lalo na't nakasuot na s'ya ngayon ng isang pormadong tuxedo na ipinadala n'ya kanina sa bahay kaya nakapag-ayos s'ya nang ganito.

"Hindi. Mamaya pa s'ya darating kasabay ng mga Tuazon. Makikita mo mamaya si Keanu lalo na't kasabay n'ya naman palagi ang kanyang ama," nang bigkasin 'yon ni Liam ay umukit ang ngiti sa'king labi, hindi na tuloy ako makapaghintay na makita s'ya.

"Siguraduhin mong may espesyal d'yan sa Keanu na 'yan, baka mamaya mas gwapo pa pala ako sa lalaking 'yan?" Paniniguro ni Percival dahilan para matawa ako.

"Hm, mas gwapo ka pa rin naman Percival. Hindi nga lang sa mga mata ko, kundi sa mga babaeng nahuhumaling sa'yo,"

"Tss, ang balidasyon na kailangan ko ay gusto kong manggaling sa'yo," iniwas n'ya ang kanyang tingin no'ng mga sandaling 'yon, animo nagtatampo.

Natahik na lang ako.

Humanap kami nila Liam ng mauupuan, ang lahat ng disenyo sa loob ng bulwagan ay may kulay itim at kulay-kape na s'yang nakaka-ayang tingnan lalo na't bumagay ito sa pagiging pormal ng paligid. Idagdag mo pa ang mga musikero at maestro do'n sa malawak na entablado sa harap kung saan ang kanilang tugtugin ay mga klasikong awitin.

Ang mga ilaw ay masarap pagmasdan lalo na't hindi ito nakakasilaw, ang disenyo nito ay korteng bulaklak na kung tawagin ay rosas na magkakahilera dahilan para mas lalong magbigay ito ng komportableng pakiramdam dahil sa tinatangi nitong ganda. At ang huli, ang mga tela sa lamesa ay makapal lalo na't ang mga ito ay kulay karamel at ang upuan ay yari sa kahoy na may naka-ukit na dahon at kung ano-anong wangis ng hayop.

Ang ganda dito.

Kapansin-pansin din naman ang mga panauhin sa paligid, ang lahat sa kanila ay pormal ang suot lalo na ang mga kababaihan na noon ay may mahahabang kasuotan, 'yung iba ay nagsuot pa ng saya na s'yang ginagamit ng mga kababaihan noon.

"Mr. Gonzales, kayo pala! May naka-reserve nang upuan para sa inyo," paglapit sa'kin ng isang lalaki na sa tingin ko ay isang staff nitong bulwagan.

"Salamat. Pero kahit sa'n naman kami maupo ay ayos lang,"

"Pinag-utos kasi ng 'yong ama na do'n namin kayo ilagay sa gitna, para madali kayong makita ng mga bisita,"

Napatakip na lang ako sa'king mukha. Binabalot na nga ako ng kaba tapos ang atensyon ay sa'kin pa mapupunta? Anak ng tokwa naman talaga, ano ba kasing binabalak nito ni papa? Lalo tuloy akong nakakaramdam ng halo-halong emosyon basta hindi ko maunawaan!

Inakbayan ako ni Percival, "H'wag kang matakot, kasama mo naman kami. Akong bahala sa'yo 'pag may sinabi si Divino na hindi mo nagustuhan,"

Nangisi ako.

"Loko, ano naman laban mo do'n?"

"Ha, pantay lang naman ang yaman naming pareho. H'wag kang mag-alala dahil hangga't nandito ako ay hindi n'ya magagambala ang presensya mo," paniniguro n'ya pa sabay ngiti sa'kin nang nakakaloko.

Napakayabang.

Nang makaupo na kami ay kung sino-sinong staff na ang umasikaso sa'min, nand'yan 'yung maglalagay sila ng baso at sasalinan ito ng isang kilalang wine dito sa bayan ng Amore, ang ilan naman sa kanila ay palihim na nagpapakuha sa'min ng larawan pero hindi naman ako tumutol do'n.

"Ito siguro 'yung dahilan kung ba't lumaki kang sobrang pormal, halata sa'yo na nanggaling ka sa dugong maharlika," natatawang ani Percival sabay inom ng wine.

"Gano'n mo rin naman ako kausapin, 'di ba? Hindi ka naman ganyan magsalita kung hindi ka isang maharlika rin gaya nila,"

"Kasi kausap kita. Kailangan kong bagayan kung anong pinagmulan mo. Ngayon, kung kaswal kitang kakausapin ay baka manibago ka lang,"

"Anong ibig mong sabihin?"

"Hershey, exposed ako sa labas. Kung sino-sinong tao ang nakakasama ko at sa campus namin ay marami akong mga kaibigan. Hindi gaya mo na parati lang nakakulong sa bahay, tapos by schedule pa kung lumabas o pumunta sa mga ganitong event. Trust me, kinukulong ka sa hawla ng papa mo," hindi ko alam kung nagbibiro lang ba si Percival pero sadyang seryoso ang kanyang tono habang diretsong nakatingin sa'kin.

"Kaya ba wala akong masyadong alam sa mga terminolohiya na ginagamit ng mga kabataan ngayon ay dahil--"

"Tumpak. Gusto ko nga sanang kuhanin ka sa papa mo kahit sandali, makapag-explore manlang. Kasi realtalk lang, Hershey. Sa t'wing kinakausap kita para 'kong nakikipag-usap sa prinsipe," do'n na s'ya natawa at dito nag-apir pa sila ni Liam.

Napanguso ako.

"Hindi ko maintindihan, may mali ba sa paraan ko ng pagsasalita? Ganito naman ang tinuro sa'kin ni Liam no'n, tapos ngayon ay tinatawanan n'yo 'ko,"

Tinapik ni Percival ang kanang balikat ko, "Ma-explore lang talaga kita sa labas, babaguhin ko 'yang nakasanayan mo. Pero duda akong mangyayari 'yun,"

"Walang mali sa paraan mo ng pagsasalita, master. Nagkataon lang na sa ganyang paraan ka sinanay dahil karamihan sa mga taong makakausap mo balang araw ay mga kilalang tao sa iba't ibang industriya. Propesyunal at higit sa lahat may napatunayan,"

Natahimik lang ako.

Pilit kong iniintindi 'yung sinasabi nila, hindi ko rin naman maitatanggi na gusto ko rin naman 'yung explore na sinasabi ni Percival. Hindi ko pa nga rin alam kung ba't hanggang ngayon ay parang tinatago ako ni papa sa publiko, bakit parang habang lumalaki ako ay nagkakaroon ako ng malaking responsibilidad na naghihintay sa'kin mula sa hinaharap? Ewan ko, ba't parang ngayon ko lang napagtatanto na wala akong kalayaan?

© kopimakiyato

Rose Golden Paradise (Amore Archives #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon