Kabanata 12

21 0 0
                                    

Kabanata 12. Ligaya

No'ng matapos kaming mag-usap ni papa ay sinama na agad ako ni Liam papunta sa isang malawak na parkeng sinasabi n'ya. Ang lugar na 'yon ay madalas tambayan ng mga mamamayan dito sa Amore, tulad kasi ng napag-usapan namin ni Liam ay bibilhan n'ya raw ako ng sorbetes.

"Kumusta naman ang daloy ng usapan ninyo? Pinagalitan ka ba n'ya? Ang tahimik mo kasi simula no'ng nakalabas ka ng opisina ng 'yong ama," tanong ni Liam habang naglalakad kami sa isang tulay na gawa sa kahoy at lubid na s'yang magtatawid sa'min do'n sa tindahang sinasabi n'ya.

Katahimikan.

Hindi muna ako agad sumagot. Dinama ko lang ang katahimikan at pinagmasdan ang mga palamuti rito sa tulay tulad ng mga maliliit na bumbilya na s'yang nagliliwanag sa landas na aming tinatahak. Idagdag mo pa 'yung mga nakapalibot na halaman at bulaklak sa tulay, sa ilalim naman ay isang ilog na s'yang sobrang banayad ng pagdaloy ng tubig. Kapansin-pansin din 'yung mga alitaptap sa nagliliparan sa tabi nito.

"Tulad pa rin ng dati si papa, masyado pa rin s'yang mahigpit sa'kin. Para bang wala s'yang pake sa mga nararamdaman ko," walang gana kong sabi.

"Kung gano'n, tama nga ako. Paniguradong pinagsabihan ka na naman n'ya. Pero hindi ka pa ba masasanay? Mabuti na nga lang at handa ka kanina," sagot pa n'ya.

Nakalagpas kami sa tulay.

"Handa nga ba ako, Liam? Lahat ng naging usapan namin kanina ay hindi ko inaasahan, sinabi n'ya rin 'yung tungkol sa kasalanan ko dahil sa pagiging sarkastiko ko sa harap ni Divino," inis kong sambit.

"Mamaya na lang natin pag-usapan 'yan, baka lalo ka lang ma-stress kung pati sa paglalakad ay 'yan pa rin ang iniisip mo," dito ay inakbayan n'ya ako at isang ngiti ang umukit sa kanyang labi, "nandito na tayo, master. Pagmasdan mo ang Villa Amore, isang malawak na parke na s'yang binuksan lamang no'ng nakaraang taon," at do'n nga ay kitang-kita ko ang ganda ng lugar.

May malaking fountain sa gitna nito. Maraming tindahan sa paligid ng iba't ibang mga pagkain at mula pa lang dito sa kinatatayuan ko ay amoy na amoy ko na ang mabangong amoy ng mga 'to dahilan para matakam ako. Maraming tao sa paligid bagama't hindi naman masikip ang lugar. Karamihan sa mga nakikita ko ay mga pamilya, magkasintahan, mga estudyanteng naka-uniporme.

Napangiti ako.

"Ang ganda dito, Liam. Ba't ngayon mo lang ako sinama rito? Sobrang daya mo talaga," nagtatampo kunwaring sabi ko dahilan para matawa s'ya.

"Nagustuhan mo ba, master? T'wing sabado ay may mga bandang nagtatanghal dito, ang iba namang aktibidad ay dito rin ginagawa tulad ng mga pageant at kung ano-ano pa." Paliwanag pa n'ya habang tuloy sa paggala ang aking tingin sa buong paligid.

Kitang-kita ko ang mga nakahilerang puno at may mga nakakabit na ilaw na s'yang unti-unting bumubukas dahil bahagyang dumidilim na rin lalo na't malapit nang mag alas-6 ng gabi. Maraming tambayan dito at ang nakakatuwa ay 'yung mga naglalaro ro'n sa malawak na espasyo.

"Sa'n tayo unang pupunta? Gusto kong matikman 'yung mga nagtitinda ng street foods! Isang beses pa lang ako nakasubok no'n at 'yun ang araw na itinakas ako ni Percival sa mansyon," natatawang sambit ko dahilan para mapataas ang 'sang kilay ni Liam!

"Sinasabi ko na nga ba! Kaya pala nawala ka no'ng araw na 'yon ay dahil magkasama kayo ni Percival. At talagang tinakpan mo pa ng dahon 'yung CCTV sa labas para hindi namin kayo makita," nakapamewang na sinermonan n'ya ako dahilan para mapakamot ako sa ulo.

"Hehe, pasensya na. Oh, s'ya! Samahan mo na 'ko do'n, Liam! Mamaya ka na mainis sa'kin," at do'n ay hinila ko s'ya pero napapailing na lang s'ya dahilan para matawa ako.

Rose Golden Paradise (Amore Archives #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon